DAPAT MONG MALAMAN

  • Lumahok sa pagpupulong ng Special Action Committee on Insurgency ng Laguna Peace and Order Council si UPLB Vice Chancellor for Community Affairs (VCCA) Roberto Cereno nitong ika-25 ng Enero sa Santa Cruz, Laguna.
  • Nagpahayag ng pagkabahala ang ilang lider-estudyante kabilang si University Student Council (USC) Chair Gio Olivar dahil hindi raw ito naipa-alam sa kanila.
  • Kinondena naman ni Olivar at ng Youth Advocates for Peace with Justice UPLB (YAPJUST-UPLB) ang resolusyong isinumite ng militar sa komite na naglalayong magsagawa ng “National Security Awareness Sessions” sa mga mataas na paaralan, kolehiyo, at technical-vocational institutes sa Laguna.

Kinundena at ikinabahala ng mga lider-estudyante ng UPLB ang isinagawang pagtitipon ng Special Action Committee on Insurgency ng Laguna Peace and Order Council nitong ika-25 ng Enero sa Santa Cruz, Laguna.

Kabilang sa mga lumahok sa pagpupulong si UPLB Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA) Roberto Cereno kasama ang mga kinatawan mula Department of Education (DepEd) – Laguna, Commission on Higher Education (CHED) 4 CALABARZON, at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) – Laguna.

Ayon kay University Student Council (USC) Chair Gio Olivar, bagaman iginiit ni Cereno ang UPLB Safe Haven Resolution sa nabanggit na pagpupulong, hindi raw nabigyan ng abiso ang konseho hinggil dito.

“Malugod nating kinikilala ang paggiit ni VC Cereno ng UPLB Safe Haven Resolution sa Laguna Special Action Committee on Insurgency,” ani Olivar. “Ngunit, nababahala tayo na hindi tayo nabigyan ng paunang abiso na naimbitahan ang UPLB Administrasyon sa ganitong klase ng pagpupulong.”

Dagdag pa ni Olivar: “Naibigay lamang sa atin ang karagdagang impormasyon at partisipasyon ng UPLB patungkol dito matapos magtanong ang Konseho.”

Kinondena rin ng USC Chair ang resolusyong isinumite ng 202nd Infantry Brigade (202Bde) at nagpagkasunduan ng komite na naglalayong magsagawa ng “National Security Awareness Sessions” sa mga mataas na paaralan, kolehiyo, at technical-vocational institutes sa Laguna. 

“Mariin din nating kinokondena ang 202nd Infantry Brigade (202Bde) sa pagtatago sa likod ng ‘national security’ para mapasok ang mga paaralan at makapagsagawa ng red-tagging sessions at seminars,” saad ni Olivar.

Sinubukan ng Tanglaw na manghingi ng panayam kay Cereno. Ipinagbigay-alam ng opisina ni Cereno ang pagtanggap ng liham, ngunit hindi pa nito pinauunlakan ang pahayagan sa kasalukuyan.

Kasama sa mga dumalo sa pagpupulong noong Enero 25 si UPLB Vice Chancellor for Community Affairs Roberto Cereno (pangatlo mula sa kaliwa). Sa kaniyang tugon sa USC, nilinaw niya na pinatanggal niya ang UPLB mula sa resolusyon, bilang pagkilala sa Safe Haven Resolution.
Kuha mula sa 202nd Infantry Brigade

Pasistang agenda ng estado

Ito rin ang pagtindig ng Youth Advocates for Peace with Justice UPLB (YAPJUST-UPLB). Ayon sa grupo, ang resolusyon ay hakbangin lamang ng militar upang atakihin ang kalayaang pang-akademiko ng mga paaralan sa pamamagitan ng pananakot at panre-redtag sa mga mag-aaral.

“The 202Bde continues to weaponize counterinsurgency and national security to hijack and infiltrate educational institutions…The military plans to do this by crafting approaches, materials, and policies that have long been used to red-tag and threaten concerned students, critical thinkers, and dissenters,” pahayag ng YAPJUST-UPLB.

“The same tactics were employed in the military’s previous intrusions, including their red-tagging seminars in and outside UPLB. Now, they are trying to normalize attacks on academic freedom by passing a resolution that advances their fascist agenda.”

Binigyang diin din ng YAPJUST-UPLB ang UPLB Safe Haven Resolution na naglalayong siguraduhin ang kalayaang pang-akademiko ng unibersidad. “We hope that VCCA Cereno and the entire UPLB administration continue to stand firm in their commitment to our Safe Haven Resolution and actively oppose disguised attacks similar to the 202Bde’s proposed resolution.” 

Ayon naman kay Olivar, bilang hakbangin ay ipapanawagan ng konseho ang pagtitipon ng UPLB Safe Have Multi-sectoral Advisory Board at University Council Committee on National Issues. 

“Kung kaya’t para sa mga susunod na hakbangin, mariin nating ipinapanawagan na i-convene na ang UPLB Safe Have Multi-sectoral Advisory Board at ang University Council Committee on National Issues upang makabuo ng mga karagdagang mekanismo sa mga ganitong attempts ng estado para mapasok ang ating unibersidad,” sabi ni Olivar. 

Target ang buong rehiyon

Nitong ika-21 ng Pebrero naman ay nagkasa ng kilos-protesta ang ilang progresibong grupo upang tutulan ang pagratsada ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) sa nabanggit na resolusyon upang saklawin ang buong rehiyon.

Ayon kay Zeadric Roxas ng League of Filipino Students UPLB, ang pagpapatindi ng militarisasyong ito ay estratehiya lamang ng estado upang maghasik ng takot sa mga paaralan.

“Kagaya siya ng tactic ng estado na imbes ugatin ang causes ng armed struggle, mas pinipili nilang i-intimidate at harass-in ang mga tao into submission,” ani Roxas.

Giit naman ni Olivar, kahit tuluyang matanggal ang UPLB sa resolusyon dahil sa paggiit ni Cereno sa UPLB Safe Have Resolution noong naganap na pagpupulong, dapat ay kundenahin pa rin ito ng administrasyon ng unibersidad.

“Pero may UPLB man o wala, siyempre, bilang isang university or student institution, sa dapat tumitindig din ‘yung UPLB Administration as the administration of the national university to condemn such kasi it’s part of protecting academic freedom,” banggit ni Olivar. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya