Isinulat ang istoryang ito nina Diana Luspo at Maryrose Alingasa.

Sa pakikipagpanayam ng Tanglaw sa mga mag-aaral, hindi nagpapangalan ang lahat ng mga mag-aaral at mga student-athletes na nakausap ng pahayagan upang magbigay ng kanilang opinyon sa varsity prioritization. Ito ay dahil sa agam-agam na dulot ng mainit na usapin tungkol sa isyung ito. Sa kabila nito, napagdesisyunan ng Tanglaw na ipagpatuloy ang paglalathala dahil ipinabatid naman sa akin ang pagkakakilanlan ng mga nakausap, alinsunod sa matagal nang practice sa paggamit ng anonymous sources at sa mga alituntunin ng Tanglaw News Guidelines and Stylebook to Devcom. Maraming salamat sa inyong pang-unawa. – Ian Raphael Lopez, Tanglaw Editor in Chief

DAPAT MONG MALAMAN

  • Nagkaroon ng mainit na talakayan kamakailan tungkol sa biglaang pagkakaroon ng prioritization ng mga varsity ng UPLB sa nakaraang pre-registration period.
  • Para sa mga student-athletes, naging malaking tulong ang prioritization upang maplano nila ang kanilang oras at upang makasali sa iba’t ibang mga patimpalak.
  • Idinetalye naman ni Varsity Sports Coordinator Asst. Prof Toni Salangsang ang konteksto sa likod ng varsity prioritization, at pinalalim ang usapin ng ‘pribilehiyo’ na tinatamasa ng mga atleta.
  • Bagaman marami ang nagsabing naapektuhan sila ng hakbang ito, naiintindihan naman ng ilan sa mga nakapanayam ng Tanglaw na mga mag-aaral ang rason sa likod ng prioritization. Nagmungkahi din sila ng mga hakbang upang mas itaas ang diskurso mula sa pagbabangga ng mga interes ng mga mag-aaral.
  • Para naman sa University Student Council, kakabit ng isyung ito ang sistematikong problema sa units sa UPLB na pinalala pa ng mga kakulangan sa budget.

Kasabay ng pagsisimula ng panibagong semestre ang kahirapan ng pagkuha ng units ng mga mag-aaral. Kaya naman, umani ng samot-saring reaksyon mula sa mga mag-aaral ng UPLB ang naging prioritization ng mga varsity athletes sa pre-registration ngayong semestre.

Sa panayam ng Tanglaw sa mga mag-aaral – na magkahalong mga kasama ng varsity at ang mga hindi – makikita na bagaman iba’t iba ang kanilang naging pananaw sa prioritization ay nagmungkahi sila ng mga hakbang upang masigurong hindi na maulit ang kalituhan sa proseso. 

Ipinamalas din ng namamahala sa varsity program ng UPLB ang konteksto sa pagbibigay ng prioritization sa mga student-athletes, at nagmungkahi rin ang mga lider-estudyante tungkol sa isyu.

Varsity Sports Coordinator Asst. Prof Toni Salangsang

Pagiging varsitarian

Ang diskurso ukol sa varsity prioritization ay makatutulong para sa mga student-athlete, hindi lamang sa larangang pang-akademiya ngunit para rin sa isports na kanilang kinabibilangan at pinag-eensayuhan. 

Sa konteksto ng UPLB, ang mga tinatawag na “varsity” ay ang mga mag-aaral na kumakatawan sa mga pangpalakasang kompetisyon para sa unibersidad, tulad na lamang ng Southern Tagalog Regional Association of State Universities and Colleges (STRASUC). Ang mga kabilang sa ispektrum ng ehersisyo at pampalakasan tulad ng mga team sport tulad ng mga isports na basketball, volleyball,  esports naman (ml, lol, etc), dance troupe, at iba pa na sumasabak sa mga kompetisyon para bitbitin ang pangalan ng UPLB ay matatawag din na varsity. 

Ayon sa Varsity Sports Coordinator na si Asst. Prof Toni Salangsang, tinatayang humigit kumulang 400 mag-aaral ang nabigyan na prayoridad sa nagdaang pre-registration para sa ikalawang semestre. Sa kabila nito, binigyang-diin ni Salangsang na hindi naman maaaring ipagmalaki kaagad ng isang mag-aaral na siya ay isang kasapi ng varsity. 

“In the technical sense of the word, ang mga varsity yung mga taong nagrerepresent,” ani Salangsang. “Pero may mga trainees tayo na ganun din naman, gini-gear sila kasi gra-graduate na ‘to [current representative], sino naman yung magte-ttrain?” dagdag pa nya. 

Dagdag pa ni Salansang, may prioritization na para sa mga varsity sa ibang campus ng UP, tulad na lamang sa UP Diliman. Bilang nagtapos at minsan nang nagrepresenta para sa UP, may malay siya na mayroong prayoritasyon para sa mga mag-aaral na atleta rito kaya naman matagal na nyang hinihiling ang varsity prioritization rito sa unibersidad. 

Isang student-athlete na nakapanayam ng Tanglaw

Hindi biro

Ang isyu ng prioritization ay matagal nang ipinaglalaban at idinidiin na matamasa ng mga student-athletes at coaches ng unibersidad. Ayon sa isang Devcom student-athlete na nakapanayam ng Tanglaw, kasama pa sa kanilang mga dalahin ang problema sa kakulangan ng units ay ang pangangailangan ng minimum na bilang ng units na kanilang dapat makuha sa isang semestre upang makasali sa ilang mga paligsahan.

“Bilang student-athlete, hindi birong irepresenta ang unibersidad at mag training 3 times a week kasabay ang mabigat na workload,” pahayag ng isang student-athlete.

Ayon sa kaniya, isang malaking bagay na nabigyan siya ng prioritization sa pre-registration dahil isa siya sa mga atletang ipapadala upang lumaban sa Southern Tagalog Regional Association of State Universities and Colleges (STRASUC), isang collegiate sports competition, ngayong semestre. “Representing the university this semester for STRASUC, this competition requires a certain minimum number of units kaya kapag underload kami ay hindi kami masasama sa lineup,” aniya.

Ganito rin ang naging punto ng isang Batch ‘21 student-athlete mula sa College of Arts and Sciences. Aniya, malaking tulong para sa kanya ang prioritization upang maiplano ng mga atleta ang kanilang oras at mahati ito sa pag-aaral at training.

“Sumasang-ayon po ako sa varsity prioritization dahil mahalaga naman po na magkaroon ng chance makapagmanage ng kanilang schedule ang mga varsity members dahil may dagdag na  responsibilidad silang magtrain o kaya magrepresent ng university throughout the semester.” ayon sa kaniya.

Isang mag-aaral na nakapanayam ng Tanglaw

Pananaw ng mga mag-aaral

Ang biglaang pag-anunsyo na magkakaroon ng priority ang mga varsitarian sa pre-registration ang naging mitsa ng iba’t ibang pananaw tungkol sa isyu. Pakiwari ng isa pang Batch ‘21 na mag-aaral ng Devcom na hindi miyembro ng varsity, ang naganap na prioritization ay isa sa mga benepisyo na dapat lang na natatamasa ng mga student-athlete sa ating unibersidad. “I think okay lang siya, I mean, given na sobrang konti na lang ng benefit and support na natatanggap nila — that’s the least the admin can do for them,” aniya. 

Ganoon din ang pahayag ng isang Batch ‘22 na mag-aaral mula sa College of Engineering and Agro-industrial Technology (CEAT). Saad niya sa panayam ng Tanglaw, bagaman apektado ay sang-ayon siya sa prioritization dahil sa hirap at sakripisyo na ginugugol ng mga student-athlete. “Sa isang linggo, ilang oras ‘yung ginugugol ng mga student-athletes para maging representative ng university sa loob at labas ng school,” pahayag niya.

Sa kabila ng kanilang pagsang-ayon sa prioritization, apektado pa rin sila sa mabilis na pagkaubos ng mga units noong pre-registration. Sa nakausap na mag-aaral mula sa CEAT, isa ang mabilisang pagkalimas ng units sa AMIS sa kaniyang ikinabahala sa unang araw pa lamang ng pre-registration. Dagdag pa rito, naubusan siya kaagad ng slots sa isang major subject na kinakailangan niyang makuha ngayong semestre, kung saan nakasalalay kung kailan siya magtatapos sa unibersidad. 

“Domino effect siya sa curriculum namin and sobrang laki ng chance na madelay kahit na wala naman akong bagsak. Actually, marami akong ka-batchmates na nakakuha ng course na ‘yun thru varsity prio, kaya ang laking edge para sa kanila na hindi na nakikipag-agawan sa units unlike sa’min na hanggang ngayong dulo ng change of matriculation e nangangarag pa rin sa units,” pahayag niya.

Kaniyang binigyang diin ang takot at pagkabahala na kanyang naramdaman noong preregistration dala-dala ang kanyang pag-aalala sa pagkaubos ng slots. “… Sobrang desperado na talaga akong makuha ‘yung course na ‘yun, and pagdating kasi sa Batch ‘22 no’n, ubos na talaga lahat ng slots,” dagdag pa niya.

Para naman sa isang Batch ‘21 Devcom student, isa siya sa mga nakaranas ng pagkadismaya sa mabilisang pagkaubos ng mga kursong kaniyang kukunin sana sa takdang araw ng kaniyang registration. “Sa enlisting the subjects. Most of the time nakikita ko halos lahat ng i-eenlist ko nauubos na agad. More than ilan din kasi ang varsity eh, kaya ayon,” aniya.

Sa kabilang banda, naniniwala pa rin ang mag-aaral na ito na ang prioritization initiative na naganap ay isang bagay na nararapat matamasa ng mga student-athlete, ngunit umaasa siyang mapaninindigan ng mga atleta ang kanilang responsibilidad dala ang pakibanang na kanilang natamo. 

“Honestly, nung una dismayado din ako kasi affected din kami as from lower batch but I just came up naman they deserve it. Pero sana, ‘yung pagiging varsity nila ay hindi magtapos dahil may gan’to silang nakukuha,” aniya.

Isang mag-aaral na nakapanayam ng Tanglaw

Walang naging anunsyo

Ang pagkabahala tuwing pre-registration season ay ramdam na ng mga taga-UPLB noon pa man, ngunit para sa iilang mga estudyante ang naging prioritization ay isa sa mga tinuturo nilang salik sa paglala ng kanilang karanasan sa pagpapatala ngayong semestre. Kanilang binigyang-diin ang hindi maayos na anunsyo at biglaang pagkakasama ng salitang “varsity” sa pre-registration schedule na sanhi ng diskurso sa unang araw ng enrollment. 

Ang nasabing anunsiyo ay mula sa email blast ng UPLB Office of the University Registrar (OUR) noong ika-15 ng Enero 2024, kung saan napasama na ang “varsity” sa listahan ng unang ipprioritize sa unang araw ng pre-registration.

Ikinagulat ng isang Batch ‘21 student mula sa Devcom ang agaran at paspas na pagpapatupad ng inisyatibong ito, kalakip ang hindi malinaw na oryentasyon sa mga estudyante dahilan upang marami ang magreklamo at mabahala sa unang araw pa lamang ng preregistration.

“Naubusan din ng units yung sagot ko na malaking effect sa akin nito. Wala rin kasing official announcement na maprioritize na ang varsiry sa enlistment, so nagulat na lang din yung mga students na bakit first day pa lang ay nagkaubusan na ng slots.” aniya.

Ayon mismo kay Salansang, ang Varsity Sports Coordinator ng unibersidad, ay ngayong semestre pa lamang nagkaroon ng prioritization para sa mga student-athletes. Ibinahagi rin nya na matagal na itong hinihiling sa administrasyon ng UPLB na maaaring bago pa man siya magturo sa unibersidad ay sinusubukan nang isulong. 

Bagaman ngayon lang naisakatuparan ay binigyang-diin nya na ang ganitong mga desisyon ay dumadaan sa maraming dayalogo sa pagitan ng administrasyon ng unibersidad at mga lider-estudyante. “Well, it’s a collective decision of the administration between multiple dialogues with the USC. That’s what I know. So, maybe, sa pag-uusap nila, finally, naka-come up sila ng way.” paglilinaw ni Salangsang.

Isa pa sa hindi naging malinaw sa isang Batch ‘21 na mag-aaral ng Devcom ay kung sino ba ang varsity at sino ang hindi. “… Ang hindi ako sang-ayon na aspeto ay ang pagiging vague o malawak na definition ng pagiging varsity,” punto niya sa panayam ng Tanglaw. “Nalaman lang namin sa iba na ang mga dance orgs ay nagkaroon din ng pribilehiyo na maprioritize sa enlistment dahil na-label sila as varsity. Ang pagkakataon na ito ay maaaring maging loophole para abusuhin ng mga estudyante ang perks na ito sa mga susunod na enlistment period.”

Binigay na halimbawa ni Salangsang ang Filipiniana Dance Troupe at Street Jazz bilang mga kabilang sa maituturing na UPLB varsity.  “In the sense of UPLB varsity, these are the select[ed] group of people who represent the university in athletic competitions,” paglilinaw ni Salangsang. “Kasama do’n, sinasama ko sa pagiging varsity is of course, not just sport, in sports sense, the whole totality of the spectrum of exercise. So, kasama ro’n yung dances.”

Sa susunod na pre-registration period, mungkahi ng isa pang Batch ‘21 student mula sa Devcom ang maayos na anunsyo mula sa administrasyon na kalakip ng iilang importanteng detalye ukol sa varsity prioritization. 

“Mahalaga sana na may official statement ang admin sa  announcement. They made the change fly under the radar kaya nagkagulatan. Had there been a public statement of justification instead of responses being handed out on popular social media posts, hindi sana inflammatory yung change. The admin could have treated the situation better,” aniya.

USC Chair Gio Olivar sa panayam ng Tanglaw

Pribilehiyo?

Hindi maikakaila na maaaring tignan ang varsity prioritization bilang isang pribilehiyo dahil kabilang sila sa unang araw ng preregistration. Hindi rin masisisi ang mga mag-aaral na may ganitong pananaw dahil na rin sa hirap na makakuha ng units. Ngunit para sa kay Salangsang, hindi ito ang tunay na pribilehiyong nakukuha ng mga varsity.

“Ang privilege mo as a varsity, yung pinapayagan ka ng university na dalhin yung pangalan [ng university],” pahayag ni Salangsang. “Ang main privilege sa akin kapag varsity ka ‘no? That you [are] allow[ed]. That you’re bringing the name of the university, ‘yun yung pinaka-privilege,” aniya.

Hindi lamang ang tungkuling pang-akademiko at pampalakasan ang dala-dala ng mga student-athletes ng unibersidad. Bitbit din nila ang responsibilidad na irepresenta ang UPLB sa iba’t ibang kompetisyon, pahayag naman ng USC nang tanungin ng Tanglaw.

“Bilang ang ating mga atleta ay may fixed schedule for trainings (due to limited facilities, at competitions) na maaring bumangga sa acad schedule nila, kinakailangang magkaroon ng mekanismo upang hindi maudlot ang kanilang pag-aaral habang ginagampanan nila ang tungkulin na irepresenta ang unibersidad,” saad ni USC Chair Gio Olivar. “Ito ay parte lamang ng hindi pa sapat na kompensasyon na natatanggap nila.” 

Mungkahi ng USC, may magagawa pa upang mapalalim ang diskurso sa varsity prioritization, labas sa lumitaw ngayong semestre kung saan tila ba’y naglaban ang mag-aaral sa kapwa nito mag-aaral.

“Ngunit, naandon ang pagkilala natin na may pagpapaunlad sa kung papaano dapat ipinapaliwanag sa mga mag-aaral ang ganitong konsepto nang may pagpapakumbaba at panghahamig na tinuturol ang problema tuwing enrollment period na nakaangkla sa kakulangan ng slots dahil walang magtuturo o kulang ang pasilidad,” dagdag pa ni Olivar. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya