DAPAT MONG MALAMAN
- Pamamasista sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon ang naging tugon ng puwersa ng estado sa mga progresibong lumahok sa komemarasyon sa #EDSA38.
- Hindi naman nagpatinag ang mga delegado sa intimidasyon ng kapulisan, paggigiit na walang takot ang makakapigil sa kolektibong pag-aksyon ng Timog Katagalugan.
Kasama ng istoryang ito ang mga ulat nina Jian Tenorio at Princess Leah Sagaad.
[Updated Peb. 28, 8:40 p.m.] Kasabay ng pagpigil ng mga kapulisan sa mga delegado mula sa Los Baños na tumulak patungong EDSA sa ika-38 na paggunita sa People Power Revolution, iba’t ibang ulat ng pamamasista ang naitala laban sa mga progresibong grupo.
Sa ulat ng Bagong Alyansang Makabayan Southern Tagalog kagabi, Peb. 24, idinetalye ang tungkol sa mga tinatayong checkpoints sa iba’t ibang parte ng Laguna at Cavite. Ilang police mobile umano ang nakaposte na sa harap ng isang bangko sa Lopez Ave. kahapon pa lang ng madaling araw, at namataan ang ilang miyembro ng kapulisan na nakamatiyag sa Junction Road kaninang 5 a.m.
Kasama na rin dito ang mga nakitang drones na lumilipad sa loob ng UPLB, at isang grupo ng kalalakihang kumukuha ng mga litrato at video sa loob ng Student Union Building canteen. Naroon ang ilang mga mag-aaral na nagsasagawa ng propaganda workshop.
“This is a clear attempt of state agents to cause fear and disenfranchisement against the people. You have caused nothing but inconvenience,” saad ng grupo sa isang pahayag. “No amount of state repression will stop the people of Southern Tagalog from showing that there is power in collective action. To protest is a right!”
Buong Laguna, may mga checkpoint
Samantala, ganito rin ang naranasan ng ilan pang lugar sa rehiyon. Ayon naman sa ulat ng Karapatan Laguna, isang human rights group, lahat ng bayan sa buong lalawigan ng Laguna ay biglang nagkaroon ng police checkpoints.
“Nakakaalarma na ang pagiging desperado ng mga kapulisan sa pangunguna ng Laguna Police Provincial Office (PPO) para busalan ang mamamayang Lagunenseng lumalaban at labagin ang kanilang demokratikong karapatan,” ayon sa grupo.
Hinarang din ang mga delegado ng Balibago, Sta. Rosa, Laguna at ang samahan sa Zapote at Longos, Bacoor City, Cavite na sila ring pupunta sa EDSA. Pinatungan ng samot-saring traffic violations ang mga delegadong nagmula sa Cavite at umano’y ilegal na kinuhanan ng lisensya ang mga tsuper.
“Lantad na lantad na pinapakita ng PNP kung kanino sila naninilbihan. Ang kanilang kataga na ‘to serve and protect’ ay hindi para sa mamamayan kundi sa mga nasa kapangyarihan, kagaya na lamang ni Marcos Jr. na niraratsada ang Charter Change habang gutom at naghihikahos ang sambayanang Pilipino,” saad ng grupo sa isang Facebook post. ■
Editor’s Note: Pinalitan ang headline ng istoryang ito sa Facebook at website upang maging mas malinaw sa mga mambabasa.



