Kasama si Marco Rapsing sa delegasyon mula sa UPLB na plano sanang tumulak patungong EDSA para sa ika-38 na paggunita sa rebolusyon. Imbis na makarating ng Maynila, iba’t ibang mga pag-atake ang kaniyang nasaksihan.
Kasama ng istoryang ito ang mga ulat nina Jian Tenorio at Princess Leah Sagaad.
Nakaharap ng pagharang at iba’t ibang uri ng harassment mula sa mga kapulisan sa harap ng munisipyo ng Los Baños ang mga delegado ng Timog Katagalugan, sa kanilang pasada patungo sa ika-38 na paggunita sa EDSA People Power Uprising kaninang 6:30 ng umaga.
Bagamat nakapagbigay ng permit ang samahan, hindi pinalampas ang grupo sa harap ng munisipyo sa hindi nabanggit na rason. Kataka-taka rin na ang grupo lamang ng mga jeep na lulan ang mga delegado ang hinarang at tinignan ng mga kapulisan, at hindi pa tumingin sa iba pang sasakyan na dumaan sa lugar.
Mas dumami pa ang pulis, na ang iilan ay may dalang matataas na kalibre ng baril. Namataan rin ang iba na nire-record ang mga kaganapan, tinitingnan ang bawat sakay ng jeep at sinisilip at nagmamatiyag sa mga susunod na galaw.
Matapos ang pakikipagnegosasyon ng mga kinatawan ng iba’t ibang sektor, hindi pa rin pinadaan ang grupo. Napagdesisyonan na magsagawa ng programa sa tapat ng munisipyo upang maipamalas ang pamamasistang naranasan ng mga patungo sanang EDSA.
Dito na naging magulo ang sitwasyon. Dumating ang isang police mobile, na ginamit nila upang magpaingay ng malakas na sirena upang tapatan ang mga panawagan ng mga lider-estudyante. Tatlong oras umabot ang pag-usap, ngunit hindi nagkaroon ng pagbabago sa naging hakbang ng kapulisan.
Nagsalita sa programa ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor, mula sa mga konseho, mga student publications, at maging ang mga rehiyonal na sektor. “Karapatan ng mga driver at tsuper na sumama sa mga pagkilos at igiit ang kanilang karapatan. Karapatan ng bawat mamamayang Pilipino na magpahayag,” saad ni Charm Maranan, dating lider-estudyante sa UPLB, sa patuloy na panggigipit ng mga kapulisan sa mga jeepney drivers.

Kuha ni Jian Tenorio, Tanglaw reporter
‘Traffic violations’
Nang lumaon, ayon sa kapulisan ay ang sirang plaka at ang pagiging iba ng ruta ng mga jeepney mula sa dinaanan nito kaninang umaga ang naging dahilan ng pagharang. Kinailangan umano silang patawan ng tiket at makuha ang mga lisensya upang makalarga na ang grupo.
Hindi ito sinang-ayunan ni UPLB University Student Council (USC) Chair Gio Olivar. Sa kaniyang pakikipag-usap sa kinatawan ng Transport Regulation Unit (TRU) ng Los Baños, binigyang diin niya ang hindi pagre-release ng mga bagong plaka ng Land Transportation Office (LTO) na dahilan kaya’t hindi napalitan ang mga nakadikit sa sinakyan nilang jeepney.
Giit pa niya na hindi naman namamasada ang mga tsuper kundi sasama rin sa programa para sa EDSA, at hindi makatarungan ang pagtitiket sa kanila dahil mas mapapahirap nito ang kanilang kabuhayan.
Pagpatak ng 10:30 a.m., muntik nang makaalis ang mga delegado matapos ma-aprubahan ng TRU. Ngunit, hinarang ulit sila ng pulis at pwersahang kinukumpiska ang lisensya ng mga tsuper na lalong nagpainit sa diskusyon. Muling humarap si Maranan kasama naman si Merwin Alinea, dating UPLB USC Chairperson upang kausapin si Police Major Jollymar Seloterio. Tanging pag-iwas at pagkibit ng balikat ang naging tugon ng pulis.
“Wala pong dapat ticket-an dito. Kase may rights po ang mga taong magprotesta. Under what violation po?” tanong ni Alinea kay Seloterio. “Yung taong bayan mismo nagtatanong anong nangyayare dito. Bakit po ‘yung ibang jeep hindi tinutukan bakit kami lang? ‘Pag nagpakita ng ORCR bibigyan ng show-court order. Anong tawag do’n? Sa mata n’yo ano’ng tawag do’n? Panggigipit ‘yon ‘di ba? Alam n’yong panggigipit ‘yang ginagawa n’yo,” mga katanungan pa ni Alinea sa pangwawalang bahala sa kanila ng mga kapulisan.
Minabuti ring kausapin ni John Peter Garcia, tagapagsalita ng Youth Advocate for Peace and Justice (YAPJUST-UPLB) si Seloterio ngunit nakatanggap din ng kaparehong pagtrato. Inambahan pa ng baril si Olivar at Garcia ng isang pulis, sa tangka nitong makipagdayalogo sa hepe.
“Hanggang saan pa po ba ang gustong abutin ng PNP na ito… Wala po bang puso ang PNP? PNP na ba ang nagpapatakbo sa Los Baños? Nasaan si Mayor Ton,” ang naging apela ni Garcia sa patuloy na pagsasawalang-bahala ni Seloterio sa mga bumabiyahe pa-EDSA, kasunod ng isang insidente ng engkwentro sa isang miyembro ng pangkat at isang hindi unipormadong kasapi ng pulis.
Sa huli, iginiit pa rin ng Los Baños Police ang pag-isyu ng tiket sa mga tsuper at pagkuha ng mga lisensya nito na tinutulan ng mga lider ng pagkilos. Makalipas ang anim na oras, nagtapos ang program at bumalik ang mga delegado sa Olivarez Plaza. Dito, nakahanap sila ng ibang paraan upang makarating sa EDSA.
Isang drone ang namataan sa pagtatapos ng programa sa harap ng munisipyo at isang police mobile ang bumuntot sa mga jeep pabalik sa campus – isang signos na kahit nilisan na ang kalsada, walang pahinga ang paniniktik ng mga kapulisan. ■




You must be logged in to post a comment.