DAPAT MONG MALAMAN
- Nakasentro sa sumisikat na mga impormatibong short-form videos ang Bukambibig 2024.
- Nagkaroon ng talakayan mula sa mga eksperto tungkol sa mga estratehiya kung paano gumawa ng epektibong short-form video.
- Binigyang-diin rin ang kahalagahan ng papel ng development communication sa social media management at ang responsableng pag-uulat ng impormasyon.
Pinaingay sa Bukambibig 2024 ang mga napapanahong paksa na may kinalaman sa community broadcasting gaya ng pagsikat ng mga impormatibong short-form videos, social media management, scriptwriting at broadcasting.
Ang proyektong ito ng UPLB Community Broadcasters’ Society Inc. (UP ComBroadSoc) noong Peb. 26 ay naging lugar para sa mga karanasan at payo ng apat na mga eksperto tungkol sa community broadcasting.
Sa pambungad na salita ni Dr. Trina Leah Mendoza, chair ng Department of Development Broadcasting and Telecommunication (DDBT), inihayag niya ang kahalagahan na mapag-usapan ang digital media. “Dahil nababago na ‘yung media landscape ngayon, it’s very important na we know now how do we study and how do we use this new form of digital media… And how can we use that in terms of development communication.”
Samot-saring kaalaman
Binuksan ng Multimedia Producer ng FYT na si Isagani Caspe ang diskusyon tungkol sa pag-iral ng mga short-form videos sa mga social media apps ngayon. Aniya, dahil sa bumababang attention span ng mga tao ay pumapatok ang mga maiiksing portrait video na naglalatag agad ng pangunahing impormasyon na hindi lalagpas sa 90 segundo.
Kaugnay rito, tinuruan din ng short-form video editing ang mga dumalo ni Noel Elvin Villanueva na kasapi ng UP ComBroadSoc na bihasa sa video editing.
Tinalakay naman ni Mark Lester Chico, assistant professor sa DDBT, kung paano nauugnay ang development communication sa social media management at sa mga impormasyong nilalaman nito. Ayon sa kaniya: “Do it responsibly and ethically… do not just consume information, question it, analyze it, use it to make informed decisions.”
Pinangunahan naman ni Ryan Jay Galang ng DDBT, ang usapin tungkol sa pagsusulat ng script at pag-broadcast sa mga short-form video. Binigyang-diin niya ang maayos na istruktura upang walang segundo ang masayang sa maikling run-time: “Dapat may call to action na dapat gawin mo ito para sa iyong ikabubuti o para sa community mo.”
Matapos ang mga diskusyon, nagkaroon ng workshop ang mga kalahok ng programa tungkol sa paggawa ng kanilang sariling short-form video, mula scriptwriting hanggang video-editing. Pinalabas ang mga ito bago magtapos ang programa. ■



