DAPAT MONG MALAMAN
- Kinundena ang insidente ng red-tagging sa ilang klase NSTP bilang paglabag sa UPLB Safe Haven resolution na umiiral sa unibersidad.
- Sa mga panayam ng Tanglaw kay USC Chair Gio Olivar at kay NSTP Director Dr. Charina Banaay, lumitaw ang kanilang mga reaksyon at magiging hakbangin tungkol sa isyu.
- Plano ng mga namumuno sa NSTP na suriin at linawin ang nangyaring insidente, at pinag-aaralan ang pagpapatupad ng protocol para sa advance review ng lecture at topic bago ituro sa klase.
- Nagmungkahi naman ang USC na maging sensitibo ang pamunuan sa kanilang pag-iimbita ng mga tagapagsalita para sa NSTP sessions.
- Sa panayam ng Tanglaw, tinugunan din ni Banaay ang tungkol sa kaniyang pahayag sa naging reaksyon ng mga mag-aaral sa NSTP session.
- Ikinabahala rin ang seguridad ng mga estudyante dahil sa pagratsyada ng resolusyon ng RTF-ELCAC na layong pasukin ang mga paaralan sa lungsod at rehiyon sa bihis ng National Security Awareness sessions nito.
Editor’s Note: Red-tagging o hindi?
Sa naging diskurso sa social media tungkol sa isyu, nagkaroon ng talakayan kung maituturing bang red-tagging ang nilalaman ng talk sa isang NSTP session noong Lunes, Marso 4. Ang naging desisyon ng pahayagan na tawagin itong red-tagging ay alinsunod sa naging ulat ng mga progresibong grupo, sa aming pagsiyasat sa nilalaman ng slides, at sa karanasan ng pahayagan sa mga nakaraan at kaparehong insidente. — Ian Raphael Lopez, Tanglaw Editor in Chief
Sa isang unibersidad na mayroong Safe Haven Resolution, naging kontrobersyal ang pagiging tagapagsalita ng isang dating kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang National Service Training Program (NSTP) session noong Marso 4.
Ang tanong na bumalot sa mga diskurso ng mga mag-aaral: Bakit nangyari na naman ang ganitong insidente?
Para sa mga lider-estudyante at progresibong grupo, matinding pagkondena ang naging tugon sa pagpapapasok ng isang sundalo sa NSTP session. Dahil sa mga agam-agam na naipaabot matapos ang insidente, sinisilip rin ang posibilidad ng pagrepaso sa mga protocols sa operasyon ng NSTP sessions ayon sa panayam ng Tanglaw sa UPLB NSTP Director.
Tungkol sa nagsalita
Ayon sa alert na inilabas ng UPLB University Student Council (USC), nakatanggap ang konseho ng report mula sa ilang estudyante ng NSTP na nagsasagawa ng seminar, sa pangunguna ni Retired Major-General Peale Jon Bondoc, via Zoom kung saan pinaratangan umanong banta sa seguridad ng bansa ang mga “mass organizations.”
Ipinahayag din ni UPLB USC Chair Gio Olivar sa kaniyang post sa Facebook na walang natanggap ang konseho na abiso mula sa UPLB administration ukol sa pag-imbita ng isang military personnel upang magturo, kahit sa mga klase ng Literacy Training Service (LTS) at Civic Welfare and Training Service (CWTS).
Paliwanag naman ni Assistant to the Vice Chancellor for Academic Affairs at NSTP Director Dr. Charina Banaay sa mga katanungan ng Tanglaw, napili ng NSTP Office si Bondoc bilang resource person dahil sa “expertise” at “hands-on experience” nito pagdating sa usapin ng national security.
“Specifically, he has strong backgrounds on national security, civil defense, business and financial management, and DRRM. Most of all, he is a UP Vanguard and a UPLB alumnus who finished BS Applied Mathematics major in Operations Research,” ayon kay Banaay.
“For all intents and purposes, we saw from his background that he would be a credible speaker on various aspects of the topic, especially given that he is an alumnus and would understand the sentiments of UPLB students regarding the matter,” dagdag pa nito.
Sa isang kahiwalay na panayam ng Tanglaw, hindi sumang-ayon si Olivar sa kwalipikasyon ni Bondoc upang makapagsalita sa forum. “In the first place, they do not have the moral ascendency to talk about national security when they are the first ones terrorizing the rural communities.”
Kaya naman, ayon kay Olivar, ang nangyaring insidente ay nakakaalarma at isang paglabag sa UPLB Safe Haven Resolution na kasalukuyang umiiral sa unibersidad upang protektahan ang kanilang karapatan sa malaya at kritikal na pag-iisip.
“There is a Safe Haven Resolution that promotes human rights, freedom, critical thinking and public service. Pero ang naging laman ng lecture ni Bondoc is not aligned with what is stated with our safe haven resolution,” aniya.
Lumitaw naman sa isang post sa X ni Student Regent Sofia Iya Trinidad na nagkaroon na rin ng pagkakataong makapagsalita si Bondoc sa UP Baguio noong 2022, kung saan nagkaroon rin umano ng red-tagging. “Nakakalusot ang mga reaksyunaryong pwersa ng estado sa pamamagitan ng ganitong paraan habang tuluyang inaatake ang ating mga karapatan at kalayaang akademiko sa loob at labas ng UP,” ayon kay Trinidad.
Although this is an unfortunate incident, we would want to use it as an opportunity to do better in addressing critical issues, especially those affecting UPLB and its constituents.
UPLB NSTP Director at Assistant Vice Chancellor for Academic Affairs Dr. Charina Banaay
Sunod na hakbang ng NSTP
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong insidente sa loob ng unibersidad lalo na sa mga klase ng NSTP. Noong 2022, nagkaroon ng red-tagging sa isang NSTP webinar na mariin ding kinondena ng mga lider-estudyante.
Buhat ng nakaraang karanasan ng UPLB sa mga insidente ng red-tagging sa NSTP sessions, ipinaliwanag ni Banaay ang naging hakbang ng kaniyang opisina bago ang naging talk ni Bondoc.
“Previously, official statements were released from the office regarding the issue. This time around, when we gave the outline to the speaker, we informed him of the concerns and we considered his particular mix of expertise,” paliwanag niya.
Kaugnay naman ng natanggap na pagpupuna, ibinahagi ni Banaay sa Tanglaw ang mga kagyat na hakbangin ng unibersidad upang masagot ang mga pangamba ng mga estudyante at mapigilan ang ganitong mga insidente sa hinaharap.
Aniya, kinansela nila ang nasabing webinar at kasalukuyang silang kumakalap ng mga impormasyon at feedback mula sa mga faculty-in-charge (FIC) ng NSTP tungkol sa insidente upang tasahin ang naging webinar ni Bondoc. Gayundin, plano nilang makipagpulong kasama ang USC at si Bondoc upang bigyang-linaw ang isyu. “Always, our objectives are to understand and improve for better learning outcomes,” dagdag niya.
Plano rin ang pagsusuri ng outline ng module na ginamit sa lecture ni Bondoc. Pinag-aaralan din nina Banaay ang pagbuo ng mga protocol para advanced na masuri ang mga topics bago ito ituro o ibahagi sa mga klase sa NSTP. “Although this is an unfortunate incident, we would want to use it as an opportunity to do better in addressing critical issues, especially those affecting UPLB and its constituents,” ani Banaay.
Kaugnay nito, sinabi ni Olivar sa Tanglaw na kailangan maging sensitibo ang pamunuan ng NSTP program sa pagpili nito ng mga iniimbitahang speaker, lalo na kung ito ay mula sa militar. “Dapat ma-involve ang ‘yung iba’t ibang sektor. Kaya nga tayo may multisectoral advisory board coming from all sectors of the university.”
Naging palaisipan din kay Olivar kung bakit kailangang military personnel ang imbitahan na magsalita ukol sa isyu ng pambansang seguridad at armed conflict. “Bakit nga ba kailangang military personnel ang i-invite na mag-talk patungkol dito? Pwede namang mga experts sa lipunan… political science professors, sociologists.”
Samantala, sinabi din ni Olivar sa panayam na nakatanggap ng ulat ang USC tungkol sa isang pahayag ni Banaay matapos ang naging sesyon. Sa binasang mensahe ni Olivar, inulat ng estudyante na sinabi umano ni Banaay na “alam niyo naman ang estudyante, kapag military ang teacher ay nago-overreact”.
Nang tanungin ng Tanglaw si Banaay tungkol dito, sinabi niyang minamabuti nilang mas pagtuunan ng pansin ang pagresolba sa isyu: “I think the more important questions now should be those centering around the issues. Did Mr. Bondoc tell the truth? What was said exactly? Was there a specific intention to red-tag individuals or groups? How do we address the issue at the university level? And most importantly, what steps should we take to ensure the safety of all individuals on campus? I think this last question is our main concern.”
Bakit nga ba kailangang military personnel ang i-invite na mag-talk patungkol dito? Pwede namang mga experts sa lipunan… political science professors, sociologists.
USC Chair Gio Olivar
Militarisasyon ng mga campus
Kasunod ng insidenteng ito, ikinakabahala rin ng mga estudyante at mga progresibo ang isinusulong na resolusyon ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC).
Layon ng resolusyong ito na tinawag na “A Resolution Enjoining the Department of Education (DepEd) 4A, Commission on Higher Education (CHED) 4A, The Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) 4A, and the University of the Philippines – Los Banos (UPLB) to Support the Conduct of National Security Awareness Sessions in the Secondary and Tertiary Schools and Technical-Vocational Institutes (TVIs) to Prevent and Counter Radicalization and Violent Extremism (PCRVE) and Stop Youth and Student Recruitment into the NPA’s Violent Armed Struggle,” na resolbahin ang recruitment umano ng New People’s Army sa mga paaralan sa lungsod at maipatupad ito sa rehiyonal na antas.
Matatandaang noong ika-25 ng Enero, isa is UPLB Vice Chancellor for Community Affairs (VCAA) Roberto Cereno sa mga lumahok sa pagpupulong ng Special Action Committee on Insurgency ng Laguna Peace and Order Council upang pag-usapan ang resolusyong ito.
Para sa Youth Advocates for Peace and Justice (YAPJUST) – UPLB, ang resolusyon gayundin ang insidente noong Lunes ay kapwa mga hakbangin ng mga pwersa ng estado upang makapasok sa mga paaralan at pamantasan sa rehiyon.
“Patunay ang insidente ngayong araw na ginagamit lang ito ng mga pwersa ng estado upang makapanghimasok sa mga paaralan at ilagay sa kapahamakan ang mga kabataan sa pamamagitan ng red-tagging, harassment, at intimidasyon.”
Matapos ang insidente ng red-tagging sa NSTP, nagpahayag ng pagtutol ang ilang grupo upang labanan ang bantang into sa academic freedom at paigtingin ang pagpapatupad ng safe haven resolution sa unibersidad.
“Ating mahigpit na pinanghahawakan ang UPLB Safe Haven Resolution na nagpoprotekta sa karapatan, kalayaan, kritikal na pag-iisip, at pampublikong serbisyo sa ating pamantasan,” ani CDC Student Council (CDC-SC).
Sa isa namang privilege speech, binigyang diin ni Youth Movement Against Tyranny Southern Tagalog (YMAT-ST) Regional Coordinator Ida Palo mas magiging madalas at lantaran ang mga insidente na naglagay na noon sa mga progresibong organisasyon sa kapahamakan tulad ng nangyaring red-tagging sa mga klase ng NSTP.
“Dahil sa labas ng silid-aralan marami na sa amin ang kinakasuhan, dinudukot, o sa mas malala pa ay pinapatay. Paano pa kung sa loob mismo ng aming paaralan kami ay marere-redtag at mababansagang terorista?” ■



