Sa pagtatagumpay ng Umalohokan, Inc. sa pagtatanghal ng PGKNB katuwang ang PETA Lingap Sining, ano nga ba ang realidad sa estado ng teatro sa sarili nitong tahanan, ang UPLB?
DAPAT MONG MALAMAN
- Tinalakay ang dulang PGKNB ng Umalohokan, Inc. at ang pagsasadula nito sa PETA Theater Center sa ilalim ng kampanya at pananaliksik ng PETA Lingap Sining na Control + Shift: Changing Narratives. Reclaiming & Reshaping Stories of the FIlipino People.
- Sa kanilang karanasan, naisiwalat ang mga suliraning kinakaharap ng teatro sa UPLB at inilatag kung ano-ano ang mga pangangailangan ng mga art students at organisasyong pang-sining at kultura sa UPLB.
Parte ng ating pagkabata ang paglalaro kasama ang mga kababata o mga ka-pamilya natin. Isa sa mga madalas nating laruin ang bahay-bahayan, kung saan malaya tayong gawin ang gusto natin, depende sa kung sino tayo sa binuo nating “bahay”. May sari-sarili tayong kwento, karakter, at gampanin.
Hindi malayo ang larong bahay-bahayan sa tinatawag nating teatro. May kapangyarihan ang teatro na maipakita ang realidad sa pamamagitan ng mga dayalogo, awitin, himig, at pag-arte. At dito sa University of the Philippines Los Baños, buhay ang sining at teatro kung saan isa sa mga nagpapaalab sa diwa nito ay ang cultural mass organization na Umalohokan, Inc.
Bilang isang community theatre, layunin ng Umalohokan, Inc. na maitampok ang mga kwentong mula sa masa at tungo sa masa. Naririyan pa rin ang mga barayiting komedya, trahedya, musikal, o mga dagliang dula, ngunit ang lunduan nito ay ang pagpapatampok ng mga isyu at krisis panlipunan — lagi’t laging may bitbit na panawagan ang bawat pagtatanghal.
Sa naging karanasan ng Umalohokan Inc. upang magtanghal kasama ang isang premyadong organisasyon sa larangan ng teatro sa Pilipinas, lumitaw na bagaman likas na sa mga mag-aaral ng UPLB ang kakayanang ipamalas ang istorya ng masa sa pamamgitan ng dulaan ay marami pa rin silang kinahaharap na balakid.
May mga kumakatok sa ating bahay
Noong Enero 14 hanggang 21, 2024, at sa unang pagkakataon ay nagtanghal ang Umalohokan, Inc. sa Philippine Educational Theater Association (PETA) Theater Center ng kanilang Devised Performance ng dulang pinamagatang “Pilipinas, Geym Ka Na Ba?” (PGKNB).
“Bilang dulaang pang-komunidad, tinatalakay at binabagtas nito ang mga danas ng iba’t ibang uri ng mamayang Pilipino. Inilalantad nito ang kalagayan ng mga komunidad at patuloy na pinapalakas ang panawagan ng mga mamamayan para sa pagbabago, pag-aklas, at paglaya,” sipi mula sa tema ng dula, tangan ang kaisipang ninanais buhayin ng PGKNB.
Nasa panulat ni Kyle Saldonido, ang PGKNB ay isa sa mga palabas noong “Nawawala 2023: Tagpu-Tagpuan”, ang taunang serye ng Umalohokan, Inc. ng mga dulang may isang yugto. Ang buod ng PGKNB ay nagsimula sa isang kaganapan sa Bayan ng Pinapili. Nagising ang mga residente ng Bayan sa isang akala mo’y escape room at upang makaalis, dapat nilang talunin ang isang serye ng mga larong Pinoy, na bawat isa ay may kinahihinatnang madilim na kapalaran.
Tinalakay sa dulang ito ang kasalukuyang pulitikal na kalagayan ng ating lipunan. Inilantad ng dulang PGKNB ang realidad sa kampanyang giyera kontra droga o mas kilala bilang “Operation Tokhang” sa ilalim ng nakaraang rehimen ni Rodrigo Duterte. Mahigit 6,000 na mga Pilipino, maski matanda o kabataan man, ay mga naging biktima ng extrajudicial killings sa nasabing kampanya ni Duterte. Dumaan na ang ilang taon at hanggang ngayo’y humihingi pa rin ng hustisya ang mga naiwang pamilya ng mga biktima.
Natunghayan ang tagumpay ng palabas hindi lamang ng komunidad ng Los Baños, kundi pati ang alumni ng Umalohokan, Inc. na si Gail Billones mula sa Philippine Educational Theater Association (PETA) Lingap Sining Program. Ayon kay King Joshua Nalupa, ang tagapangasiwa ng Externals Committee ng Umalohokan Inc.: “Namatahan na maaaring magandang maisama ang PGKNB sa nilulutong kampanya ng PETA Lingap Sining.”
Pangunahing isinusulong ng PETA Lingap Sining Program ang kultura ng kaligtasan at katatagan sa mga komunidad ng Pilipinas. Sa mga panahong iyon ay unti-unti nang ibinabalangkas ang kanilang proyekto at pananaliksik na “Control + Shift: Changing Narratives, Reclaiming & Reshaping Stories of the FIlipino People” ang pagbibigay-linaw sa mga katotohanan sa lipunan sa pamamagitan ng teatro at sining.
Sa lumalawak na krisis na disimpormasyon lalo na sa internet o social media, tangan ng kampanya ang paglalantad, pagbabago, at pagkukwento ng mga naratibo ng mga Pilipino – laluna ng istorya ng mga minorya nito. Ito ay plataporma upang punan ang mga puwang sa kolektibong paggawa, paglikha at pagkilos para sa pagbabagong panlipunan.

Kuha mula sa Umalohokan Inc.
Bagong oportunidad para sa tahanan
Limang buwan matapos itanghal ang unang palabas ng PGKNB sa UPLB ay naimbitahan ang Umalohokan, Inc. na itanghal ang PGKNB sa PETA bilang parte ng kampanyang ito. Lumawak na ang tahanang PGKNB, at mula rito ay mayroong mga bagong taong kumupkop at nag-alaga sa piyesa at istoryang ito.
Ang PGKNB 2024 ay isang “devised performance” na isinulat ni Saldonido, idinirehe ni Kovi Billones at ginabayan ng direksyon ni Ian Segarra mula sa PETA. Kung ikukumpara sa tradisyunal na teatro at mga pagtatanghal, imbis na isang buo at kumpletong piyesa na ang kanilang iinsayuhin, isang kolaboratibong proseso ng pagpapaunlad ng piyesa ang isang devised performance at kasama rito ang mga direktor, ang manunulat ng piyesa, mga aktor, mga mananaliksik (mula sa PETA Lingap Sining) at ang iba pang mga creatives.
Sa buong proseso nito ay puno ng mga improvisasyon, eksperimento, at mga talakayan na sumasalamin sa magkakaibang pananaw at kontribusyon ng grupo. Bilang isang devised performance na pagtatanghal kasama ang PETA Lingap Sining, marami ang mga naging pihit para maisaayos ang naratibo ng PGKNB.
“Hindi siya [isang piyesa na buo na agad]… Mas collaborative [ito]. Hindi pa mismong buo sa simula dahil gusto mo pang malaman yung insights ng tao. It may not be unique pero mas totoo yung napproduce mo kasi hindi mo siya sinusulat mag-isa. Nag-improve nang nag-improve [ang piyesa] sa pamamagitan ng mga workshops, ng insights ng mga actors mismo at sa tulong rin ng guidance ng PETA Lingap Sining,” kuwento ni Saldonido sa Tanglaw.
Naibahagi rin niya na nagkaroon sila ng kahirapang hubugin ang piyesa upang maging kakumbi-kumbinsi at kapani-paniwala. Layon kasi nilang maging sandata upang paigtingin ang diwa at kamalayan ng bawat manonood. Aniya, gayunpama’t marami ang nabago sa piyesa, mas nakita ng may-akda ang “final and true form” ng PGKNB. “Ang PGKNB, bilang devised performance, ay heavily reliant sa contributions ng mismong actors. Same story but improved with collective efforts, ” ani Billones.
Nagising ang tunay na anyo ng PGKNB dahil na rin sa suporta ng PETA Lingap Sining sa organisasyon para sa pagtatanghal ng piyesa. Bukod sa pagpopondo para sa mga pangangailangan ng Umalohokan, Inc. ay naging malaking tulong din ang paggabay ng mismong mga miyembro ng PETA, at ang pagpapagamit nila ng kanilang espasyo para makapag-ensayo ang PGKNB.
We have the means, UPLB has the means, may iba’t ibang offices na nakatalaga para sa pagsuporta sa teatro pero hindi tayo naaambunan. Mas umuultaw ang problemang ito para sa amin, dahil mas nakikita natin kung ano ang mas deserve natin as artists.
Kyle Saldonido, playwright ng PGKNB
Masikip sa sarili nating bahay
Paano kung walang sahig na pwedeng mapagtulugan, makakatulog ka ba? Hindi lamang karanasan sa pagteteatro ang napulot ng Umalohokan mula sa pakikipagtulungan sa PETA, kundi nagbunga rin ito ng mga repleksyon ukol sa kanilang tahanang tanghalan sa UPLB.
Matagal nang panawagan ng mga kultural na organisasyon gaya ng Umalohokan, Inc. ang art spaces sa loob ng pamantasan, ngunit wala pa ring nagiging aksyon ang para unibersidad para matugunan ito. Bukod dito, problema rin ang mismong kalagayan ng iilang espasyo na mayroon tayo. Kung pagbabasehan, ang Umalohokan, Inc. ay laging sa Student Union Building Basement nag-eensayo – kung saan madilim, malamok, at walang maayos na bentilasyon.
Hindi rin nalalayo sa mga suliranin ng organisasyon ang usaping suporta at pondo. “Either kulang [o] wala talagang akmang art spaces sa campus. Nanggagaling pa sa atin ‘to bilang isang cultural organization… and on top of that, nag-ooffer pa [ang UPLB] ng degree program para sa theater majors pero there is a lack of pag-provide ng spaces for [them],” wika ni Joseph Curbilla, ang chair ng Umalohokan, Inc.
Bilang halimbawa, nitong nakaraang Disyembre – sa kasagsagan ng mga produksyon ng mga estudyante mula sa BA Communication Arts, mga pagtatanghal para sa Christmas Lighting, at pag-eensayo ng PGKNB para sa PETA – hati-hati ang nagiging sistema sa SU Basement para sa espasyo sa pag eensayo.
Hinaing ng mga mag-aaral na hindi nila kasalanan na nagaagawan ang bawat isa sa espasyo, dahil wala talagang akmang lugar para makapagensayo nang pribado at nang may laya. “Bilang [stage manager ng Umalohokan, Inc.], kailangan ko ring i-secure yung space namin for PGKNB… Sobrang daming kailangang pagdaanang proseso para lang masecure namin yung basement,” kuwento ni Maureen Vicente ng Umalohokan Inc.
“Kailangan naming magpa-reserve online and dapat 5 days before rehearsals para maiprocess ng office. Tapos iba pa yung activity permit, sa mga binibigay lang natin na letter noon, at permit sa panghihiram ng gamit at kung kani-kanino mo pa ito kailangang ipasa para mapapirmahan at maipa-approve. Para kaming nasuot talaga sa butas ng karayom para lang makapag-rehearse.”
Kaya’t isang malaking tagumpay ang PGKNB sa lokal na sining sa ating komunidad. Naipalabas ang piyesa ng mga estudyante ng pamantasan sa isa sa mga nangungunang organisasyong pang-teatro sa bansa. Kaakibat ng produksyong ito, naipakita rin ang sariling mga kwento, piyesa at likha ng mga artista ng bayan.
Sa kabila nito, nananatili ang panawagan ng mga estudyante-artista. “We deserve more spaces. If pagp-produce lang kayang kaya ‘yan ng mga UPLB students, kaya natin iyan sa Umalohokan, talented tayong lahat, pero lagi tayong nahaharangan ng pinansya,” saad ni Saldonido.
“We have the means, UPLB has the means, may iba’t ibang offices na nakatalaga para sa pagsuporta sa teatro pero hindi tayo naaambunan. Mas umuultaw ang problemang ito para sa amin, dahil mas nakikita natin kung ano ang mas deserve natin as artists.”
Matatapang, matatalino, at malikhain ang mga iskolar ng bayan. Malaki ang maiaambag ng mga ito sa lokal na sining para sa pamantasan at para sa kani-kanilang komunidad. Ang tanging hiling lamang ng mga talentong ito ay ang masuportahan, at matangkilik mismo ng sistema; na maalagaan man lang sila sa sarili nitong tahanan. ■




You must be logged in to post a comment.