Kasama ng istoryang ito ang mga ulat nina Angelo del Prado, Sean Angelo Guevarra, at Kyla Balatbat.
Napagkasunduang ipagpaliban ng 10th Convention on Student Legislative Chamber (SLC) ang resolusyon ng CDC Student Council (CDC SC) na idaan sa Council of Student Leaders (CSL) ang isang kandidato na nalamangan ng “abstain” sa eleksyon.
Nilalaman ng resolusyon ang pagkilala sa “abstain” buhat ng naging karanasan ng konseho sa nakaraang 2023 UPLB University Student Council-College Student Council (USC-CSC) Special Elections kung saan nalamangan ng “abstain” ang kumandidato noon bilang konsehal na si Gelo Antipuesto.
Matapos inendorso ni USC Councilor Azad Demonteverde bilang floor leader ng Committee on Rules and Constituonal Amendments na i-table ang resolusyon, binigyang-diin ni CDC College Representative to the USC Juthea Gonzales ang kahalagahan nito para sa sangkaestudyantehan ng CDC.
“Bagama’t mahaba ang diskusyon at napakarami pa ring kailangang pag-usapan sa resolusyong ito, kailangang i-table at hindi i-disapprove dahil mahalaga ito sa CDC constituents.”
Konsepto ng student representation
Lumabas sa naging pagpupulong ang mga saloobin ng iba’t-ibang konseho mula sa iba’t-ibang kolehiyo hinggil sa pagkakaroon ng student representation. Ayon kay CEAT SC Chair Mark Angelo Roma, ang prosesong isinusulong ng CDC SC ay magpapahaba lamang sa proseso ng pagkamit ng kinakailangang student representation.
“Nagiging redundant ‘yong proseso natin for elections kasi una, need ulit i-confirm kung ok pa ba silang tumakbo o hindi e ‘yon ay nagawa na through filing the certificate of candidacy. And then afterwards, nakalagay din dito na ‘’shall present themselves in the CSL and be scrutinized by the student body.’ Ito rin ay nagawa sa MDA which is a platform to scrutinize the candidates. We’re just, in a way, prolonging ‘yong student representation na dapat ay mayroon ang isang council,” pahayag ni Roma.
Binigyang-diin naman ni Maggie Dolar ng USC ang pangangailangang maipaalam sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng student representation.
“Ang puno’t dulo naman kung bakit natin napag-u-usapan itong abstain votes is dahil sa kakulangan din ng pag-i-inform sa kanila [studentry] kasi at the end of the day, kailangan natin na hindi abstain ‘yong boto. Matindi ‘yong polsit [political situation] natin at kailangan natin na ma-empower sila na kailangan natin magkaroon ng student representation,” ani Dolar.
Bagaman hindi pumasa sa SLC ang naturang resolusyon, nanindigan si CDC SC Vice Chair Leo Verdad na ipatutupad nila ang resolusyon sa susunod na halalan ng kolehiyo dahil naaprubahan na ito ng sangkaestudyantehan ng Devcom. ■



