Ang istoryang ito ay isinulat nina Denyll Francine L. Almendras,
Janelle T. Macandog, at Lourain Suarez.
DAPAT MONG MALAMAN
- Bumida ang sining bilang paraan ng pagproprotesta sa UPLB Feb Fair 2024.
- Binigyang diin sa papamagitan ng tunog at sayaw ang mga panawagan para sa sektor ng edukasyon, kasarian, at paggawa.
- Nakilala ang mga lokal na artista—gaya ni Pura Luka Vega, BLKD, CALIX, Talahib People’s Music at ng grupong MAKATA—at ang mga adbokasiyang isinusulong nila.
“Ngayong February Fair 2024, sama-sama tayong makikibaka — dadaluyong mula sa ating pamantasan patungong lansangan hanggang sa kanayunan kasama ang malawak na hanay ng mamamayan ng Timog Katagalugan tungo sa kapayapaan, katarungan, at demokrasya.”
Ito ang namutawing mensahe sa isinagawang snake rally noong Peb. 13 ng iba’t ibang mga progresibong grupo at sektor na naging hudyat ng pagbubukas ng UPLB February Fair ngayong taon. Ang Feb Fair ay taunang pagtitipon ng sangkaestudyantehan ng UPLB at mga mamamayan mula sa Timog Katagalugan upang ipagtambol ang mga lokal at pambansang panawagang nagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng mga mamamayan.
Nagsimula ito bilang pagtugon sa deklarasyon ng Martial Law noong Setyembre 1972, kung saan nagsama-sama ang mga mag-aaral sa UPLB Freedom Park upang kolektibong tutulan ang panggigipit ng rehimeng Marcos Sr. Kalaunan ay naging tradisyon ang pagbubuklod na ito, at naging taunang paggunita sa kultura ng aktibismo at hangarin para sa panlipunang pagbabago sa pamantasan.
Sa ilalim ng temang “Daluyong: Buong Pwersang Pagsulong ng Timog Katagalugan tungo sa Katarungan, Kapayapaan, at Demokrasya!” ngayong taon, binuhay muli ng kasiyahan at mga panawagan ng Feb Fair 2024 ang kalakhan ng Freedom Park. Tampok ang iba’t ibang klaseng mga malikhaing pagtatanghal, hindi nawala sa pagdiriwang ang mga kaakibat na adbokasiyang isinusulong sa bawat araw nito.
Ulayaw: Karapatan sa Edukasyon ng Bawat Pilipino
Sa unang araw, binigyang-pansin ang sektor ng kabataan para sa inklusibo at makamasang edukasyon. Kasama sa mga isyung binigyang diin ni Siegfred Severino, Regional Coordinator at Spokesperson ng National Union of Students in the Philippines – Southern Tagalog (NUSP – ST), sa kaniyang diyalogong ibinahagi sa entablado ng Feb Fair ang pagkakaroon ng komersyalisadong edukasyon, kawalan ng Department of Education (DepEd) ng maayos na plano upang makabawi mula sa pagkalugmok ng sektor noong pandemya, ang pagpabor ng Commission on Higher Education (CHED) sa pagtaas ng matrikula sa mga pribadong unibersidad at pagpapabaya nitong maghanap ng sariling pondo ang state universities and colleges.
“Hindi dapat natin ginagawang pribilehiyo o exception ang makatuntong sa higher education … Kung ikaw ngayong nandito ay isang college student, walong kaklase mo noong elementary ‘yung hindi na nakaabot noong college at sa inyong dalawa na nakaabot ng college, maaaring ‘yung isa ay hindi pa maka-graduate. Ganoon kabulok, ganoon kalungkot, ganoon nakakagalit ang sistema ng edukasyon natin na parang pinag-aaway-away tayo sa isang karapatang dapat binibigay sa atin nang buong-buo,” ani Severino.
Kaakibat ng mga panawagan sa unang araw, nagtanghal ang MAKATA ng sariling likhang kantang pinamagatang “Buhay Man ay Ialay,” kung saan taglay ng bawat liriko ang pagkilala sa mga nagsusulong ng karapatan ng mga mamamayan at pag-udyok na rin magpatuloy sa nasimulang pakikibaka.
WAR Show? Drag On!
Itinampok sa ikalawang araw ng Feb Fair ang panawagan para sa mga miyembro ng komunidad ng mga LGBTQIA+ at mga kababaihan. Buhat ng programang “Women Against Repression (WAR) Show” at “Drag On: Defy and Reclaim!” ang temang “Daluyong ng Komunidad ng LGBTQIA+ at mga Kababaihan tungo sa Pantay na Karapatan!”
Maingay at makulay — ito ang naging resepsiyon ng mga nagsipagdalo sa ikalawang araw ng Feb Fair sa palabas. Sinasalamin nito ang enerhiyang nais buhayin ng mga tagapangasiwa ng programa tungo sa mga pagkilos para ng mga LGBTQ+ at kababaihan. Tinalakay sa programa ang mga isyung kaugnay ng kasarian gaya ng pagsusulong sa SOGIE Equality Bill, Safe Abortion, pag-atake ng estado sa mga tagapagsulong ng karapatan ng mga LGBTQIA+, at ang pakakikipag-alyansa ng komunidad sa mga kababaihan.
Nananatiling hamon sa pamantasan ang makapagtaguyod ng ligtas na espasyo para sa mga kababaihan at LGBT+ sa loob at labas nito. Matatandaang sa mga nakalipas ng semestre, sumentro sa mga diskusyon ang panawagan ng mga organisasyon ng estudyante ng Devcom sa Office of Anti-Sexual Harassment (OASH) ng UPLB na paigtingin ang mga mekanismo nito laban sa sexual harassment. Ito’y matapos makapagtala ng mga kaugnay na kaso sa kolehiyo.
Sa pambansang antas naman, pinatawan ng gawa-gawang reklamo si Hailey Pecayo, isang pesante at aktibista para sa karapatan ng mga kababaihan. Inakusahan siya ng 59th Infantry Battalion ng terorismo, tangkang pagpatay, at paglabag sa karapatang pantao matapos makilahok sa mga pagkilos laban sa mga karahasang tinamo ng iba’t ibang mga Human Rights Defenders.
Malinaw ang pangangailangang mapatatag ang adbokasiya laban sa mga pagpapahirap na tinatamo ng mga kababaihan at LGBT+. Ang reyalidad na ito ay isa lamang sa mga puntong tinugunan ng mga madamdaming pagproprotesta na itinampok sa kasiyahan.
“Bilang mga mamamayan, tungkulin natin na protektahan at magkaisa dahil minamaliit, pinapahirapan, at dinadahas ang timog-katagalugan […] Hindi krimen ang paglaban sa gender violence. Hindi krimen ang pagsusulong ng karapatan ng iba’t ibang sektor,” ito ang mga linyang binitawan ni Thea Valencia mula sa Gabriela Youth UPLB nang emosyonal na magtalumpati sa pagtatapos ng WAR Show.
Dagdag pa niya, walang rason para matakot ang mga mamamayan na punahin ang mga kamalian ng estado lalo na’t laksa-laksa ang bilang ng mga taong kusang-loob na nakikilahok sa Feb Fair na ipinagbubunyi ang diwa ng pagkilos.
Sa araw na ito, ang taunang Drag Show na pinamumunuan ng UPLB Babaylan ang isa sa mga nagsilbing paraan ng pagproprotesta ng mga nagsipagtanghal. Kinulayan ng mga sayawan, tugtugan, at katatawanan ang kanilang panawagan para sa kalayaan ng mga kasarian.
Isa sa pinakatinutukan ay ang surpresang pagtatanghal ni Pura Luka Vega, isang drag artist na tanyag para sa kanyang sining na umuungkat sa mga nosyon ng kasarian at karapatang pantao.
Hulyo noong nakaraang taon nang magtanghal siya ng sariling redisiyon ng awit ng simbahang Kristyano na “Ama Namin” na, bagaman ginamit sa masining na paraan, ay umani ng pambabatikos mula sa ilang politiko at iba’t ibang grupong panrelihiyon. Inaresto si Pura dahil dito, na siyang nagpasimula ng diskursyo ukol sa diskriminasyon sa mga miyembro ng komunidad LGBTQIA+ sa lipunan at sa estado ng karapatang magpahayag sa ating bansa.
Mainit ang naging pagtanggap kay Pura ng mga nagsipagdalo. Pinaigting ng isang talumpati ang kanyang pagtatanghal.
“Alam ko ang pinaglalaban ko, alam ko ang pinaglalaban niyo, at ako ay nakikiisa sa inyo […] Naniniwala po ako, ang drag, katulad ng anumang sining, ay mapagpalaya. Ito ang humuhubog sa ating humanidad.] Drag is personal, thus drag is political,” aniya.
Dalawang lingo matapos ang Feb Fair ay may alingawngaw pa rin ang mensaheng ito ni Pura, lalo na’t inaatake muli siya para sa parehong rason ng unang akusasyong ibinato sa kaniya. Nananawagan sa platapormang X si Rod Singh, kapwa niyang Drag Artist, para sa pampiyansa ni Pura matapos arestuhin ngayong araw, Pebrero 29, para sa ‘di umano’y paglabag sa Artikulo 201 ng Revised Penal Code (RPC) ng Pilipinas na nagbabawal sa “immoral doctrines, obscene publications and exhibitions and indecent shows”.
Paglaum para sa karapatan ng mga manggagawa
Binigyang buhay ng ikatlong araw ang entablado para sa isang gabing puno ng mga kultural na pagtatanghal na may mga temang sumasalamin sa mga ipinaglalaban ng iba’t ibang sektor ng ating lipunan. Dala ng programang “Paglaum: Tanghalan ng Pakikidigma” ang pagsulong at pakikibaka para sa demokratikong karapatan na may layuning imulat ang isip at diwa ng publiko para sumali sa diskusyon para sa mga karanasan ng mga sektor—”pagtatanghal mula sa masa, tungo sa masa”.
Kabi-kabilang mga isyu ang kinakaharap ng sektor ng paggawa sa bansa nitong nagdaang taon. Kabilang dito ang pagpapatuloy sa mababang pasahod at kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa ng Timog Katagalugan. Natunghayan din ang mga balakid sa hanapbuhay na dinanas ng sektor ng pangingisda, gaya ng karanasan ng komunidad ng Pola matapos ang isang oil spill na dala ng paglubog ng MT Princess Empress.
Isa ang Talahib People’s Music sa mga nagtanghal para sa Paglaum. Ang mga awitin ng Talahib ay nakaugat sa pakikibaka ng mga pangkaraniwang tao kung kaya’t ang kanilang mga nililikha ay mga awit ng mga mamamayan. Ani ng grupo, hindi lamang sila umaawit para sa katinuan ng isang awitin, ngunit bilang isang mga kultural na mga manggagawa, ay lagi’t lagi silang may mensaheng nais ipahatid sa pamamagitan ng kanilang mga awitin.
“Lagi naming nilo-look forward na makapagperform sa UPLB, sa UPLB FebFair kasi hindi laging may opportunity para sa mga progressive na cultural workers kagaya ng Talahib Peoples Music ‘dun sa mga lugar o ‘dun sa mga events na mas malaki sana yung scope na makakaya nating mahamig dun sa mga adbokasiyang dala natin para sa mga katutubo, sa kalikasan, sa basic human rights lalong lalo na sa kapayapaan” pahayag ni Boogs Villareal, isa sa mga bokalista ng Talahib.
Iminungkahi pa ni Villareal na sa bawat pagtatanghal nila ay palagi nilang inuuna ang layuning maitawid ang mensaheng dala-dala ng kanilang musika. Aniya doon pumapasok ang katungkulan ng mga kultural na manggagawa— ang magabayan ang masa sa tamang landas sa pamamagitan ng kanilang sining na inilalahthala.
“Mayroon kaming pinagkakaisahan na panawagan. Magkaroon ng social justice, ng just and lasting peace, magkaroon ng kapayapaan batay sa katarungan. At siyempre, ang priority namin ay mapangalagaan at mapalakas yung welfare ng ating mga katutubo, matiyak ang ating food security, magkaroon ng tunay na kalayaan, [at] ‘yung progreso para sa nakararami at hindi sa iilan lang,” dagdag pa niya.
Isa rin sa mga nagtanghal para sa programa sina BLKD at CALIX, mga kilalang rapper, na madalas mayroong mga temang naka-angkla sa realidad at sitwasyon ng lipunan sa kanilang mga awitin tulad ng pakikibaka kontra sa war on drugs at pagtutol sa disimpormasyon.
“Sa Kolateral kasi, or at least sa majority nung mga kanta kanina, journalistic siya…on the ground kasi researched siya. I guess pwede mo siyang mai-connect sa paglaum o pag-asa in terms of relatability. Ilan kasi sa mga artists na nagtrabaho para sa Kolateral ay may mga tropa rin na naging biktima ng tokhang. The fact na parang this song talks about ours and their story, andon yung pag-asa na, okay we can say our truth at di tayo matatakot na sabihin ‘yon,” wika ni CALIX.
Ipinahayag naman ni BLKD ang pangarap makapanghamig pa ng maraming tao sa tulong ng kaniyang awitin at makapamulat pa, lalo na sa mga kabataan, na makialam at kumilos para sa tunay na kalayaan at kumawala sa kadena ng patuloy na pumapasistang rehimen.
“Bilang isang tubong Timog Katagalugan, nangangarap ako na sana makatulong kahit papaano yung mga nalilikha ko para makapagsulong ng makabuluhan at makatarungang pagbabagong panlipunan sa ating rehiyon,” wika niya.
Tungo sa demokrasya
Maging sa huling dalawang araw ng Feb Fair ay pinasigla ng mga programa ang diwa ng aktibismo. Kung sa mga naunang araw ay bumida ang mga artistang kilala na sa labas at loob ng UPLB, sa huling dalawang araw ay sumentro ang sining ng mga artistang nagsisimula pa lamang. Naganap ang Class Distraction at S.O.S.: Sound of Sirens sa magkasunod na araw na parehong nagbigay pagkakataon sa mga umuusbong na mga banda na ipakilala ang kanilang musika.
Kaakibat pa rin ng mga ito ang talumpati ng panawagan ng iba’t ibang samahan ng ilang mga sektor panlipunan. Kabilang dito ang KARAPATAN-Southern Tagalog at Youth Movement Against Tyranny Southern Tagalog noong ika-apat na araw. Habang Southern Tagalog Region Transport Sector Organization (STARTER PISTON) at Defend Southern Tagalog naman noong panghuling araw. Sa pagtatapos ng kasiyahan ay pinaigting ang panawagan para sa daluyong ng mga mamamayan tungo sa tunay na demokrasya – ang panawagan na minimithiing bitbit ng mga dumalo kahit na tapos na ang makulay na pagdiriwang. ■



