Muling naging mainit ang labanan para sa units sa nagdaang Hunger Games ngayong ikalawang semestre kung saan tampok ang kapangyarihan ng kani-kaniyang guardian angel! Sa katunayan, underload na naman siguro ako ngayong ikalawang semestre kung ‘di lang dahil sa kaibigan kong tinulungan akong mag-enlist. Paano ba naman, simula’t simula pa lang ng umaga’y ang bungad sayo ay aberya na agad— akala mo makakapag-enlist ka na, pero yun pala’y binago ang oras ng simula ng enlistment para magsagawa ng isang maintenance. Kaakibat nito ay ang taon-taong Bad Gateway errors, o kaya nama’y makakapasok ka nga ng Academic Management Information System (AMIS), pero hindi ka naman makakapag-enlist; habang buhay lang iikot ang loading screen, tila’y nang-aasar. Taon-taon na natin itong kultura sa Unibersidad, ngunit imbis na magkaroon ng pagbabago, lumalala lang ang problemang danas ng sangkaestudyantehan at ng mga guro ng UPLB. 

Di ko naman sinasabi na wala tayong mga tugon ukol dito. Matatandaan na kaya nga may AMIS ngayon ay dahil sa patuloy na pakikibaka upang ibasura ang Student Academic Information System (SAIS). Maituturing na tagumpay ang pagdinig na ito sa mga saloobin ng mga estudyante, ngunit halata naman sa mga patuloy na aberya sa enlistment na hindi sapat ang simpleng pagpapalit lamang ng plataporma. Hindi nito tinutugunan ang ugat ng isyu patungkol sa masahol na enlistment.

Ngayong semestre, samu’t saring danas ang ating naatim. Para sa mga guro, dagdag stress ang enlistment bagamat dagsa nanaman ang mga estudyanteng walang units na kinakailangan mag-teacher’s prerogative. Nagdadagsaan ang mga mag-aaral ngunit kulang-kulang ang mga gurong may kakayahang tumanggap sa mga ito. Pagod na nga, at siguradong underpaid pa—sakit lamang ang kanilang kahahantungan sa patuloy na pag-iral ng ganitong sistema.

Bilang kulang ang units, teacher’s prerogative ang kaakibat na solusyon para hindi ma-underload at makakuha ng scholarship. Alam niyo, ni isang HK 12 ay wala rin ako. Hindi ako nakakuha ngayong semestre dahil sa pagkaubos nito. Sumubok ako magprerog kasabay ang kaibigan ko. Nauna man ako nagpasa, laking gulat namin nang siya ang nabiyayaan!

Ngunit, ito ay balat lamang ng problema. Ayon sa isang ulat mula sa [P], nakatanggap daw sila ng mga reklamo mula sa mga estudyante na sila’y tinatanggal sa listahan kapag sila’y hindi nakapasok sa unang araw ng klase. Ito’y isang patunay kung gaano lumalala ang palyadong sistema ukol sa kakulangan ng slots. Dapat na lang bang maging gipit sa pagbibigay ng slots na nararapat namang maging atin?

Kasabay nito ay ang pagsisimula ng pagpaprayorisa sa mga varsity. Isinabay ang 400 na miyembro sa unang hanay ng mga estudyanteng maaring mag-enlist, ayon sa isang ulat ng Tanglaw. Mabuti naman na ngayong taon ay naisipan nating bigyan ng maliit na palugid ang isa sa mga grupo ng tao na nagrerepresenta sa ating institusyon kung saan ito’y bare minimum na maaaring ibigay sakanila. Mainam lang sana kung mas maagang inabiso at ipinaliwanag ito sa sangkaestudyantehan imbis na makita na lamang ang biglaang pagdagdag nito sa anunsyo ukol sa schedule ng pre-registration. 

Masasabing ko na ang patuloy na pag-iral ng ganitong klaseng sistema ay dehumanizing; wala dapat estudyanteng nagmamakaawa para sa kanilang karapatan bilang isang estudyante sa UPLB. Hindi rin dapat humahantong sa mga di makataong proseso tulad ng draw lots, pagsayaw, at lalong-lalo na ang pagtanggal ng iyong pangalan sa listahan, ang pag-peprerog. Dapat dagdagan ang tauhan ng mga departamento upang maging sang-ayon ang bigat ng kanilang trabaho sa kanilang makakaya tuwing semestre at sa kanilang sahod, at para maibigay sa sangkaestudyantehan ang nararapat nilang mga slots.

Kaya naman dapat pang mas maging aktibo ang pagtugon ng administrasyon para maisaayos ang estado ng pag-e-enlist bawat semestre. Mahalagang madagdagan pa ang mga guro’t pasilidad, ang oras ng AMIS na makapaghanda bawat registration, at magkaroon ng isang sistema kung saan maaaring maitala ang mga kursong ating natapos upang mas madaling makita ng mga saklaw na departamento kung ilan ang mga estudyanteng kanilang aasahan sa bawat kurso. Magiging posible lang ang aking mga suhestiyon kung imbis na confidential funds at cha-cha ang inaatupag ng gobyerno, ay bibigyang alokasyon ang edukasyon. Sa kasalukuyang krisis sa edukasyon, ang pagkalaki-laking CIF ni Duterte ay dapat ilapat na lamang tungo sa pagpaprayorisa ng makamasang edukasyon.          

Alam kong madalas itinuturing na “resilient” tayong mga Pilipino, pero hindi tama na nagtitiis tayo sa isang sistemang maaari namang masolusyunan kung sisikaping ayusin. Ang mahabang kasaysayan ng ganitong karanasan ay dapat nang puksain, at nawa’y ang mga susunod pang freshmen na papasok sa unibersidad ay makaranas ng mas maayos na sistema na walang aberya. 

Ito ay isang komentaryo mula kay Tanglaw columnist Paolo Alpay, na naglalahad ng personal niyang opinyon sa mga napapanahong isyu.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya