DAPAT MONG MALAMAN

  • Nagkampuhan ang mga magsasaka ng Tartaria upang ipaglaban ang lupang sinasaka matapos bakuran ito ng kampong Ayala-Aguinaldo.
  • Kinumpiska at sinunog ng mga armadong gwardya ng Ayala-Aguinaldo ang mga kagamitan ng mga magsasaka sa kanilang kampuhan.
  • Iginiit ng mga grupo ng pesante na ilegal ang ginagawang pagbabakod na ito dahil kasalukuyan pang gumugulong ang kaso sa Korte Suprema.

Nilusob ng mga armadong gwardya ng Ayala-Aguinaldo ang kampuhan ng mga magsasaka sa Brgy. Tartaria, Silang, Cavite kaninang alas dos ng madaling araw, Abril 20, kaugnay ng mahigit anim na dekada nang alitan ng dalawang kampo sa lupa.

Nagkampuhan ang grupo ng mga magsasaka at volunteer sa hangganan ng Brgy. Lumil at Tartaria upang pigilan ang pagbabakod ng lupa rito ng mga armadong grupo simula Abril 16. Humingi sila ng fencing permit mula sa barangay at munisipyo ngunit walang ipinakita ang armadong grupo.

Sa Facebook live ng Samahan ng Magsasaka at Mamamayan ng Tartaria (SAMATA), makikitang nagsilabasan sa kanilang mga tahanan ang mga magsasaka dis-oras ng gabi sa pananakot ng mga gwardyang may bitbit na baril.

Kinumpiska at sinunog umano ng grupo ang mga kagamitan ng mga magsasaka sa kampuhan. Hindi rin umawat ang mga gwardya sa pagtutok ng baril sa mga residente kahit na madilim at may mga bata sa paligid. 

Ayon sa grupo ng mga pesante sa lugar, ang mga armadong gwardya ay galing sa Jarton Security Agency na kinontrata umano ng angkang Aguinaldo at Ayala Land Inc., na nagtambalan sa agresibong pag-angkin ng lupa sa Tartaria. 

Samantala, ang desisyon sa tunay na pagmamay-ari ng lupa ay kasalukuyan pang nakahain sa Korte Suprema, kaakibat ang Department of Agrarian Reform (DAR). Ayon sa batas, ilegal ang ginawang pangdarahas ng armadong grupo sa kampuhan ng mga magsasaka. Patuloy namang ipinaglalaban ng mga residente ang kanilang karapatan sa lupa dahil limang henerasyon na umano mula unang nanirahan at nagsaka ang kanilang mga ninuno sa Tartaria.

Kaninang hapon, sa Facebook live ng Katipunan ng mga Samahan ng Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK), ibinahagi ng isang residente na sinira ng armadong grupo ang kanyang bahay at kagamitan matapos silang palabasin rito. Hindi makauwi sa kani-kanilang mga tahanan ang mga lokal na residente dahil naroon pa rin ang mahigit 40 armadong gwardya na nagpatuloy sa pagbakod ng lupa kahit sinabihan na ng pulisya na itigil ang operasyon.

Sa apat na araw na pagbabantay sa border, ilang indibidwal sa hanay ng mga magsasaka ang nasugatan at isinugod sa ospital, base sa ulat ng KASAMA-TK. 

Sa nilabas na pahayag ng KASAMA-TK kaninang umaga, mariin nilang kinundena ang panggigipit sa mga residente ng Tartaria. “Ang tahasang pangangamkam ng tambalang Ayala-Aguinaldo sa Lupaing Tartaria ay hindi na bago dahil sa anim na dekadang pinag-uugatan nito. Bahagi lamang ang Tartaria sa 200 na ektaryang inaangkin ng angkang Aguinaldo na katambal naman ng pamilyang Ayala bilang kapitalistang “land developer”.”


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya