Kasama ng istoryang ito ang mga ulat ni Leah Sagaad. Ang header photo ay kuha ni Neil Gabrielle Calanog.

DAPAT MONG MALAMAN

  • Inirehistro ng uring manggagawa ng Timog Katagalugan ang panawagan sa isyu ng pasahod, Charter Change, at PUV Modernization Program sa Crossing Calamba.
  • Kabilang sa humanay sa mobilisasyon ang sektor ng mga magsasaka, tsuper, kababaihan, at kabataan.

CALAMBA – Isa si Aling Maribel, 49, sa makapal na hanay ng mga manggagawa at progresibong nagsulong ng panawagan ngayong Pandaigdigang Araw ng Paggawa ngayong Mayo 1. 

Buhat sa sektor ng mga magtutubo sa Balayan, Batangas, giit niya na hindi sapat ang 350 pesos na sahod kapalit ng maghapong pagtatrabaho sa tubuhan upang tugunan ang pangangailangan ng kaniyang apat na mga anak na nasa elementarya.

“Ang pinapanawagan po namin ngayong araw, yung pangako ni [House Speaker Martin] Romualdez na P10,000 to P30,000, ‘yun ang pinananawagan namin na ibigay na, ibigay na ‘yun sa mga tao kasi ipinangako niya ‘yun,” giit niya sa Tanglaw.

Matatandaang nitong Pebrero 2023, ipinangako ni Romualdez ang nasabing subsidiya para sa 770 manggagawang kabilang sa mga natanggalan ng trabaho bunsod ng pagsasara ng Batangas sugar mill. Subalit, maging sa kasalukuyan, hindi pa rin nakukuha ang nasabing tulong ayon sa mga manggagawa.

Isa ang sitwasyon ni Aling Maribel sa mga sumentrong panawagan sa tradisyunal na pagkilos tuwing Mayo Uno dito sa Crossing – gaya ng isyu ng pasahod, ang niraratsadang Charter Change, at ang puwersahang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Iba’t ibang mga sektor ang dumalo sa pagkilos ngayong Mayo Uno sa Crossing, Calamba.
Kuha ni Neil Gabrielle Calanog, Tanglaw photojournalist

Tinalakay din sa mga nakapanayam ng Tanglaw ang isyu ng PUVMP, na nakatakdang magsimula ngayong araw at kung saan iginiit ni Pangulong Marcos Jr. na hindi na umano magkakaroon pa ng panibagong palugit. 

“Hindi natin kailangan ang mga imported na sasakyan, ang kailangan natin ay rehabilitasyon, kaunlaran at sariling industriyalisasyon, at hindi [charter change] ni Marcos na magbibigay ng puwang sa mga dayuhan,” pagdiriin ni Miguel “Ka Elmer” Portea, tagapagsalita ng Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide. 

Sa hanay naman ng mga manggagawa ng institusyong panggobyerno, hindi rin pinalampas ang pagpapanawagan sa disente at nakabubuhay na pasahod. Bukod dito, kinalampag din ang isyu ng kontraktuwalisasyon na nananatiling buhay sa sistema ng mga kawani ng pamahalaan.

“Sa Unibersidad ng Pilipinas, para sa mga kawani at REPS [research, extension and professional staff] ng ating unibersidad na may salary grade na number 13 pababa, lubhang kulang ang buwanang sahod upang masabing disente at nakabubuhay ito,” anang isang tagapagsalita ng All UP Academic Employees Union.

Bukod dito, umanib din sa hanay ng naging pagkilos ang sektor ng mga manggagawang kababaihan. Sa pamumuno ni Gina Cedron, tagapagsalita ng Solidarity of Cavite Workers, ipinatambol naman nila ang pantay na pagkilala pagdating sa trabaho at karapatang pangkababaihan.

Sa naging talumpati ni Cedron, kaniyang iniugnay ang pakikipaglaban ng mga manggagawang kababaihan sa mas malawak na pagkilos laban sa hindi patas na sistemang nagpapatuloy na umiiral sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

“Sa mga kababaihan na nandirito ngayon, hindi lamang kayo ilaw ng tahanan kundi ilaw ng buong sambayanan, kaya dapat pangunahan ng manggagawang kababaihan ang pagsulong at paglaban sa papet na rehimeng US-Marcos,” aniya. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya