DAPAT MONG MALAMAN
- Tinalakay sa Tapatan 2024: UPLB Campus Forum ang bigat ng mga isyung bibitbitin ng mga mahahalal na konseho.
- Lumutang din ang bumababang bilang ng mga patakbo sa mga konseho, gaya ng sa CDC SC.
- Sa gitna ng bigat na ito, nabigyang-diin ang kahalagahan ng mental health ng mga lider-estudyante.

Sa kabila ng patuloy na pagbigat ng mga isyung panlipunan at pang-unibersidad na nakaaapekto sa sangkaestudyantehan ng UPLB, lumiliit naman ang bilang ng mga tumatakbo sa mga konsehong inaasahang bibitbit sa mga ito.
Sentro ang hamong ito sa naganap na harapan ng mga kandidato at partido para sa UPLB University Student Council-College Student Council (USC-CSC) Elections sa Tapatan 2024: UPLB Campus Forum sa Student Union Building Molawin Hall, kahapon.
Binusisi sa talakayan ang mga tindig ng mga kandidato mula sa ADLAW CEM, CEAT Alliance for Student Empowerment (CEASE), Samahan ng Kabataan para sa Bayan (SAKBAYAN), at Veterinary Medical Students’ Alliance (VMSA) sa mga napapanahong isyung kinakaharap ng UP System, Timog Katagalugan, at bansa.
Sa kabila ng mga hamong ito, kinilala ng ilang mga partido ang bumababang bilang ng mga patakbo sa mga konseho, gaya ng sa College of Development Communication (CDC) SC, kung saan apat na kandidato lamang ang tumatakbo para sa 13 na nakalaang puwesto.
Hinimay ni Mark Angelo Roma, kandidato para sa USC Chairperson sa ilalim ng SAKBAYAN, ang tatlong dahilan sa kakulangan ng mga nauupo sa mga konseho. Aniya, ito ang sosyo-ekonomikong kalagayan ng mga mag-aaral, ang output-based na sistema ng edukasyon sa bansa, at ang pasistang estado.
Iginiit naman ni Joshua Vernon Atip na tumatakbo bilang College of Economics and Management SC Chairperson sa ilalim ng ADLAW CEM na ang kakulangan ng student representation ay nagsisilbing hamon para sa mga konseho na paigtingin ang kanilang pag-oorganisa sa mga kapwa nila estudyante nang sa gayon ay makasama sila sa mga pagkilos.
Mga isyung kinahaharap ng sangkaestudyantehan
Ang mga konseho ng UPLB ang isa sa mga nangunguna sa pagpapatambol ng mga panawagan hinggil sa iba’t-ibang mga isyu sa loob at labas ng pamantasan.
Kabilang sa mga isyung binibitbit nila ay ang resolusyon ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict na magsagawa ng “national security awareness sessions” sa mga pamantasan sa rehiyon na mariing tinutulan ng lahat ng partido.
Bukod sa campus militarization, lumutang din ang mga isyu hinggil sa college student publications, komersyalisasyon sa pamantasan, pagbabago sa teaching modality dahil sa lumalalang init ng panahon, at ang patuloy na redtagging ng mga mag-aaral sa UP — mga isyung nangangailangan ng mga taga-konsehong kakatawan sa mga interes ng mga mag-aaral sa administrasyon ng UPLB.
Kasabay naman ng pagkaunti ng bilang ng mga patakbo ang nakikitang pagdami ng “abstain votes” tuwing halalan. Matatandaan sa nakaraang special elections para sa CDC SC ay nalamangan ng “abstain” ang tumatakbo para sa councilor na si Angelo Andrei Antipuesto.
Binigyang-halaga ng VMSA ang pagsuri sa mga salik na nagdudulot sa mga mag-aaral upang piliin ang “abstain” imbes na bumoto sa isang kandidato.
“Baka kasi nag-abstain lang sila dahil hindi nila kilala iyong candidate o baka naman ayaw lang nila sa candidate na iyon. Pagdating sa mga cases na gano’n na talagang abstain ay hindi isang protest vote, kailangang idaan ang concern ng students sa tamang plataporma,” bahagi ni Aliyah Mikaela Cruz, kumakandidato bilang College of Veterinary Medicine SC Vice Chairperson.
Para naman sa SAKBAYAN, hamon ang pagtaas ng bilang ng “abstain votes” sa mga konseho upang higit na ilapit ang kanilang pamumuno sa mga pinaglilingkuran nilang mag-aaral.
“Dapat nating kilalanin ito bilang hamon sa ating mga lider-estudyante kung paano ba natin mailalapit ‘yung kampanya na bitbit natin sa ating pagtakbo, sa ating mga slate, na ito ay direktang nakakaapekto sa kanilang mga kalagayan bilang estudyante, bilang isang Iskolar ng Bayan, at higit sa lahat, bilang Pilipino,” pahayag ni Cassandra Gean May Magbuo, tumatakbo bilang CDC SC Chairperson.
Mental health ng mga lider-estudyante
Sa pagpasan naman sa mga mabibigat na isyung pangsangkaestudyantehan at panlipunan kasabay ng kumakaunting bilang ng mga patakbo, binigyang-diin ang kahalagahan ng pangangalaga sa mental health ng mga maluluklok sa konseho.
Naniniwala ang ADLAW CEM na dito pumapasok ang pagkakaroon ng “support system” at pakikipagtulungan sa mga kasama. Samantala, iginiit ng SAKBAYAN ang kahalagahan ng “kolektibong pamumuno” sa loob ng mga konseho.
Pinaalalahanan naman ni Vice Chancellor for Student Affairs Jeanette Malata-Silva ang mga tumatakbong kandidato na bahagi rin sila mismo ng sektor na kanilang pinagsisilbihan at ang kaniyang opisina ay laging handang umagapay sa kanila.
Kaya, sa pag-upo ng bagong hanay ng mga lider-estudyante sa mga konseho, dalawa ang sigurado. Mas bibigat ang kanilang responsibilidad sa mga panawagang kanilang kinakailangang bitbitin. Ngunit, hindi naman sila mag-iisa sa pagharap sa hamong ito. ■
Layunin ng pormang news analysis na gamitin ang kaalaman ng mga Tanglaw reporters upang ipaliwanag ang mga balita sa pamamagitan ng pagbibigay-konteksto, pagpapakahulugan, at obserbasyon.




You must be logged in to post a comment.