Ulat ni Maryrose Alingasa

DAPAT MONG MALAMAN

  • Matapos ang halos limang taon, muling nagbabalik ang CDCiklaban 2024.
  • Tampok ang diwa ng atletisismo sa CDCiklaban 2024 na nilahukan ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng kolehiyo.
  • Sa pamamagitan ng isports, pinagtibay ng Devcommunity ang kanilang samahan sa loob ng buong araw na puno ng aktibidad.

Matapos ang mahigit apat na taon, muling nagpasiklaban ng lakas at galing ang mga atleta, mag-aaral, guro, at kawani ng College of Development Communication (CDC) sa CDCiklaban Sports Festival 2024 sa Copeland Gymnasium noong Abril 27. 

Huling ginanap ang CDCiklaban noong Nobyembre 2019 bago nagsimula ang COVID-19 pandemic. 

Ang CDCiklaban ay hakbang upang mapa-igting ang sportsmanship at camaraderie sa mga mag-aaral at gano’n na rin sa buong komunidad ng kolehiyo. Sa pamamagitan nito ay nagkaroon ng pagkakataon ang bawat isa na makasalamuha ang kapwa nila mag-aaral, guro, at kawani sa labas ng apat na sulok ng gusali ng CDC. 

“Isa rin sa mga importansya na gusto naming ilahad ay isa rin kasi itong avenue or opportunity for the students to, of course, showcase their skills and talent in sports. To showcase—to also have an opportunity to relieve their stress amidst the academic workload that we’re all facing right now. So, we hope na through CDCiklaban ay maka-build ng magandang relationship ang bawat isa habang nag-eenjoy at habang nagkakaroon ng break from their acads,” pagbabahagi ni CDC Student Council Chairperson Jelaine Pagayon. 

Tangan ang temang “Muling Pag-aalab ng Diwang Atleta at Samahan ng Komunidad ng Devcom,” layunin ng CDCiklaban na isulong ang pisikal na  aktibidad ng mga mag-aaral, suportahan ang mga student-athlete ng kolehiyo, magbigay ng recreational activities sa pamamagitan ng isports, at pasiglahin ang pagka-isport at partisipasyon mula sa sangkaestudyantehan ng Devcom. 

Layunin din ng CDCiklaban na maihanda ang mga mag-aaral ng Devcom na lalahok sa Palarong UPLB. Ngunit, noong ika-3 ng Mayo ay inanunsyo na ipagpapaliban ang Palaro na nakatakdang ganapin noong ika-6 hanggang ika-10 ng Mayo.

Atletisismo 

Nagpapakitang-gilas din ang mga mag-aaral ng Devcom pagdating sa iba’t ibang pampalakasan, kabilang dito ang  Badminton (Singles and Doubles), Basketball, Chess, Volleyball, at Palarong Lahi na nilahukan ng buong Devcommunity.

Ang mga isports tulad ng Softball at Football ay hindi napabilang sa mga opisyal na pagtatagisan ng galing ng Devcommunity dahil sa kakulangan ng manlalaro. 

Ang partisipasyon ng mga mag-aaral, faculty, at kawani sa CDCiklaban ay mahalaga upang mapanatili ang “diwang atleta” ng kolehiyo. Kaya naman, ang mga dumalo sa CDCiklaban ay ang magiging basehan ng mga manlalaro para sa hindi pa natutuloy na Palarong UPLB ngayong taon. 

“Alam mo, for all, for most kasi antagal ng walang CDCiklaban, ngayon lang siya bumalik. And also, syempre from batch din na malayo na ang agwat, ayun parang first time experience. Parang ansaya-saya lang makita din ‘yung mga kasama mong naglalaro din ng volleyball,” pahayag ni Batumfookeh Spiker Aron Perales. 

Maliban dito, nagsilbi rin ang aktibidad bilang pagkakataon sa komunidad ng Devcom na magkaroon ng pampisikal na ehersisyo tungo sa malusog at malakas na mental, emosyonal, at pisikal na pangangatawan.

Devcommunity

Isang hakbang tungo sa inklusibong CDCiklaban ay binigyan ng kalayaan ang mga transgender na pumili ng nais nilang lahukan sa mga isports na may Men’s and Women’s na kategorya. 

Naka-angkla ang layuning ito sa nais isulong ng CDCiklaban na pagkakapantay-pantay ng bawat kasarian at respeto sa indibidwal na pagkakakilanlan ng kasarian. Kalakip nito ay inlahad ni UPLB Women’s Basketball player, Danisse Banasihan ang kaniyang pananaw sa presensya ng kababaihan sa isports.  

“Tapos especially women in sports kasi for example ngayon, walang nag-enlist for women’s basketball. Parang hindi naman naging co-ed ‘yung basketball. Pero ayun. So, for me ‘yung importance of it is parang mas ineempower n’ya (CDCiklaban) ‘yung athletes in a way.” saloobin ni Banasihan. 

Itinanghal na kampeon sa Men’s Basketball ang Basta Team Kami, 111-65, sa pangunguna ni Team Captain Marx Villaseñor na nakapagtala ng 27 points, 6 assist, 5 rebounds, at 3 steals. 

Nanaig naman ang Batumfookeh Spikers sa Men’s Volleyball na kung saan naiuwi nila ang kampeonato sa loob ng 2-sets, 25-22 at 25-20, sa pangunguna ni Team Captain Aron Perales.  

Matapos ang 3 sets ay itinanghal na kampeon si Christian Gail Esguerra ng Badminton – Single’s (Men’s) at sina Jhoanes Villaseñor at Miguel Banatin naman para sa Badminton – Double’s (Men’s). Wagi naman si Botvinnik Refuerzo sa Chess (Men’s). 

Nagkaroon din ng Palarong lahi na nilahukan ng anim na grupo. Kasama sa mga sumali sa palaro ay mga mag-aaral at kawani ng CDC. Ang mga aktibidad ay kinabilangan ng calamansi relay, sack race, at putukan lobo. 

“Bumalik ulit ‘yung mga activities ng devcom na outside sa pagiging devcom natin. Like, parang, aside from being development communicators, we’re also people and we want to enjoy. We want to experience other parts of our life that make us happy,” pahayag ni Vera Sudaprasert, isa sa mga dumalo sa CDCiklaban.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya