Isinagawa ang panayam kay Jedd Abordo sa Carabao Park noong Miyerkules, Mayo 8.


1. Maaaring gawin ang panayam nang face-to-face o online, depende sa mapag-uusapan ng Tanglaw Editorial Board at nangangandidato.

2. Ang panayam na ito ay ididirekta sa buong partido, at nasa partido ang desisyon kung sino ang sasagot sa kada tanong.

3. Mayroong sampung (10) tanong na saklaw ang mga laganap na isyu sa sa loob ng kolehiyo, at apat (4) na bukod na tanong patungkol sa karakter at mga isyung nakabunton sa pangangandidato ng mga tumatakbo.

4. Bibigyan ang nangangandidato ng dalawang (2) minuto upang sagutin ang bawat tanong.

5. Ang magiging sagot sa panayam ay pinal at hindi na kikilalanin ng pahayagan ang anumang paglilinaw matapos masagot ang isang tanong.

DAPAT MONG MALAMAN

Pindutin ang tanong upang dumiretso sa buong transcript ng naging sagot ng mga kandidato.

General Questions

Q:  Batid namin na aktibo ka sa iba’t ibang mga organisasyon at kasabay rin nito ang ating responsibilidad bilang mga estudyante. Paano matitiyak ng mga mag-aaral ng Devcom na magagampanan mo ang iyong tungkulin sa konseho?

Bagama’t aktibo sa mga gawaing pang akademiko at extracurricular, nakatitiyak si Abordo na magagampanan niya ang kaniyang mga tungkulin sa konseho sa pamamagitan ng pagbabalanse sa oras katuwang ang personal na dedikasyon para gawin ang mga naka atas na mga responsibilidad bilang isang lider. 

Q: Paano mo masisiguro na magkakaroon ng sapat na representasyon ang mga estudyante sa pagdedesisyon ng UPLB o CDC administration?

Inilatag ni Abordo ang isa sa kaniyang General Plan of Action (GPOA), at ito ang pagkakaroon ng kinatawan sa bawat batch ng Kolehiyo na siyang magrerepresenta sa kani-kanilang batch. Bukod rito ay ang pagsasagawa ng Council of Student Leaders (CSL) na kung saan kinakailangang may dalawa hanggang tatlong tao mula sa mga organisasyon sa DevCom upang kanilang ihayag ang mga saloobin sa mga polisiya ng administrasyon at ng kolehiyo. 

Q: Ano ang nakikita mong isyu sa kolehiyo na humahadlang sa pang-akademikong kalayaan at paano mo ito matutugunan?

Idiniin niya ang isyu patungkol sa mga lider-estudyante ng DevCom na sinasampahan ng gawa gawang kaso sa korte. Batid ni Abordo na parte ng pang akademikong kalayaan ay ang magpahayag ng sariling mga saloobin nang walang anumang panganib. Inilatag din niya ang mga maaaring gawin upang puksain ang isyu tulad nito. Una ay ang mahigpit na pagpapatupad ng Safe Haven Resolution at ang pagbabalik ng UP DND (Department of National Defense) Accord. 

Q: Ano ang mga  pina-prayoridad mong panawagan sa iyong pangangampanya?

Una sa mga prayoridad ni Abordo ay ang mahigpit na pag implementa ng safe haven resolution. Sumunod ay ang pangangampanya sa no to Cha-Cha (Charter Change). Kasama rin sa kaniyang mga prayoridad na panawagan ay ang Defend Press Freedom, at inihayag niya ang kahalagahan ng panawagan na ito para sa sarili niyang Kolehiyo. Sumunod naman dito ang kaniyang panawagan para sa isang nationalist, scientific at mass oriented (NSMO) na sistema ng edukasyon. 

Q: Kung may pananatilihin o babaguhin ka sa naging pamamalakad ng kasalukuyang Student Council, anu-ano ito at bakit?

Ang mga pananatilihin ni Abordo sa kasalukuyang namamalakad sa Konseho ay ang masikap na pagtulak sa resolusyon ukol sa abstain votes at ang patuloy na paggabay sa Freshman Council. Kasama rito ay ang gender inclusive na mga pamamalakad. Isa naman sa mga babaguhin o nakikitang bubuuin ni Abordo para sa konseho ay ang paglikha ng Volunteer Corps. 

Q: Bilang mga development communicators, ano ang pagtingin mo sa press freedom? Sa lebel ng ating kolehiyo, ano ang nakikita mong relasyon ng Student Council at ng bagong-tatag na Tanglaw?

Ayon kay Abordo, isang malaking hakbangin ang press freedom para sa isang progresibo at umuunlad na lipunan. Hayag pa niya na bilang isang development communicator, naririyan ang tungkulin na palakasin ang boses ng mga grupong kulang ang representasyon sa lipunan. 

Sa usaping relasyon ng Student Council at ng Tanglaw, ay wala pang nakikita si Abordo sa ngayon dahil nakikita niya ang Tanglaw bilang isang independent na institusyon at hindi rin bilang media arm ng konseho. 

Q: Sa kasalukuyang kalagayan ng ating lipunan, ano ang nakikita mong papel nating mga development communicators?

Ipinaliwanag ni Abordo ang kakulangan ng representasyon ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Ayon sa kanya, papel ng mga development communicators ang pagiging boses para sa marginalized na mga grupo at bigyan sila ng plataporma upang maging parte ng pagpapatupad ng mga makataong polisiya. 

Q: Paano magiging daan ang konseho para maisulong ang mga panawagan ng mga mamamayan at batayang sektor na ating pinaglilingkuran?

May dalawang ipinaliwanag na gampanin si Abordo. Una ay ang pagsasagawa ng Basic Mass Integration at ang pangalawa naman ay ang Tulong Humanitarian. Idiniin niya ang kahalagahan ng pagbibigay ng boses sa mamamayan at na iparamdam sa kanila na sila ay napakikinggan. 

Q: Ano ang nakikita mong papel ng student council sa pagpapanatili ng interes ng mga mag-aaral na maglingkod bilang lider-estudyante? 

Ipinahayag niya ang pagiging lider-estudyante ay may iba’t ibang paraan. Sa silid-aralan man, sa organisasyon o sa ibang bagay. Bumalik si Abordo sa kaniyang paunang sagot na gampanin ng konseho na isulong ang Nationalist, Scientific at Mass Oriented na edukasyon. 

Q: Sa mga usap-usapan ng dibisyon mula sa ASDC at BSDC, sa papaanong paraan mo mapagbubuklod ang sangkaestudyantehan ng ating kolehiyo? Paano mo maaalis ang kaisipang ito mula sa ilang mga DevCom constituents? 

Wika ni Abordo ay maiaalis ang ganitong kaisipan sa pamamagitan pagkakaroon ng Council of Student Leaders (CSL). Sa pamamagitan ng CSL ay mahuhugot ang ugat na dahilan at solusyon para sa dibisyong nararamdaman ng mga DevCom constituents. 

Party Specific Questions

Q. Ano ang naging motibasyon o rason mo para tumakbo independently?

Nagbigay ng interes si Abordo para sa isang partido sa Kolehiyo, ngunit sa kadahilanang may inaayos na internal matters ang partido, kung kaya’t hindi natuloy ang kaniyang pagtakbo para sa partidong iyon. Ngunit bukod rito, bilang naging parte ng Freshman Council si Abordo, naging inspirasyon niya ang paggabay sa kaniya ng mga nasa Student Council, kung kaya’t hudyat ng kaniyang pagtakbo para sa konseho. Kasama rito ay ang dedikasyon niya sa paglingkod at mayroon siyang adbokasiya na itinataguyod. 

Q. Ano ang pinagkaiba ng isunusulong mong uri ng pamamahala sa politika ng mga existing na partido sa kolehiyo?

Inihayag ni Abordo na ang pulitikang kaniyang pinahahalagahan at itinataguyod ay isang kolektibong pamamalakad. Nabanggit din niya ang kaniyang ginagamit na tagline sa kaniyang pangangampanya na “kaunlaran mula sa masa tungo sa masa”. 

Q. Paano mo nakikita ang ugnayan sa pagitan mo at mga kandidato ng SAKBAYAN? Nakikita niyo ba ito bilang benepisyo o hadlang sa inyong pamamalakad? 

Nakikita ni Abordo ang kanilang ugnayan na benepisyal dahil bukod sa nakatrabaho na rin niya ang iba sa mga tumatakbo, ay giit niya na iisa naman ang kanilang mga panawagan. 

Q. Kung sakaling ikaw ay hindi palarin, paano kayo magsisilbing watchdog ng mga mauupo sa pwesto?

Tinalakay ni Abordo ang pag-attend sa mga CSL kung sakaling hindi siya palarin sa kaniyang pagtakbo sa konseho.


GENERAL QUESTIONS

TANGLAW:  Batid namin na aktibo ka sa iba’t ibang mga organisasyon at kasabay rin nito ang ating responsibilidad bilang mga estudyante. Paano matitiyak ng mga mag-aaral ng Devcom na magagampanan mo ang iyong tungkulin sa konseho?

ABORDO: Matitiyak po natin na magiging aktibo ako, kahit na naging parte ako at naging active ako sa kolehiyo natin dahil siyempre committed po tayo doon sa ating ginagawa at kapag nandoon naman yung commitment, andoon na rin yung responsibility na gawin yung mga naka atas na  tungkulin natin sa tamang oras. Hindi siya yung parang sabihin na natin na tatamarin. Kasi nandoon yung sense of duty rin. Kaya rin naman ako tumugon sa tawag ng paglilingkod ay gusto kong paglingkuran ang sangkaestudyantehan ng kolehiyo. Talagang magrroot talaga siya sa commitment na ibibigay sa kolehiyo na babalenseshin yung oras, magkakaroon ng proper allocation ng time for council, orgs (organization/s), extra curricular, personal and acads. Dito na rin papasok yung pag utilize ng manpower natin. Hindi lang sa konseho, kundi pati na rin yung iba nating activity. Isa rin kasi sa plano ko na gawin ay magkaroon ng isang volunteer corps, hindi lang siya pandagdag ng manpower, kasi given na ‘yon na makakatulong yun sa manpower, pero makakatulong din ito sa paghubog ng leadership skills ng ibang estudyante at sa loob ng konseho. 

TANGLAW: Paano mo masisiguro na magkakaroon ng sapat na representasyon ang mga estudyante sa pagdedesisyon ng UPLB o CDC administration?

ABORDO: Masisiguro natin na may proper representation. Babalik tayo don sa una kong kasagutan. Isa rin kasi sa GPOA (General Plan of Action) ko na magkakaroon ng batch representative kada batch. Doon ay irerepresent nila yung batch nila, kasama na rito yung batch 2023 ng ASDC (Associate of Science in Development Communication). Dahil ating titignan na yung mga batch ASDC natin ngayon ay magtatapos na ng termino. Bukod pa roon ay magcoconduct tayo ng mga CSL, o Council of Student Leaders, na magrerequire tayo ng at least dalawa hanggang tatlong representative sa bawat organization na maghahayag ng kanilang saloobin o suggestion doon sa mga polisiya ng ating administrasyon dahil syempre po sa kolehiyo natin ay vina-value natin ang collective approach natin. Na nabibigyan ng platform ang mga estudyante natin na i-raise yung concerns nila.

TANGLAW: Ano ang nakikita mong isyu sa kolehiyo na humahadlang sa pang-akademikong kalayaan at paano mo ito matutugunan?

ABORDO: So ang nakikita po nating academic issue dito sa ating kolehiyo ay yung pagsasampa ng mga gawa gawang kaso sa mga lider-estudyante natin at mga aktibista natin. Dahil nakita po natin nung nakaraan na mayroong nasampahan ngunit nito lamang ay naibasura na sa korte. At nakikita natin siyang isyu sa akademikong kalayaan dahil wala namang masama dun sa ginagawa nung nakasuhan. Ngunit dahil naniniwala sila sa mga progressive beliefs, at taliwas ito sa mga paniniwala noong mga nakaupo sa gobyerno, or against ito sa personal interest nito, so ginagawan nila ng kaso. Naniniwala ako na parte ng akademikong kalayaan natin ay magpahayag ng mga sarili nating saloobin, mag voice out ng mga concerns natin nang malaya at walang kahit na anong risk ng pan re-red tag, pag-atake or pagsampa ng mga gawa gawang kaso. 

Kaya naman ang maaari natin gawin dito, dalawa ang nakikita ko. Una ay mahigpit na pagpapatupad ng safe haven resolution para sa loob ng kolehiyo ay ligtas ang mga mag-aaral natin. Na walang pwersa ng militar na pilit na pinapasok ang ating unibersidad. Pangalawa ay ang pagbabalik ng UP DND (Department of National Defense) Accord. Ito ay para ma-stregthen yung safety ng UP dahil kinikilala rin natin na ang UP ay ang bastion of activism. Marami na ring pilit na pumapasok gaya ng RTF-ELCAC (Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict) para mapasok ng militar yung campus natin at magsagawa ng mga propaganda nila. 

TANGLAW: Ano ang mga  pina-prayoridad mong panawagan sa iyong pangangampanya?

ABORDO: Ang mga ipa-priority po natin ay una, yung pagpapatupad nga ng safe haven resolution, mahigpit na pag implementa ng safe haven resolution, dahil ito ang paraan  upang masigurado natin na mayroong proteksyon sa pwersa ng mga militar na gustong pasukin yung unibersidad natin. Pangalawa po ay ang pangangampanya sa no to Cha-Cha, dahil ang Cha-Cha ay isang paraan nila para….kumbaga ang cha-cha ay paraan nila upang umunlad ang ekonomiya ngunit marami namang ebidensya na hindi nagpapatunay sa mga claims nila na yon. Pangatlo po ay pangangampanya sa defend press freedom, dahil bilang nasa devcom (Development Communication), mahalaga sa atin ito bilang isang mamamahayag. Same lang din siya don sa safe haven na proteksyon din natin ito kinakailangan talaga nating tugunan yung malayang pamamamahayag sa ating unibersidad  o bansa. Pangapat po ay pagkakaroon ng isang nationalist, scientific and mass oriented education. Dahil ang sistema po ng edukasyon natin ngayon ay CWF (Commercialised, Westernized and Fascist). Ang ganitong uri po kasii ng education system ay gusto nila maging passive tayo, gusto nila maging malabnaw yung critical thinking natin at wag tayong maging aktibo sa pag address sa mga social issues natin. Susunod pa po siguro ay ang no to jeepney modernization. 

TANGLAW: Kung may pananatilihin o babaguhin ka sa naging pamamalakad ng kasalukuyang Student Council, anu-ano ito at bakit?

ABORDO: Siguro po ay yung pananatilihin po natin ay yung efforts nila na ipush yung resolution on recognizing abstain votes, and yung inclusion ng gender sensitivity, not sure sa title, pero yung para siya sa pagiging gender inclusive. Dahil yung dalawang resolution na iyon ay tinatanaw natin bilang isang pangangailangan, di lang sa ating kolehiyo, pero pati sa ating komunidad. Kiinakailangang magkaroon ng proper mechanism sa pag define ng abstain votes. Tapos sa gender inclusivity naman ay tinatanaw natin na maraming isyu, dahil base ito sa mga nakapanayam ko rin at base ito sa mga sabi sa akin ng mga indibidwal na marami pa ring mga proffessors ang nang d-dead names, at medyo uncomfortable sila na tawaging ganon. Pangalawa po ay panatilihin natin ang guidance sa mga freshman council natin. Dahil bilang kabilang din po ako sa FC (Freshman Council) before, nakita ko po na ginagabayan talaga nung kasalukuyang SC natin nang maayos yung mga freshies natin. At tinatanaw natin ito bilang isang mahalagang gampanin dahil ‘di lang ito para ma encourage sila, kundi nahuhubog din yung skills nila at kakayahan nila sa loob ng konseho. Siguro yung mga babaguhin po rito ay, una magkakaroon po ng VolCorps (volunteer corps). Dahil sa kasalukuyang termino po ay walang nailatag na VolCorps ang SC ngunit hindi naman natin ito bilang pagatake sa kanila pero bilang points for improvement po. 

TANGLAW: Bilang mga development communicators, ano ang pagtingin mo sa press freedom? Sa lebel ng ating kolehiyo, ano ang nakikita mong relasyon ng Student Council at ng bagong-tatag na Tanglaw?

ABORDO: Yung pagtanaw po antin sa press freedom ay napakahalaga po nito dahil watchdog nga tayo ng gobyerno natin at isa itong malayang espasyo para sa ating kaisipan. Isa rin itong malaking hakbang para sa progressive at developing na lipunan. Dahil bilang development communicators nga, ito yung pangunahin nating tungkulin. Ang tungkulin natin ay to amplify yung boses ng mga marginalized at mga underrepresented groups. Sa pamamagitan natin ay ma-a-amplify yung kanilang mga calls, mga panawagan at kung ano mang pangangailangan para sa kaunlaran na sila ang nag dikta at hindi ng ibang tao. 

Yung relationship naman po ng tanglaw at ng SC ay actually wala akong nakitang relationship as of the moment. Dahil tinatanaw natin ang Tanglaw bilang independent entity sa council, Hindi siya parang related, hindi siya media partner ng SC, hindi siya media arm ng SC, pero isa siyang independent body. 

TANGLAW: Sa kasalukuyang kalagayan ng ating lipunan, ano ang nakikita mong papel nating mga development communicators?

ABORDO: Ang nakikita po nating papel natin bilang mga development communicators ay yung pag represent doon sa mga grupo o marginalised groups natin. Dahil sino nga ba ang mga nakaupo at ano nga ba ang sistema natin. Ang mga nakaupo po ay mga mayayaman, mga pasista, mga mayayamang tao at usually dominated ito ng isang family. Dito makikita na mayroong kakulangan sa representasyon ng mga grupo at mga komunidad natin na nangangailangan ng boses tulad na lamang ng ating mga manggagawa, magsasaka, mga estudyante, mga guro, mga journalists. Dito na rin papasok yung duty natin bilang nasa DevCom na, bilang mga development communicators….dapat na i-amplify yung boses nila at iensure na naririnig ito ng mga tao at maensure na ang mga polisiya na ipapatupad sa ating gobyerno ay isang collective at nanggaling don sa grupo na iyon. At pinapahalagahan kasi natin sa DevCom iyong participatory approach natin. Mahalaha rin na bigyan natin sila ng platform.

TANGLAW: Paano magiging daan ang konseho para maisulong ang mga panawagan ng mga mamamayan at batayang sektor na ating pinaglilingkuran?

ABORDO: May nakikita akong dalawang gampanin. Una ay ang basic mass integration. Ang pakikisalamuha sa mga kapwa natin dahil dito, makakalakap tayo ng mga datos sa mga pangangailangan nila, kung ano yung panawagan nila. Pangalawa ay yung tumulong humanitarian. Ito ay paraan upang ma-voice out yung mga concerns at panawagan ng ating sektor. Halimbawa nito ay ang paggawa ng mga statements, donation drives, at pagsasagawa ng mga mobs kasama rin ang mga Educational discussions. Doon pa lamang ay maipapalabas na natin ang mga panawagan ng iba’t ibang sektor natin sa lipunan. Idagsag ko lang don sa sinabi ko sa BMI (basic mass integration) na, sa dapat ay maramdaman ng mga sektor na kabilang sila dito sa laban natin dahil at the end of the day, iisa lang naman po ay ating kalaban. Na at the end of the day ay magkakasama pa rin naman po tayo at magkakauri nga, at ang kalaban nga po natin ay ang mga naghahari harian. Mahalaga na iparamdam natin sa kanila na yung boses nila ay mapakinggan.

TANGLAW: Ano ang nakikita mong papel ng student council sa pagpapanatili ng interes ng mga mag-aaral na maglingkod bilang lider-estudyante? 

ABORDO: Tayo ay lider-estudyante sa sarili natin mga pamamaraan. Tayo ay maaaring lider sa classroom, sa organisasyon, o sa ibang bagay. Ang gampanin natin bilang konseho ay mag promote ng isang NSMO (Nationalist, Scientific and Mass Oriented) education. Babalik tayo don sa nabanggit ko kanina na masyadong modernized, commercialized at fascist ang edukasyon natin na gusto nilang mabaliw tayo sa acads at i-forego ang pagiging lider natin.

TANGLAW: Sa mga usap-usapan ng dibisyon mula sa ASDC at BSDC, sa papaanong paraan mo mapagbubuklod ang sangkaestudyantehan ng ating kolehiyo? Paano mo maaalis ang kaisipang ito mula sa ilang mga DevCom constituents? 

ABORDO: Maaalis po natin ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng CSL o council of student leaders na naglalayong pagusapan yung naging problema nung dibisyon. Dahil nga marami rin akong natatanggap na mga statements o mga thoughts na meron ngang division na nangyayari. Through CSL, dito natin mahuhugot yung root cause nung problem. At dito rin tayo kukuha ng solution natin, na collective siya na buong CDC community ang magka-caraft po nito. 

Party-specific Question

TANGLAW: Ano ang naging motibasyon o rason mo para tumakbo independently?

ABORDO: Una ay mahubog o tinulungan kasi ako ng SC (Student Council) natin…Kase bilang parte ng FC (Freshman Council) dati ay na guide talaga ako nang maayos at na-inspire din ako doon sa way of leading nila gusto ko yong i-replicate. Pangalawa ay dedicated po talaga ako sa paglilingkod at pagtakbo. Dahil freshie palang po ay tumakbo na rin ako at doon din po sa mga nakaraang taon high school ako ay naging parte rin po ako ng konseho. 

Sa independent naman po ay nag express po ako ng isang interest ko sa isang party po sa CDC ngunit mayroon po silang inaayos na internal matters, so hindi po sila nakapag patakbo. Basically personal na lang din po dahil nagkaroon din ako ng invitation din through Gean na tumakbo bilang parte ng SAKBAYAN pero yun nga po, last minute na rin, hindi rin nakahabol sa deadline. 

Gusto ko rin naman po talagang maglingkod. May dedication ako, may plano, may mga adbokasiya ako na gusto kong i-pursue. At kahit at the end of the day naman po, kahit iba-iba kami ng partido, kahit independent ako, sakbayan yung ibang tumatakbo, iisa lang naman po ang adbokasiya namin. Ilabas, i-voice out yung mga panawagan ng sangka estudyantehan. 

TANGLAW: Ano ang pinagkaiba ng isunusulong mong uri ng pamamahala sa politika ng mga existing na partido sa kolehiyo?

ABORDO: Kasi hindi rin ako aware sa way of government nila kasi internal ano ng sakbayan. First time ko rin ma witness na tumakbo sila. Pero ang pulitika na vina-value ko ay collective talaga. Isa sa mga tagline na ginagamit ko sa aking kampanya ay “kaunlaran mula sa masa tungo sa masa”. Kahulugan po nito ay una makikisalamuha po tayo sa tao, lulubog tayo sa masa upang malaman yung mga problema at isyu at maarai nating gawin. Atsaka ito i-vo-voice out. 

TANGLAW: Paano mo nakikita ang ugnayan sa pagitan mo at mga kandidato ng SAKBAYAN? Nakikita niyo ba ito bilang benepisyo o hadlang sa inyong pamamalakad? 

ABORDO: Beneficial. Magiging maganda yung work ethics namin nung ibang partido dahil yung iba naman sa kanila ay naging naka-trabaho ko na rin sa FC (Freshman Council). Naging harmonious at maayos naman ang work ethics namin. Dini-disregard pa rin naman natin yung political parties at the end of the day dahil iisa nga lang naman po ang mga panawagan namin. 

TANGLAW: Kung sakaling ikaw ay hindi palarin, paano kayo magsisilbing watchdog ng mga mauupo sa pwesto?

ABORDO: Una sa pag attend ng CSL (Council of Student Leaders). Doon kasi nilalatag yung mga ginawa na nila, yung mga kailangang gawin at nga gagawin pa lamang. So doon pa lamang ay nakikita na natin kung nakilos nga ba ang ating konseho. Natugon ba sila sa resolusyon nanais itaas ng sangkaestudyantehan. Doon natin makikita kung meron bang mga achievements sa loob ng kolehiyo na gawa ng SC (Students Council), maski pa sa loob at labas ng unibersidad. Ang gaod ng konseho ay di lamang limitado sa CDC (College of Development Communication). Kahit sa labas ay sa dapat.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya