DAPAT MONG MALAMAN
- Sa ginanap na CDC Miting de Avance, iniugat ng mga kandidato sa kakulangan ng pondo at kakaunting partisipasyon ng mga mag-aaral ang kahirapan sa pagtugon sa maraming problema sa loob at labas ng Devcom.
- Sa usapin ng isyung pangkalikasan, hindi kumbinsido si Zawadi Atangan ng Haring Ibon UPLB na kakulangan sa pondo ang sanhi ng kakulangan ng mga konkretong aksyon upang tugunan ang problemang ito.
- Binusisi ang kakaunting bilang ng mga mag-aaral na lumalahok sa mga kilos-protesta at kung paano sila hihimukin ng konseho na makibaka sa mga isyung panlipunan.

Itinuturong ugat ng kahirapan sa pagtugon sa mga problemang kinahaharap ng mga mag-aaral ng Devcom ang kakulangan sa pondo at kakaunting partisipasyon ng mga ito sa mga proyekto at pagkilos kaugnay ng mga isyung panlipunan.
Hinimay ito sa ginanap na College Miting de Avance (MDA) para sa mga kumakandidato sa CDC Student Council (CDC SC) kahapon, ika-16 ng Mayo, sa Lecture Room 1.
Kasama sa mga isyung tinalakay sa MDA ang hindi maayos na partnership system ng Devcom sa mga komunidad, kawalan ng konkretong solusyon para sa pangangalaga ng kalikasan, komersyalisasyon ng transportasyon sa loob ng campus, at ang kakaunting bilang ng mga mag-aaral na nakikilahok sa mga mobilisasyon.
Isa sa mga problemang binigyang-pansin ay ang “sustainability” ng mga proyektong isinasagawa ng mga mag-aaral sa kolehiyo, pagpupuntong hindi nababalikan ang mga komunidad pagkatapos ng isang semestre kung kaya’t madalas na nahihinto rin ang implementasyon ng mga ito.
Ayon kay Gean Magbuo, kandidato ng SAKBAYAN CDC SC para sa Chairperson, hindi sapat ang kapasidad ng mga mag-aaral upang balikan at ipagpatuloy ang mga proyekto sa komunidad.
Aniya, kinakailangan ang tulong ng administrasyon upang maipagpatuloy ang mga proyekto ngunit hindi pa rin ito sasapat sapagkat mayroong kakulangan sa pondo ng Unibersidad dulot ng budget cuts.
“Kahit gaanong ka-supportive ang administration, kung wala tayong nararapat na budget, kung wala tayong nararapat na resources para sa ganitong bagay, ito ay hindi matutugunan,” saad ni Magbuo.
Para naman kay Jedd Abordo, independent candidate na tumatakbo para sa CDC SC Vice Chairperson, mahalaga ang gampanin ng konseho sa pakikipag-ugnayan sa administrasyon ng Devcom upang mapanatili ang mga programang dinadala sa mga komunidad.
“Dito papasok ang gampanin namin bilang student council na magkaroon ng consultation sa CDC admin, lalo na ngayon na nagkakaroon sila ng curriculum review na i-angkla ‘yung disenyo ng curriculum tapos masusustain ang mga ganitong klase ng partnership sa mga community na hindi sila maiiwan basta-basta pagkatapos lamang ng isang semestre,” paliwanag ni Abordo.
Paghimay sa mga isyung pangkalikasan
Binuksan din ang usapan tungkol sa papel ng konseho sa mga inisyatibong may kinalaman sa kalikasan. Giit ng isa sa mga panelist na si Zawadi Atangan ng Haring Ibon UPLB, tila walang konkretong aksyon ang CDC SC sa mga problemang pangkalikasan.
Bagama’t sinabi ni Ethan Pahm, independent candidate na tumatakbo para sa CDC Representative to the University Student Council, na gampanin ng konsehong magsulong ng mga polisiya at magsagawa ng mga educational discussion, aminado siyang kakarampot lamang ang inilalaang pondo para sa mga inisyatibo para sa kalikasan.
“Una yung sa kaukulangan ng resources… kakulangan din ng suporta mismo sa admin and ‘yung , lalong-lalo na, yung gobyerno natin na mas pinaglalaanang pansin ngayon ang charter change,” giit ni Andrea Jariel, kandidato ng SAKBAYAN para sa CDC SC Councilor, kung bakit hirap ang konseho na magsagawa ng mga proyektong pangkalikasan.
Sinegundahan ito ni Magbuo, “‘Yung resources kasi na inilalaan dapat, ay dapat na nagmumula din naman talaga sa gobyerno dahil hindi naman nagfa-function ang isang konseho nang walang, nang hindi panay labas nang labas ng personal na pera, halimbawa yung mga kasapi ng konseho, kasi by the end of the day, tayo ay mga estudyante lang na may personal ding kontradiksyon.”
Ayon naman kay Abordo, may kakulangan sa mga tao at kagamitan kung kaya’t hirap ang konseho na bumuo ng mga konkretong solusyon para sa suliraning pangkapaligiran.
“Baka oras na para magkaroon ng environmental and sustainability plan dito sa ating kolehiyo para magkaroon ng specif action na uupuan ng admin at students,” ani Abordo.
Sa kabila ng naging tugon ng mga kandidato, hindi kumbinsido si Atangan na kakulangan ng pondo at makinarya ang ugat ng problema sa pagkakaroon ng tiyak na hakbang para sa pangangalaga ng kalikasan.
“Gets ko na mayroon nga na kakulangan ng resources pero… we still hold projects, kakulangan pa din ba ng resources yung dahilan talaga? Kakulangan pa rin ba ito ng resources o sa tingin nyo’y ito na’y kailangan ng pagshift ng priorities?” tanong ni Atangan.
Komersyalisasyon ng pampublikong transportasyon
Sa patuloy na pagratsada ng jeepney phaseout, tinanong ang mga kandidato kung ano ang maaaring magawa ng konseho sa pagtugon sa mga panawagan ng mga tsuper lalo na sa loob ng campus. Kaugnay nito, nabuksan ang usapin ng pagkakaroon ng bicycle and scooter rental service sa UPLB bilang tugon sa krisis-transportasyon ng mga mag-aaral.
Kinundena ng mga kandidato ang pagpapapasok ng pamunuan ng unibersidad sa Tipaklong Sustainable Mobility, Corp. Para sa kanila, hindi ito ang solusyon dahil ang mga ipinaparentang mga bisikleta at scooter ay mahal at hindi makamasa.
“It is just a band-aid solution, is simply a facade to the refuse of the administration to being able to make this people-centered approach,” saad ni Pahm.
Nanindigan rin ang mga kandidato ng SAKBAYAN na tutol sila sa proyektong ito dahil pinalalakas lamang nito ang komersyalismo sa loob ng unibersidad. Iniuugat pa rin nila ang krisis na ito sa kakulangan ng pondo ng unibersidad upang solusyonan ang problema sa transportasyon sa loob ng campus.
Anila, hindi dapat iniaasa ng pamunuan sa pribadong sektor ang pagresolba nito.
“Dapat ang solusyon dito ay pagpapanawagan para sa budget talaga, sa pagpapataas ng budget sa edukasyon para hindi na lumulundo at hindi na tayo umaasa sa mga private sector para tugunan ‘yung pangangailangan natin sa edukasyon,” giit ni Magbuo.
Ayon naman kay Abordo, “Nakikita natin ‘no na hindi ito accessible sa mga estudyante natin dahil nga nasabi na nga kanina ‘no na mataas ang presyo nito at isa rin itong manipestasyon na patuloy tayong pinapasok ng mga pribadong kompanya na patuloy tayong nagiging komersyalisado sa loob ng ating Unibersidad.”
Pagnipis ng hanay sa lansangan at sa konseho
Naging usapin din sa MDA ang kakaunting bilang ng mga mag-aaral na lumalahok sa mga kilos-protesta. Ang tanong para sa mga kandidato: ano ang magagawa ng konseho upang pakapalin ang hanay ng mga mag-aaral sa mga mobilisasyon at makibaka sa mga isyung panlipunan?
Para kay Jariel, mahalagang magkaroon ng pakikipag-usap ang konseho sa mga mag-aaral upang palalimin pa ang kanilang pag-unawa sa mga isyung kinahaharap ng lipunan. “Pakikiisa sa mga alyansa upang makagawa ng panibago pang mga paraan na mahamig ‘yung sangkaestudyantehan na makisama sa pagpapatambol ng mga panawagan ng masa,” wika niya.
Saad naman ni Pahm, maraming mga mag-aaral ang nahihirapang lumahok sa mga pagkilos dahil sa stigma. Iminungkahi niyang magkaroon ng mas malakas na kampanya sa social media at mga ED.
Aminado rin si Abordo na takot ang ibang mga mag-aaral na dumalo sa mga protesta dahil sa mga kaso ng pag-atake ng estado sa mga progresibo.
“Ang pagsali kasi sa mob ay isang step-by-step procedure na hindi natin sila pwedeng pilitin na makilahok bigla. Kaya naman mahalaga na during the process ng pag-organize ng mob ay ipinaparamdam natin sa kanila na sila ay kabilang, na ang mga boses nila ay nako-consider doon sa pagpaplano natin at paggawa ng mga panawagan natin,” paliwanag ni Abordo.
Sa usapin ng numinipis na hanay ng mga lider-estudyante sa konseho, tinanong ang mnga kandidato kung paano nila mapatataas ang partisipasyon ng mga mag-aaral ng Devcom sa mga nakalatag nilang programa.
Ayon kay Jariel, isa ang academic load sa nagiging hadlang upang makalahok ang mga mag-aaral sa mga gawain ng konseho. “Magkakaroon po ng mga batch representatives, maliban doon, dapat na mas ilapit natin sa mga estudyante ang mga proyektong ating isinasagawa sa CDC SC,” suhestyon niya.
Sinuportahan ni Magbuo ang argumento ni Jariel. Aniya, “Hindi dapat natin tinitingnan ito bilang pagbaba sa student representation dahil dapat nating i-recognize na ang mga estudyanteng ito ay mayroong mga personal na dahilan kung saan sila kikilos at makakapag-ambag sa pag-unlad ng ating kolehiyo.”
Para kay Abordo, ang suliraning ito ay manipestasyon ng isang kolonyal, komersyalista, at pasistang uri ng edukasyon.
“Gusto ng gobyerno natin na magpakabaliw tayo sa acads at ‘wag na tayong mag-participate sa kahit na anong proyekto sa ating unibersidad kaya rito papasok ang responsibilidad ng student council na hamigin lalo ang mga mag-aaral at direktang ipaalam sa kanila kung paano ito makakaapekto sa kanilang buhay,” paliwanag niya.
Sa kabila nito, naniniwala si Abordo na bagama’t bumababa ang bilang ng mga nais mamalakad sa konseho, hindi ito nangangahulugang wala nang representasyon ng mga mag-aaral sa kolehiyo. “Ang student representation naman ay hindi lang limitado sa konseho kung ‘di pati sa mga organization din,” aniya.
Naniniwala naman si Pahm na dapat makipag-ugnayan ang konseho sa mga organisasyon ng Devcom upang hikayatin ang mga mag-aaral na makibahagi sa mga programa nila. Binigyang diin din niya ang pagkakaroon ng “consultative approach” upang malaman ang hinaing ng sangkaestudyantehan.
Bagama’t maraming bitbit na plataporma ang mga kandidato para sa ikabubuti ng buong kolehiyo at mga sektor na nakapaloob dito, tila hindi magiging posible ang karamihan sa mga ito dahil sa kakulangan ng pondo dulot ng patuloy na budget cuts sa mga state university and college.
Patuloy ring kumokonti ang partisipasyon ng mga mag-aaral sa mga proyektong inilalatag. Sa kolehiyo kung saan komunikasyon ang humuhubog sa kaunlaran, bakit tila hindi sapat ang ugnayan ng konseho at sangkaestudyantehan? ■




You must be logged in to post a comment.