Ano nga ba ang nauna, ang manok o ang itlog? Ang tanong na ito ay maaaring gamitin sa ating karanasan pagdating ng halalan — ang malaking elepante sa kwarto ukol sa matumal na paglahok ng sangkaestudyantehan sa student elections.

Sa Devcom pa lamang, kapansin-pansin ang kahirapang kompletuhin ang mga kandidato para sa slate ng CDC Student Council tuwing halalan. Nakakapukaw-atensyon rin na ngayong taon ay iisang partido na lamang ang nasa listahan, habang pilit itinatawid ang tatlong pinakamataas na posisyon dahil sa kakulangan sa kandidato. 

Nakadidismaya rin na sa dating taon-taong nangunguna sa bilang ng voter’s turnout, ngayo’y hindi na ganito ang siste sa Devcom. Nakakabigo at nakababahala ang patuloy na humihinang pagtangan sa mga puwestong inaayunan ang mga karapatan at pangangailangan ng sangkaestudyantehan. Para sa mga nagsasabing ang UP ay balwarte ng demokrasya: hahayaan na bang mamalagi na lang tayo sa bare minimum?

Tuyong-tuyo na ang panawagang paigtingin ang pakikilahok sa mga halalan, ngunit dapat na uliting ang halalan at ang mga konseho ay plataporma nating lahat upang maiadya ang ating mga kalayaan at karapatan sa loob ng kolehiyo at lalo na sa unibersidad, kaya dapat nating sadyain ang pagtutok dito.  Tandaan na ang student council ay ang tanging plataporma upang masiguradong may representasyon ang mga mag-aaral sa mga desisyong institusiyonal, lalo na sa usaping academic freedom at mga isyung panlipunan. 

Sa likod nito ay isang katotohanang madaling isipin ngunit mahirap maintindihan: Ang mga naglalakas-loob na ialay ang sarili sa paglilingkod sa sangkaestudyantehan ay hindi alagad sa trabahong ipinagkaloob nito, kundi isang kinatawang magsasangga at magsusulong ng ating mga hinaing. Huwag sana nating isipin na magkahiwalay ang mundo ng mga kinatawan at mga bumoboto, dahil sabi nga ng kasabihan, kung ano ang itinanim, iyon rin ang aanihin.

Sa ating konteksto, ang kakayanan ng lider-estudyante na maglingkod ay apektado ng mga prinsipyo, kagawian, at kulturang pumapalibot sa kaniya. Kaya’t pagnilayan natin kung makabuluhan pa rin ba ang umiiral na porma ng pamamahala at paglilingkod, upang matiyak na ang sangkaestudyantehan lamang at hindi ibang interes ang pinagsilbihan nito. Hindi dapat pilitin ang sangkaestudyantehan na pumanig sa kandidatong hindi nila kayang ipagkaloob ang posisyon, at hindi rin dapat kailangan pilitin pa silang tumakbo para sa konseho. Buwagin na rin ang isang toxic culture na umiiral sa loob ng mga konseho, dahil hindi kailangang ilagay sa kompromiso ang kapakanan ng mga lider-estudyante para lamang makapaglingkod sa mag-aaral. Ang mga ito ay nagiging tinik sa lalamunan sa paghatid ng magandang serbisyo.

Mahalagang natutukoy natin na ang kontekstong ito ay isang produkto ng pagsalang-kimot ng sistemang edukasyon at iba pang puwersang panlipunan, kung saan ang lahat ay nagsusunog ng kilay upang maitawid ang sablay o pangarap na inaasam. Subalit, mahalaga ring makita ang mga sanhing maaaring solusyonan na tila tutuklawin ka na: ang pagsiguro sa kalidad ng serbisyo at ang kulturang pumapalibot dito na siyang nag-uudyok sa isang engaged citizenry tungo sa isang umiiral na demokrasya. Dapat itong simulan sa mas pagbibigay-tanaw sa mga mag-aaral ng mga proseso at plataporma ng konseho, upang mas maging malinaw kung ano ang kahalagahan ng mga ito sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Tanyag tayong mga Devcom bilang maalam sa mga konsepto at teoryang pangkaunlaran sapagkat seme-semestre na itong itinuturo. Tandaan na ang komunikasyong pangkaunlaran ay isang praxis: ang paggamit ng teorya gamit ang purposive, pragmatic, at value-laden na praktis. Batid natin ang mga puno’t dulo ng suliranin, subalit nagkukulang tayo sa pagkilos upang solusyonan ito. Sa panahon ng pagkabahala lalo na sa mga isyung pambansa dahil sa panghihimasok ng mga lokal at mga banyagang pasista, ay dapat nating paigtingin ang pagkilos upang panatilihin ang kung ano ang atin. Ito ang lagom ng mga nakaraang termino at hamon sa hinaharap ng balwarte ng demokrasya: gamitin ang kapangyarihan ng boto at ang kahalagahan ng konseho upang muling maging isang kolektibong humaharap sa mga pagsubok — anuman ang nauna sa manok at itlog.

Ito ay isang komentaryo mula kay Tanglaw columnist Andrea Bodaño, na naglalahad ng personal niyang opinyon sa mga napapanahong isyu.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya