Editoryal ng Tanglaw

Ang editoryal na ito ay isinulat ng aming Editorial Board na naglalayong ilahad ang opinyon ng pahayagan sa mga napapanahong isyu.


Matapos ang isa na namang halalan para sa mga posisyon sa CDC Student Council (CDC SC) at sa University Student Council (USC), isang isyu ang umikot sa isipan ng maraming nagbabantay tungkol sa magiging resulta: ang patuloy na pagbaba ng antas ng representasyon ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng bilang ng mga tumatakbong lider-estudyante para sa konseho.

Makikita sa sitwasyon ng ibang mga unibersidad sa loob ng UP System, at maging sa iba pang bahagi ng bansa, kung ano ang magiging epekto ng kawalan ng mga kinatawan ng mga mag-aaral. Bilang ang mga kasapi ng student council ang primaryang koneksyon ng pamunuan ng mga kolehiyo at ng mga unibersidad sa mga mag-aaral, mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga tumatangan ng responsabilidad na ito. Maliban pa rito, matagal nang pinanghahawakan ng mga kasapi ng konseho ang tungkulin upang ilapit sa mga pinaglilingkuran nito ang mga isyung hindi lamang nakaaapekto sa pang-araw-araw na sitwasyon ng mga mag-aaral, kundi pati na rin ang mga karanasan at suliranin ng mamamayan na siyang dapat simulain at makatatanggap ng dunong na nakukuha natin sa unibersidad.

Sa dalawang aspeto primaryang nakita sa halalalang ito ang unti-unting pagkawala ng student representation sa ating kolehiyo. Apat na kandidato lamang ang tumakbo sa Devcom para sa mga posisyong mababakante sa paglisan ng kasalukuyang administrasyon. Maliban pa rito, ang pinal na voters’ turnout, kung saan pumangalawa lamang ang kolehiyo sa buong UPLB, ay isang signos ng maaari’y maging unos.

Marami na ang nasabi sa mga inilathala ng pahayagang ito tungkol sa mga salik na maaaring nakaapekto sa pagbaba ng antas ng pakikilahok ng mga mag-aaral sa panahon ng halalan. Samot-sari na rin ang mga iminungkahi upang matugunan ang lumalalang suliranin. Isa ang malinaw mula sa resulta ng halalan ngayong 2024: Kailangang magkaroon ng kagyat na pagbabago sa sistema ng pamumuno at sa kung papaano mailalapit sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng student representation. Ngunit paano ito maisasagawa ng mga konsehong bungi sa aspeto ng lakas-paggawa, o ng mga estudyante na kinahaharap ang iba’t ibang mga problema sa kanilang pag-aaral?

Sa panayam ng Tanglaw kay USC Chair-elect Mark Angelo Roma, sinabi nito na hindi naman magkaiba ang danas ng mga lider-estudyante sa mga pinaglilingkuran nito. Kung tayo nga ay nahihirapan, hindi lamang sa aspeto ng akademiko, kundi pati na rin sa paggalaw sa isang sistema ng edukasyong hinuhubog ang mga mag-aaral upang mabenepisyo ang kapitalismo, paano pa kaya ang mga pumapasok sa sistema ng paninilbihan sa student councils — isang mundong mas humihingi ng oras at lakas ng mga nangangahas na maglingkod?

Dapat nating alalahanin na hindi tumitigil ang mga suliraning kinahaharap natin at ng mas malawak na masa kasabay ng unti-unting pagkalagas ng mga lider-estudyante. Sa ilalim ng isang rehimeng hindi natutugunan ang mga batayang pangangailangan ng mamamayan, na hindi naipagtatanggol ang kalayaan ng bansa mula sa mga dayuhang interes, at na nababalot sa pag-aaway-away ng mga pamilyang politikal, mas kinakailangan sa panahong ito ang ating pakikisangkot sa mga isyu at sa kabuuang pamumuno sa ating kolehiyo.

Ito ay isang umiikot na sitwasyon na dapat nating kaharapin sa pamamagitan ng iisang hakbang — ang magpatuloy sa paninilbihan. Magsisilbing hamon sa mga mauupo ang pagpapanatili ng bukas na komunikasyon at kritikal na pagsiyasat sa kanilang bawat hakbang. Sa kabilang banda, kinakailangan na maikintal sa isipan ng bawat mag-aaral na ang pakikisangkot na ito ay hindi sayang sa kanilang oras at lakas, kundi isa lamang sa maraming maaari nating magawa upang manatiling matalas at mapagmatiyag sa lipunan na ating ginagalawan.

Ang kakayanang manilbihan para sa kapuwa mag-aaral at sa masa ay dapat nating patuloy na panatilihin at pagyamanin. Dinadala lamang natin ang naging resulta ng matapang na pakikibaka ng mga nauna sa atin para sa karapatan sa pakikilahok na ating tinatamasa. Magsilbi sana itong paalala na huwag nating sayangin ang kakayanang ito, lalo na ngayon — sa panahong mas kailangan natin ito. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya