Ang header photo ay kuha ni Tanglaw photojournalist Dan Alexander Abas.
DAPAT MONG MALAMAN
- Panalo ang mga tumakbo para sa mga posisyon sa CDC Student Council.
- Prayoridad ng bagong CDC SC Chair ang pagpapaigting ng student representation.

Nagwagi ang lahat ng mga kumandidato para sa CDC Student Council (CDC SC) sa naging resulta ng halalan.
Nahalal na ang apat na bagong maumuno sa konseho para sa susunod na taon na pinangungunahan ni Cassandra Gean Magubo mula SAKBAYAN, na mauupong bilang bagong CDC SC Chair. Samantala, nagwagi naman ang independent candidate na si Jedd Kristoffer Abordo bilang Vice Chair. Nanalo rin bilang nag-iisang councilor si Andrea Jariel, na kapartido ni Magbuo, at si Ethan Gavril Pahm bilang CDC SC College Representative to the USC.
Sa kaniyang pagkapanalo, si Magbuo ang pinakaunang CDC SC Chair na magmumula sa Associate of Science in Development Communication (ASDC) Program.
Sa isang panayam na isinagawa ng Tanglaw matapos ianunsyo ang resulta ng halalan, binigyang-diin ni Magbuo ang mga programa na nais niyang ipatupad na nakasentro sa student representation.
“Ang focus talaga ay ‘yung pag-upo ng mga organizational representatives and batch representatives, kasi kadalasan ang nakikita natin sa polisiya, kaya nagkakaroon tayo ng gap sa kung ano ba talaga ‘yung kailangan ng estudyante at kung ano ba ‘yung mga resolutions na kailangan natin ipasa sa Student Legislative Chamber ay wala tayong komprehensibong [naipapasa],” aniya.
Antas ng pakikilahok
Ngayong taon, pumangalawa ang Devcom sa lahat ng kolehiyo pagdating sa voters’ turnout. 48.2 pursyento ng mga eligible voter ang nakaboto sa halalan, na nagsimula noong Sabado, Mayo 18 at nagtapos kahapon ng 5 p.m. Kung ikukumpara sa naging bilang sa halalan noong 2023, kung saan 56.7 pursyento ng mga mag-aaral ng Devcom ang bumoto, ay mas mababa ang naging voters’ turnout ngayong taon.
Samantala, magiging hamon sa papasok na CDC SC ang kakulangan sa tao, at ang nakikitang pagbaba ng antas ng pakikilahok ng mga mag-aaral. Para kay Magbuo, ang pagpapataas ng student representation ay maiuugat sa mga salik na kinahaharap ng mga mag-aaral.
“‘Yung hamon ng pagiging lider-estudyante kasi hindi lamang siya sa konseho, marami rin namang mag-aaral sa CDC talaga na tumatangan ng gampanin bilang lider-estudyante,” ani Magbuo. “Dapat ‘yung student representation, hindi siya napuputol sa council.” ■




You must be logged in to post a comment.