Ang mga litrato ay kuha ni Tanglaw photojournalist Neil Gabrielle Calanog.
Hindi pa kolehiyo ang Devcom, kabahagi na siya ng kultura sa loob nito. Sa pagtatapos ng isang napakahabang karera, bitbit niya sa pagreretiro ang mga mensahe ng mga nakatrabaho at ng mga mag-aaral na kaniyang natulungan.
Inantala ng pamilyar na kalansing ng mga susi ang katahimikan sa Devcom. Sa hallway, habang nagpapahinga sa mga upuan ang kaniyang mga kasama, bumungad ang abalang mga yapak ng kilala nating lahat na si Tito Aga. Tumigil siya sa harap ng mga ito at nagtanong: “Ano ang ipapabili niyong ulam?” Nang makakuha ng sagot, naglakad na siya patungo sa opisina, sabay habol ng paliwanag: “Saglit, may utos lang sa Edcom.”
Kung tutukuyin ang love language ni Tito Aga, marahil ay pagseserbisyo ang makukuhang sagot ng Devcom. Palaging pinaparamdam ng butihing administrative assistant ang mapagkakatiwalaan niyang presensya. Ito rin siguro ang pinakahahanap-hanapin ng kolehiyo sa kaniyang pag-alis. Nitong nakaraang Marso 12 kasi, opisyal na siyang nagretiro sa trabaho.
Si Romeo Estimado, mas kilala bilang Tito Aga, ay nagsilbi sa Devcom ng 43 taon. Sa mahabang panahon na ito, naipakita niya ang dedikasyon sa iba’t ibang tungkulin na ginampanan — mula sa pagiging machine operator, audiovisual assistant, at sa kalaunan, bilang administrative assistant. “Halos lahat ginagawa ko. On-call kasi ako kahit magsetup ng mga gamit. Halimbawa sa mga training, may ipagagawa sa’kin, gagawin ko. Lahat ng faculty siguro, nakatrabaho ko na lahat sila. ‘Yung may mga pinapagawa [sila] na hindi nila kaya, sa akin pinagagawa,” salaysay ni Tito Aga sa Tanglaw.
Gayun na lang ang hanga sa kaniya ng mga kasamahan niya sa trabaho. “Si Aga, talagang ‘yan ay desidido talaga na manrabaho dito sa kolehiyo. Saka talagang ‘yan masipag talaga … Sample niyan, sa trabaho, kahit na anong iutos mo d’yan, OK nang OK ‘yan. Kaya ‘yan talagang [saludo] ako d’yan [kay] Aga,” bahagi ni Ding Atayan, kapwa administrative staff ni Tito Aga.
Para naman kay Danisse Banasihan, mag-aaral ng Devcom, lagi ring nakaalalay si Tito Aga sa mga estudyante. Aniya, “one call away” ito at maaasahang gagawin agad ang makakaya upang makatulong. “Nu’ng pagbalik natin after the pandemic, siya ‘yung nag-isip nung arrows na lalakaran natin para mayroon tayong social distancing. Ayun ‘yung mga gano’ng creative inputs niya na naisasagawa niya into outputs na kongkreto na,” dagdag niya.
Kapuri-puri ang kalidad ng serbisyo na naipamalas ni Tito Aga sa kolehiyo. Subalit, hindi lang ito ang batayan ng pagpapahalaga sa kaniya ng Devcom. “Matagal na matagal na namin yan [si Aga] naging kasama. Halos magkasabay kami niyan, kaya halos ang turingan namin ay isang pamilya,” dagdag pa ni Tito Ding. Ang pagiging parang isang pamilya ni Tito Aga at ng komunidad ng kolehiyo ang siya ring sukat ng pagmamahal nito sa kaniya. Hindi malilimutan ang pagkakaibigan na naibahagi niya para sa kaniyang mga katrabaho.
“I think what’s prominent about Tito Aga is his care sa kaniyang mga officemates. For example, na lang, walang lunch ‘yung nanay ko tapos pupunta siya office ng nanay ko, ta’s sasabihan niya ‘Anong gusto mo? Ibibili kita,’ gano’n,” kuwento ni Danisse na anak ni Lisa Banasihan, administrative officer sa CDC Office of the Dean.

Kuha ni Neil Gabrielle Calanog, Tanglaw photojournalist
‘Finished or not finished’
Gustuhin man ng komunidad ng Devcom na patuloy pang makasama si Tito Aga, itinakda na ng mga polisiya ng unibersidad ang pagreretiro niya. Iminandato ang pagreretiro ng mga empleyadong may edad 65 na nakapagsilbi sa unibersidad ng hindi bababa sa 15 na taon. “Full retirement na ‘yung akin… 65 years old [na ako], kaya finished or not finished, pass your papers,” paliwanag ni Tito Aga.
Gayun na lang ang paghahalo-halo ng emosyon na kaniyang naramdaman sa pag-alis. “Siyempre, lungkot [kasi] maiiwan ko na ‘yung Devcom. Alam mo naman na 43 years ako nagtrabaho dito. Sa araw-araw ko, ayun na lang ang ginagawa ko. Pasok-uwi, pasok-uwi trabaho ‘yang ganan. Parang ang hirap kalimutan nung ganon,” ani Tito Aga.
Masaya naman daw siya sapagkat makakapiling na niya ang kaniyang pamilya at magkakaoras na siya para sa sarili. Ngunit, ‘di maikakailang may puwang na maiiwan si Tito Aga — hindi lang sa mga espasyong kalimitan niyang pinamamalagian sa kolehiyo, kundi pati sa puso ng mga taong araw-araw niyang nakakasalumuha rito. Gayunpaman, sapat nang panlunas sa kirot na ito ang malaman na masayang mga alaala sa Devcom ang baon niya sa pagtungtong sa panibagong yugto ng kaniyang buhay.
“Siguro hindi ko na inisip na lumipat pa [ng trabaho] kasi maligaya ako dito. Mababait ‘yung mga kasamahan ko. At saka, maalwan ‘yung trabaho […] walang pressure,” pagbabahagi niya.
Mga matatamis na salita ang kaniyang iniwan para sa kolehiyong nagsilbi na rin niyang tahanan sa loob ng maraming taon. “Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga faculty na pinagtiyagaan niyo ako … minahal niyo ako,” pasasalamat niya sa mga guro ng Devcom.
Hangad naman niya ang tagumpay ng mga mag-aaral dito: “Sa mga estudyante, sana matapos kayo nang four years. Pagkatapos niyo, [sana] umunlad kayo at saka, kapag kayo’y nakatapos na, ‘wag niyong kalimutan ang Devcom, kung saan kayo nanggaling […] Mahalin niyo ang Devcom.”
Hindi matutumbasan ang dedikasyong ibinahagi ni Tito Aga sa Devcom kaya’t walang humpay na pasasalamat din ang alay sa kaniya ng kolehiyo. “Salamat sa dedikasyon mo sa kolehiyo. Malaki ang ambag mo dito. Saka tungkol naman sa retirement mo, mag-ingat-ingat sa sarili,” ito ang pasasalamat ni Tito Ding, na sumasalamin sa mensahe na nais ipaabot ng komunidad ng Devcom kay Tito Aga. ■
Pagwawasto: Sa bersyon ng istoryang ito na inilathala sa Tanglaw noong Mayo 23, 2024, mali ang pagkabaybay sa apelyido ni Ding Atayan, administrative staff ng Devcom.




You must be logged in to post a comment.