Ang header photo ay kuha ni Tanglaw photojournalist Dan Alexander Abas.
DAPAT MONG MALAMAN
- Pinagpugayan ng mga aktibista at mamamahayag mula sa Devcom ang desisyon ng Korte Suprema.
- Sa kabila nito, mananatili pa ring kritikal at nagbabantay sa mga kaso ng red-tagging.
Sa pagdeklara kamakailan ng Korte Suprema sa red-tagging bilang banta sa buhay, kapayapaan, at seguridad ay nabigyan ng legal na kahulugan ang matagal nang nararanasang panunupil at pananakot sa mga aktibista at mga mamamahayag na inaakusahang kasapi ng teroristang grupo.
Nitong Mayo 8, 2024, nagpasya ang Korte Suprema en banc na ipagkaloob sa aktibista at dating kinatawan ng Bayan Muna party-list na si Siegfred Deduro ang writ of amparo o proteksyon sa karapatang pantao alinsunod sa saligang batas. Kaugnay ito ng akusasyon sa kaniya ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army bilang miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Kinilala ng Korte na ang tahasang pagpapakalat ng poster na may mukha ni Deduro sa Iloilo City, kung saan direkta siyang tinawag na miyembro ng komunistang grupo pati na ang mga paniniktik sa kanya, ay paglabag sa kanyang karapatang pantao. Sa pamamagitan ng desisyon na ito, mas kongkreto na ang basehan ng pagsasampa ng kriminal na kaso laban sa mga tahasang nagsasagawa ng red-tagging.
‘Pag-abante ng legal system’
Katulad ni Deduro, si Kenneth Rementilla ng Anakbayan Southern Tagalog ay nakaranas din ng red-tagging mula sa estado. Ayon sa kaniya: “Bilang kinilala na ng Korte Suprema ang red-tagging na isang banta sa buhay, kalayaan at seguridad, at maaaring maging basehan sa paggawad ng writ [of] amparo, isang bagay na maituturing na pag-abante ito sa larangan ng legal system.”
Ibinasura ang paratang kay Rementilla ng 59th Infantry Battalion na paglabag sa Anti-Terrorism Law nitong nagdaang taon dahil sa kakulangan ng posibleng ebidensya. Iginiit ni Rementilla na isang fact-finding mission ang kanilang isinagawa dahil “wasto lamang maiulat ang human rights violations nito [ng estado] sa probinsya ng Batangas tulad na lamang ang ginawa nilang pamamaslang kina Kyllene Casao at Maximino Digno na mga ordinaryong mamamayang Batangueño.”
Sa desisyon nito, binigyang-diin ng Korte na kahit hindi tiyak na mauuwi sa panghuhuli o pamamaslang sa akusado ang mga kaso ng red-tagging, hindi na dapat hintayin pang mangyari ang mga ito bago sila bigyan ng proteksyon.
Kakabit nito ang sinabi ni Rementilla sa Tanglaw. “Dapat tuluyan nang mabuwag ang NTF-ELCAC, mabasura ang Anti-Terrorism Act at mga kahalintulad na terrorism-related charges at panagutin si Duterte, Marcos, NTF-ELCAC, at kanilang mga ahente.”
Lubos na suporta
Nagpahayag din ng suporta sa desisyon ng Korte si Ali Pine, tagapangulo ng UP Solidaridad o alyansa ng mga student publications sa UP System. “Ang mga kaso ng tahasang red-tagging sa mga kampus-mamamahayag ay lubos na nakakabagabag sa hanay ng mga estudyanteng ang layunin lamang ay makapagpahayag ng mga kritikal na balita.”
Base sa pagsisiyasat ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), napag-alaman na mahigit 60 pursiyento sa mga insidente ng red-tagging ang nakaugat sa estado. 19.8 pursiyento rito ang ginagamitan ng mga paraan ng pananakot tulad ng paniniktik, pagpapadala ng liham, at pagbabanggit ng mga polisiyang gobyerno bilang dahilan.
Gayunpaman, mariin ang pagtanggi sa ilalim ng mga termino nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at kasalukuyang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pag-iral ng red-tagging sa mga progresibong grupo.
“Ang ganitong hakbangin [ng Korte] ay lubos na sinusuportahan ng mga progresibo dahil nararapat nang pakinggan ng Korte Suprema at aksyunan ang mga kaso ng ilegal na pagkakaimpit at pagde-delay ng mga hearing ng mga nasangkot sa gawa-gawang kaso na ranas na ranas ng mga progresibo,” giit ni Pine.
Ilan sa mga pinaratangan ng mga gawa-gawang kaso ng estado ay sina Alex Pacalda, dating secretary-general ng College Editors Guild of the Philippines – Southern Tagalog (CEGP-ST) at kampus-mamamahayag ng The Luzonian sa Quezon, at Frenchie Mae Cumpio ng UP Vista.
“Ang ganitong uri ng campus press freedom violations ay manipestasyon na takot ang estado at ang reaksyunaryong gobyerno sa matatalas at kritikal na boses ng mga kabataan,” ani Pine. “Inaasahan natin na mapanagot na ang mga sangkot sa tahasan at walang mga batayang panre-redtag at ilegal na pagdakip sa ating mga kasamahan sa midya at hanay ng mga progresibong sektor,” dagdag niya.
Para kay Pine, bagaman nagkaroon ng ganitong desisyon ang Korte Suprema ay hindi agaran na mararamdaman ang epekto nito. “Ganu’n na lamang katakot ang estado sa pagsiwalat ng mga katotohanan,” aniya. “Gayon pa man, nananatili tayong kritikal at hindi magpapatinag.” ■



