Ang mga istorya ay isinulat nina Sean Angelo Guevarra, Mar Jhun Daniel, at Ian Raphael Lopez.


Gean Magbuo: Pinaigting na konsultasyon sa mga mag-aaral
Kabilang si Gean Magbuo sa unang batch ng mga mag-aaral ng Associate of Science in Development Communication (ASDC) simula nang mainstitusyonalisa ang nasabing programa. Ngayon, siya ang kauna-unahang Chair mula sa ASDC na mauupo sa CDC Student Council.
Bitbit ang mga adbokasiya at panawagan para sa sangkaestudyantehan ng Devcom, gaya ng pagtutol sa generalist curriculum na nakaangkla umano sa cheap labor production, plano ni Magbuo ang pagpapalakas ng mga kinatawan ng mga mag-aaral.
“Kadalasan ang nakikita natin sa polisiya, kaya nagkakaroon tayo ng gap sa kung ano ba talaga ‘yung kailangan ng estudyante at kung ano ba ‘yung mga resolutions na kailangan natin ipasa sa Student Legislative Chamber ay wala tayong komprehensibong [naipapasa],” saad ni Magbuo sa Tanglaw noong Miyerkules, Mayo 22.
Nakikita ni Magbuo na maisasagawa ito sa pamamagitan ng mga organizational and batch representatives. “Nandoon ‘yung representation sa kung ano yung pangangailangan ng org and kung ano yung pangangailangan ng mga estudyante sa bawat batch na walang mga organization.”
“Kaya kinakailangan talaga na magpaupo tayo ng mga tao na makakatulong sa pagpapagawa ng mga polisiya para klaro na ito ay mula sa konsultatibo at sa consolidated na pangangailangan,” ani Magbuo.
Sa naunang panayam ng Tanglaw noong kampanya, isinaad ni Magbuo ang kaniyang paniniwala sa pamumuno. “Isang malaking tulong doon ng konseho ay ‘yung pagiging boses o pagbibigay-plataporma sa kung ano ba yung panawagan ng mga estudyante sa kung ano ‘yung nangyayari sa lipunan.”
Kasalukuyang miyembro ang bagong-halal na CDC SC Chair ng Gabriela Youth UPLB. Kasapi rin si Magbuo ng UPLB Delta Lambda Sigma.

Jedd Abordo: Pagtambol ng panawagan
Sa muling pagkakataon ay magsisilbi ang freshman na si Jedd Kristoffer Abordo bilang isang lider-estudyante sa konseho, matapos unang mailuklok bilang CDC Freshman Council Treasurer.
Bago mahalal bilang Vice Chair sa CDC SC, nagsimula sa pagiging parte ng CDC Freshman Council, tumayo din siya bilang isang ex-officio member ng Secretariat Committee ng CDC SC.
Prayoridad ni Abordo sa pag-upo ang iba’t ibang mga plataporma, gaya ng pagpapatupad ng UPLB Safe Haven Resolution upang masiguradong na mayroong proteksyon sa mga banta ng pag-atake mula puwersa ng mga militar at ng estado; ang pakikipaglaban kontra sa niraratsadang Charter Change; ang pagtatambol ng panawagan para sa kalayaan sa pamamahayag; at ang paglaban sa komersyalisado, kanluranin, at pasistang porma ng edukasyon sa bansa.
“‘Yung pagtanaw po natin sa press freedom ay napakahalaga po nito, dahil watchdog nga tayo ng gobyerno natin at isa itong malayang espasyo para sa ating kaisipan,” paliwanag ni Abordo sa panayam ng Tanglaw noong kampanya. “Isa rin itong malaking hakbang para sa progressive at developing na lipunan. Dahil bilang development communicators, ito yung pangunahin nating tungkulin.”

Shaine Jariel: Pagtingin sa akademikong suliranin
Bukod sa pagiging artista ng bayan, opisyal na ring lider-estudyante sa konseho ang BSDC freshman na si Shaine Andrea Jariel. Dati na rin siyang nagsilbi bilang class president at alumni association auditor sa kanyang sekondaryang paaralan.Kasalukuyang miyembro ng Education Committee ng Umalohokan, Inc. si Jariel. Isa sa mga lumabas na tutukan niya ang mga akademikong suliranin ng mga mag-aaral ng Devcom. “Isa na d’on po siguro ‘yung sa POS [Plan of Study], ‘yung sa pagkakaroon ng revisions. Lalo na, first year pa lang, pinapadecide na ‘yung mga estudyante and s’yempre pagdating ng other years [ay] most likely magbago ‘yung gusto nating mga career path. Ayun ‘yung isa kong nakikitang hadlang,” aniya.

Ethan Pahm: Pagbabantay sa pagkapanalo
Sa mga isyung ibinato kay Ethan Pahm, ang bagong-halal na College Representative to the USC, sa nakaraang College MDA, sumentro ang diskusyon at mga katanungan sa pagiging bahagi niya ng Upsilon Sigma Phi. Giit ng mga mag-aaral ng Devcom, paano niya masisiguro ang pananagutan ng mga student formation gaya ng fraternities sa mga isyung sangkot ito? “It’s always been my conviction to say that I have never been afraid to criticize the organization that I am part of,” aniya. “If in my eyes I see that the Upsilon Sigma Phi has done something unforgiveable and something that’s not right, I have always been there to fight against it.” ■




You must be logged in to post a comment.