
Madalang lang kaming magkita sa Tanglaw, bilang isang pahayagan na mistulang matagal nang operational ngunit hindi pa recognized. Ngunit, sa gabing ito, himala at nagtipon kami sa isang maliit na kuwarto sa Two Sapphire Place.
Noong nagsisimula pa lang kasi ako sa UPLB Perspective, naikintal na sa akin na ang gabi kung kailan inilalabas ang resulta ng student council elections sa UPLB ang isa sa mga pinakaabalang gabi para sa mga student journalist na gaya ko. Hindi ko nga lang naranasan ang gabing ito sa kabilang pahayagan. Inabot ng pandemya ang dapat sana’y unang karanasan ko sa all-nighter na election coverage, kung saan aligaga ang isang layout artist na gaya ko para hindi magkamali sa sandamukal na numero at mga pangalan na kakabit ng election results.
Lumipas na lang ang panahon at na-promote na lang ako sa bagong pahayagang ito, kung saan marami na rin naman kaming mga walang tulugang coverage sa panahon ng General Assembly of Student Councils, halimbawa. Nagkaroon na rin ng print issue ang Tanglaw noong 2023 matapos ang halalan, ngunit mayroon kaming isang weekend upang pag-isipan kung anu-ano ang mga maaaring ilagay at sulatan tungkol sa eleksyon. Ngunit, ngayong taon ko pa lang naranasan ang mag-abang ng resulta at lumahok sa isang coverage na kailangang ilabas agad kinabukasan.
Sa kuwartong ito sa Two Sapphire, mistulang sardinas ang mga Tanglaw editor at staffer na nagkukumahog sa pagkalap ng mga interview, pagberipika ng mga datos, at pag-isip ng mga anggulong makakatulong sa pagbubuod sa halalang ito. Buti na nga lang at nadelihensya ng aming Associate Managing Editor for Internal Affairs Jerome de Jesus ang kuwartong ito — na, sa katunayan, ay pook-tulugan talaga nila ng kaniyang roommate na si Angelo Manalus.
Sa kanilang busilak na kalooban, nagkaroon kami ng pagkakataon sa pahayagang ito upang magkaroon ng pansamantalang tahanan — isang lugar na ipinagkait sa amin ng panahon at ng mga sirkumstansyang labas na sa aming kontrol. Hindi ko naman din naisip na sa isang routine coverage gaya nito ay maalala ko kung gaano karami ba ang maaaring magbago sa loob ng isang taon.
Noong 2023, halos magmakaawa kami para sa mga datos tungkol sa halalan. Ngayon lang namin naranasan na patuluyin sa Student Union Building upang agarang makuha ang resulta at maibalita ito sa inyo. Isa pa sa mga nais kong ipagpasalamat ay ang pagbuhos ng pinansyal at moral na suporta mula sa mga mag-aaral, kawani, at kaguruan ng Devcom. Ang kopyang hinahawakan mo ngayon ay resulta ng pagpapapatak na buong-loob na sinuportahan ng komunidad sa kolehiyo. At panghuli, nariyan ang masigasig na mga kawani ng Tanglaw na talaga namang nagbuhos ng kanilang oras, lakas, at talino upang magbalita.
Sayang nga lang at ngayon lamang natatamasa ng pahayagang ito ang mga benepisyong mula sa inyong pagkilala, pagsuporta, at pakikilahok sa mga isyung may kinalaman sa sangkaestudyantehan. Sa ilang linggo kasi, kung palarin sa aking thesis, ay aalis na ang uugod-ugod niyong lingkod.
Ngunit habang nandito ako sa isang maliit na kuwarto, ganito pala ang pakiramdam na maging bahagi ng coverage na nawa’y makatulong sa pagpapataas at pagpapatalas ng diskurso sa Devcom. Baka may libreng espasyo sa bagong Student Union Building para hindi na kami makihiram ng dorm sa susunod, pero sana ay hindi ko na abutin ang panahong iyon. ■
Ang Buhay Devcom ay isang kolum ng Tanglaw na tumatalakay sa student life sa loob ng kolehiyo.




You must be logged in to post a comment.