Ang istoryang ito ay mula sa mga ulat ng Tanglaw reporters na sina Jerome de Jesus, Jayvee Viloria, Mervin delos Reyes, Andrea Bodaño, Aliah Yzabel Ombania, at Dan Alexander Abas. Isinulat ang istorya ni Tanglaw reporter Ian Raphael Lopez.
DAPAT MONG MALAMAN
- Naramdaman ng Laguna at ng komunidad ng UPLB ang ulan at malakas na hanging dulot ng bagyong ‘Aghon’.
- Ilang puno ang bumagsak sa loob ng campus, at namataan din ang ilang debris na bumagsak sa mga university dorms.
- Pasakit para sa mga mag-aaral, na nagbubuno para sa finals week, ang mga epektong dulot ng bagyo.
Hindi inasahan ng mga mag-aaral ng UPLB at ng mga naninirahan sa Laguna ang matinding ulan at malakas na hangin na dala ng Severe Tropical Storm ‘Aghon’ sa lalawigan ngayong weekend.
Sa pinakahuling bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration kaninang 5 p.m., huling namataan ang sentro ng Severe Tropical Storm ‘Aghon’ sa coastal waters ng Mauban, Quezon. Mayroon itong maximum sustained winds ng 95 kilometro kada oras (km/h) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 130 km/h, habang kumikilos ito nang pahilagang-silangan.
Kasalukuyang nakataas ang Tropical Cyclone Warning Signal No. 2 sa lalawigan ng Laguna. Sa susunod na 24 oras, dapat asahan ang mga tinatawag na ‘gale-force winds’ at maaaring magkaroon ng ‘minor to moderate threat to life and property’, ayon din sa nasabing bulletin.
Ngayong araw, nahirapan ang mga residente ng Laguna sa naging epekto ng bagyo na nagdulot ng pagkaantala sa kanilang mga plano at nakaapekto rin sa kanilang kabuhayan. Ayon kay Zeus Dulos, may-ari ng isang garden shop sa Bay, Laguna, kahapon lamang nila nalaman ang papalapit na ang bagyong ‘Aghon’.
Aniya, halos 80 pursiyento ng kaniyang mga ibinebentang pananim ay ‘damaged’ dahil sa bahang dulot ng ulang dala ng bagyo. Inanod rin ang ilan ng kanilang mga pananim dahil nagkaroon ng baha sa kalsada kung saan sila nakapuwesto.
Sa ilang bahagi ng National Highway, umabot hanggang baywang ang baha kaninang tanghali, ayon sa isang bantay-trapikong nakapanayam ng Tanglaw. Namataang nagsasakay sila ng mga naantalang bumabyahe mula sa Bay upang makatawid sa baha.
Isang komyuter, na hindi nagpapangalan sa Tanglaw, ang nanggaling naman mula sa Tagaytay kaninang tanghali at inabot na ng hapon habang stranded sa bahagi ng Bay. Bagaman alam nilang matatagalan ang kanilang biyahe, kinuwento niya na naabutan na sila ng baha sa daan. Wala silang ibang maaaring gawin kundi sumakay ng bus pa-Sta. Cruz, dahil iyon lamang ang makakatawid sa mga bahagi ng highway na binaha.
Lakas ng ulan, hangin
Matapos ang isang maulan at mahangin na gabi habang binabagtas ng bagyo ang Southern Tagalog, gumising ang sangkaestudyantehan ng UPLB sa isang campus na napuno ng mga nagbagsakang sanga ng puno at iba pang debris. Isang puno ang naiulat na bumagsak sa bubungan ng isang gusali ng College of Economics and Management, at mga nalaglag na yero at iba pang uri ng debris ang tumambad sa mga naninirahan sa university dorms.
Napuno naman ang mga iilang bukas na kainan at ang mga grocery ng mga nagkukumahog na mag-aaral na nag-almusal at namili ng mga de lata at noodles. Marami sa kanila, piniling manatili sa Los Baños ngayong weekend dahil sa paparating na finals week.
Kuwento ni Fred Calapi, isang mag-aaral ng Devcom, napagdesisyunan niya at ng kaniyang mga kaibigan na magsalo-salo kagabi, Mayo 25. “Maulan-ulan na, pero di ko rin kasi alam na may bagyo kaya tumuloy pa din kami. Akala ko ulan-ulan lang,” salaysay niya sa Tanglaw.
Ngunit, sa lakas ng ulan at ihip ng hangin, umaga na sila nakauwi. “Malakas ‘yung hangin at ‘yung ulan. Medyo delikado din lumabas kaagad. Siyempre pinatila muna namin, pero in the end, na-realize namin na baka hindi na tumigil ‘yung ulan at hangin na malakas, so sinuong na lang namin ‘yung bagyo.”
Nakita ni Calapi ang mga nagkalat na debris sa mga lansangan ng Los Baños. “Medyo mahirap lumabas talaga kasi hahanginin ka talaga. Tapos ‘yung ulan, mababasa ka talaga, kahit nakapayong ka, dahil ang lakas ng hangin, mababasa ka.”
Nang tanungin kung bakit siya nanatili sa campus ngayong weekend, sinabi ni Calapi na kailangan niyang tapusin ang kanyang mga requirements. “Ay hindi, hindi ko alam na may bagyo . . . Finals kasi, ‘di ako nakauwi kasi siyempre, ‘yung mga requirements ngayong weekend, finals game namin sa HK, at alam ko hindi lang HK namin, pati ang mga ibang games.”
Sitwasyon sa UP dorms
Samantala, naranasan naman ng mga mag-aaral na nanatili sa university dorms ang kawalan ng Internet connection at ang kahirapan sa paglabas para makabili ng pagkain. Salaysay ni Hannah Reyn Magbanwa, isang Batch ‘23 Devcom student na nakatira sa New Dorm, ang pagkawala ng WiFi sa kanilang dorm ang pinakapinoproblema ng mga nandoon.
“Safe naman kami sa dorm, ang problem lang talaga ng mga tao dito is yung WiFi, ang daming mga gawain na hindi magawa kasi wala ngang Internet. Tapos pahirapan naman sa signal ng data,” aniya sa Tanglaw. Dahil araw ng Linggo, sarado din ang mga canteen na malapit sa UP dorms at hindi rin makapagpa-deliver ng pagkain ang mga mag-aaral gaya ni Magbanwa dahil sa taas ng demand sa mga delivery services.
Aminado si Magbanwa na hindi sila nakapaghanda sa paparating na bagyo. “For example, ‘yun nga, mga stock ng pagkain. Sa sobrang busy na rin, hindi na rin namin naisip, tsaka ‘di namin inexpect na may bagyo pala,” paliwanag niya.
Sa isyu ng Internet connection din ang naging tanong ni Niko Batugal, isang Batch ‘22 na mag-aaral ng BS Food Science and Technology. “Lagi na lang ‘pag nagba-brownout ‘pag weekends, Monday pa bumabalik ‘yung net. Wala ba pwedeng gawin yung [UPLB Digital Innovation Center] d’yan na nagse-self boot or something ‘yung WiFi pag weekends,” aniya.
Isinalaysay naman ni EJ Militante, isang Batch ‘22 na mag-aaral ng BA Sociology, na magkakaroon ng pakain sa kaniyang tinutuluyan na Men’s Residence Dorm ngayong gabi. Subalit, ang pagkawala din ng Internet connection ang kaniyang pinakapinoproblema.
“Balak ko sanang magtapos ng requirements ngayon araw since finals season na at papalapit ang mga deadlines, pero hindi ko magawa kasi walang WiFi,” kuwento niya. “Tumatambay ako sa lounge area ng dorm para may signal ng data at makausap ang mga people, pero ‘di ko madala laptop ko kasi open ang lounge area at mababasa ang gadgets ng tubig from the rain.”
Pagtugon sa bagyo
Suspendido na ang klase sa UPLB bukas, Mayo 27. Ito ay upang makapagsagawa ng ‘clearing and repair operations’ sa campus. Sinabi din sa anunsyo ang pag-reschedule ng mga face-to-face activities at mga examinations sa unibersidad, laluna’t nalalapit ang finals week.
Dahil na rin sa naging epekto ng Bagyong ‘Aghon’ sa mga mag-aaral ng UPLB at sa mga kalapit na komunidad, nagbukas ng donation drive ang Serve The People Brigade – UPLB (STP-UPLB), ang relief arm ng UPLB University Student Council (USC). Patuloy din silang nangangalap ng impormasyon sa mga naapektuhan ng bagyo.
Para kay Militante, kasabay ng pagiging handa sa mga susunod na bagyo ay dapat ding pairalin ang pagtutulungan sa mga ganitong sitwasyon. “Of course, if you have supplies to spare, please share naman sa mga fellow dormers natin na walang-wala or ‘di kaya, tulungan tayo sa times ng kahirapan,” aniya.
Sa labas ng agarang tulong at suporta na maaaring ibigay ng pamunuan ng UPLB sa panahon ng bagyo, binigyang-diin din ni Militante na kailangan nang pagtuunan ng pansin ang epekto ng climate change sa pamantasan. “For the higher-ups and administration, we need to recognize that climate change is drastically altering our weather patterns: first it was extreme heat levels, and now intensified storms. Nananawagan tayo sa higher-ups at sa administration na magkaroon ng concrete plans for the welfare and safety of the campus community for the coming weather.”
Dito umikot ang naging panawagan ni Jan Gelo Lazaro, isang Batch ‘22 na mag-aaral ng BS Agricultural Biotechnology, na kasalukuyang nahihirapang mag-aral dahil sa kawalan ng Internet connection sa kanilang dorm. “Ang masasabi ko lang siguro ay huwag silang mahiya manghingi ng tulong, at pare-pareho lang tayo sa isang dorm at nararanasan. Para sa higher-ups, siguro ay pag-unawa lang at sana payagan nga na ma-move yung deadline ng lahat.” ■



