DAPAT MONG MALAMAN
- Biglaang naglabas ng anunsyo ang pamunuan ng UPLB na magkakaroon ng enrollment prioritization ngayong midyear sa unang araw ng general registration, taliwas sa unang abisong hindi magkakaroon ng prayoridad.
- Dismayado ang ilang mga mag-aaral ng Devcom sa biglaang pagbabago ng enrollment prioritization, halos isang oras ang makalipas sa nakatakda sanang pagbubukas ng AMIS enlistment module.
- Nanawagan ang mga mag-aaral sa pamunuan na solusyonan ang mga problema sa enrollment, kabilang ang kahirapan sa pagpasok sa AMIS portal dahil sa hindi kinakayang website traffic.
Umani ng pagkadismaya mula sa mga mag-aaral ng UPLB ang biglaang pagbabago ng enrollment process para sa Midyear 2024. Hindi tulad ng mga nakaraang enlistment, walang pre-registration at batch prioritization ngayong midyear. Ang tanong ng mga mag-aaral: Ano ang dahilan ng pagbabago?
Sa naging panayam ng Tanglaw kay Leslie Bolaños, program leader ng UPLB Digital Transformation Program, kaniyang ipinaliwanag na wala naman talagang pre-registration at enrollment prioritization noon ang midyear dahil wala ito sa polisiya ng Unibersidad.
“Since there is no policy that prioritization or pre-registration is to be implemented this midyear, the assumption is status quo—not to implement without such policy. AMIS [Academic Management Information System] serves as an implementor, we implement what’s given to us, [such as] schedules and policies,” saad ni Bolaños.
Aniya, dalawang taon na ang nakalipas nang aksidenteng magpatupad ang pamunuan ng enrollment prioritization sa midyear dahil hindi umano nila alam ang orihinal na polisiya tuwing midyear registration. “But since it was announced, it was implemented then.”
Paliwanag pa ni Bolaños, malaking impluwensya sa enlistment ngayong midyear ang dikit na palugit pagdating sa bigayan ng grades at enrollment, bagay na sinang-ayunan naman ng bagong-upong UPLB University Student Council (USC) Chair na si Mark Angelo Roma.
“[Ang] natatanaw ko lang naman na dahilan for this cramped sched (deadline of grades ng 17 to genreg 3 days later) is for UPLB to revert back to the [previous academic] calendar, something that has been an issue naman with students since mahirap ‘yung naiiwan ang finals week sa January,” ani Roma.
Sa kabila nito, nanindigan si Bolaños na nagampanan ng kaniyang team nang maayos ang papel nito sa isyu, buhat sa pormal na liham ng paglilinaw na ipinadala ng USC ukol sa naunang desisyon ng pamunuan na tanggalin ang enrollment prioritization ngayong midyear.
Sentimyento ng mga mag-aaral
Halos isang oras ang nakalipas sa nakatakdang pagbubukas sana ng enlistment module ng AMIS kaninang umaga, naglabas ang UPLB Digital Transformation Program ng biglaang abisong magkakaroon ng enrollment prioritization ngayong midyear, sa kabila ng naunang anunsyo nitong sabay-sabay ang lahat ng batches sa general registration.
Dismayado ang ilang mga mag-aaral ng UPLB dahil huli na nang malaman nilang tanging graduate students, Batch 2020, at older batches lamang ang maaaring makapag-enroll ng mga kurso sa unang araw ng registration.
Ayon kay Victor Khe, Batch 2020 Devcom student, bagama’t kasama siya sa prayoridad ay dismayado siya dahil sa tila naging kapabayaan sa sistema.
“Nakaka-disappoint din considering it’s a simple announcement na puwede naman nila pag-isipan for a long period of time. Walang iwanan pero literal na naiwan ang announcement? Is this a late announcement ba or negligence sa trabaho? Either way it calls for disciplinary actions by the administration,” giit ni Khe.
Inis naman ang nangibabaw kay Geraldine Flores, Batch 2022 Devcom student, dahil sa hindi maagang pag-aabiso ng pagbabago ukol sa prioritization.
“Medyo napikon ako nung biglang inannounce ‘yung prioritization dahil wala ito sa inisyal na plano na inannounce nila at mahigit isang oras nang nagta-try mag-enlist ang mga estudyante,” saad ni Flores.
Aniya, dapat na inabisuhan ang mga mag-aaral nang mas maaga. “Sana ay sa susunod na enrollment ay mas plantsado na ang plano—walang biglaan na mga announcement gaya nung nangyari ngayon.”
Naghanda para sa wala
Sina Flores at Khe ay kapwa naghanda nang maaga para sa general registration ngayong araw. Sa kabila nito, hindi sila agad na nakapasok sa enlistment portal dahil sinalubong sila ng “502 bad gateway” bunsod ng sobrang daming mag-aaral ang sabay-sabay na sinusubukang i-access ang AMIS website.
Para kay Flores na naghanap pa ng ibang lugar na may malakas na internet connection, dapat na magkaroon ng solusyon ang pamunuan ng UPLB sa isyu ng AMIS portal na hindi kinakaya ang dami ng mga pumapasok na mag-aaral.
“Sana ay kayanin na ng AMIS mag-handle ng maraming mga estudyante na nagsisi-enrollan para hindi na mag-crash ang website o mag-bad gateway dahil iyon ang reyalidad sa UP na marami talagang mag-aaral. Hindi ba’t dapat expected na ang malaking influx ng users sa AMIS kung gano’n?” saad niya.
Nanindigan din si Khe, na naghanda pa ng mobile data connection bilang backup, na kailangang magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa problemang ito at bigyan ng nararapat na “disciplinary actions” ang mga naging pabaya sa kanilang trabaho.
“Know the needs of your students, I think kailangan lang naman ng matagal na pinag-isipang solusyon rather than a quick shift to something better in facade pero same problem din. Give proper disciplinary actions to those negligent sa trabaho nila,” aniya.
Naniniwala rin ang bagong USC chair na kinakailangan talagang dagdagan ang kapasidad ng AMIS website upang maiwasan ang patuloy na isyu ng kahirapan sa pagpasok ng mga mag-aaral sa enlistment portal tuwing enrollment.
“Malaking tulong ito (pagdadagdag ng web capacity) sa pagpapahupa ng issues with the AMIS every registration season. Mayroon lang din akong natanggap na narrative na mula sa AMIS team that increase in the web capacity is not needed because AMIS is only heavily used during registration season,” paliwanag niya.
Ani Roma, patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga opisina para tugunan ang mga problemang kinahaharap ng mga mag-aaral tuwing registration process.
“We will reiterate once the registration season concludes our assessment with the UPLB administration’s response and action to the concerns of students and propose possible resolutions for them to implement in the registration this First Semester A.Y. 2024-2025,” wika niya. ■



