DAPAT MONG MALAMAN
- Naging malaking dagok para sa industriya ng pag-aasin sa bansa ang noo’y pagpapatupad ng ASIN Law na siyang dahilan ng pagkaubos ng mga asinan sa probinsya ng Cavite.
- Ilang taon ang nakalipas, nilagdaan ang bagong batas na mangangalaga at magpapayabong sa mga nalalabing asinan sa bansa.
GENERAL TRIAS, Cavite — Asin ang isa sa mga sangkap na madalas na ginagamit na pampalasa sa pagluluto. Mula pampalasa ng pagkain, ginagamit rin ito pampreserba ng mga produkto tulad ng karne at isda. Ngunit sa kabila ng tulong na hatid sa atin ng asin, madalas ang halaga nito ay hindi natin nabibigyang-pansin.
Isa ang industriya ng pag-aasin sa mga pangunahing kabuhayan noon ng maraming mamamayan sa kanlurang bahagi ng Cavite. Tinatawag na “irasan” ang mga pagawaan ng asin dito na naging bahagi na ng buhay at kultura ng mga Kabitenyo. Ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unting tumatabang ang industriya ng pag-aasin sa probinsya. Sa paggalaw ng mga kamay ng orasan, kasabay ring naglalaho ang mga irasan.
Sa pagpunta ko sa isa sa mga nalalabing irasan sa Cavite noong Mayo 11, nakilala ko si Raynaldo “Tatay Ray” Samartino, 64 taong gulang at pinakamatanda sa grupo ng mga mag-iiras sa Barangay San Rafael III, Noveleta, Cavite.

Matagal nang nasa ganitong industriya ang pamilya ni Tatay Ray. Kuwento niya, binata pa lamang siya ay nakagisnan na niya ang trabahong ito at hanggang sa magkapamilya siya ay ito pa rin ang hanapbuhay niya.
“Ito talaga ang kinagisnan namin. Ito ang ibinuhay sa amin ng mga magulang namin,” kuwento ni Tatay Ray.
Aniya, maraming irasan noon sa lugar nila. Halos lahat ng tao, ito ang trabaho. Ikinuwento niya kung paano tila natunaw sa tubig ang dating maraming asinan sa kanilang bayan.
“Noong araw, puro asinan dito… ‘diba nauso ‘yung sa iodized? Binan kasi kami,” sagot ni Tatay Ray nang tanungin ko siya kung bakit naubos ang mga irasan sa kanilang lugar. Dagdag pa niya, naging hadlang sa kanilang produksyon ang pagsusulong ni dating Health Secretary Juan Flavier ng iodization ng asin sa bansa.

Suliraning dala ng iodization
Natuklasan ko na ang pagpapatupad ng batas na Act on Salt Iodization Nationwide (ASIN) sa ilalim ni dating Pangulong Fidel Ramos ang pinakamalaking problemang kinaharap ng mga mag-iiras na siyang naging dahilan ng pagkawala ng maraming irasan sa Cavite.
Nakasaad sa ASIN na pinagbabawalan ang mga mag-iiras na magpatuloy sa kanilang operasyon kung hindi sasailalim sa iodization ang kanilang asin. Bagama’t layunin ng batas na tugunan ang iodine deficiency disorder sa bansa, naisasantabi naman ang kapakanan ng mga lokal na mag-iiras.
Ayon kay Tatay Ray, unti-unting naglaho ang mga irasan sa kanila dahil sa takot na baka sila ay hulihin ng gobyerno kung magpapatuloy sila sa pag-aasin. Maraming mga banigan ng asin sa San Rafael III ang ibinenta matapos silang pagbawalan ng pamahalaan.
Sa pakikipag-usap ko kay Rolando “Ka Olan” Palustre, dating regional fisherfolk director ng CALABARZON, sinabi niyang mayroong higit sa 30 irasan ang San Rafael III noon. Ngunit ayon sa pinakahuling datos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), limang (5) irasan na lamang sa Cavite ang nagpapatuloy sa produksyon ng asin—tatlo (3) sa bayan ng Noveleta at dalawa (2) sa Kawit.
“Akala nung mga salt farmer, wala nang bibili ng ipo-produce nilang asin kasi huhulihin ‘yung mga magtitinda ng asin na hindi ginawang iodized,” paliwanag ni Ka Olan. “Naging kulang din sa pag-aaral ang ating mga mambabatas kasi ipinasa nila ‘yung batas nang hindi muna nila pinag-aralan at sinubukan.”
Ang mas nakalulungkot isipin, tila kinaligtaan sila ng mga ahensiyang dapat na nangunguna sa pagprotekta ng mga irasan sa bansa.
Sa aking panayam kay Aimeen Latigay, aquaculturist ng Provincial Fisheries Office Cavite (PFO-Cavite), inamin niyang nalaman lang nila na sila dapat ang tumututok sa mga irasan nang pumutok noong 2023 ang isyu ng kakaunting suplay ng locally produced salt sa Pilipinas dahil puro pag-aangkat mula sa ibang mga bansa ang ginagawa ng pamahalaan.
“Noong nagkaroon po ng isyu tungkol sa pagkaubos ng mga irasan, doon lang po namin nalaman na dapat po pala kami ang nagmo-monitor, nag-a-assist,” pag-amin ni Latigay. “Based doon sa mga consultation at mga meeting, na-identify na dapat kami sa BFAR ang nagmo-monitor. Nasa program pala dapat namin ‘yung asinan.”
Huli na nang malaman nila ang sitwasyon ng mga irasan sa Cavite kung kaya’t hindi sila sigurado kung gaano karami ang mga pagawaan ng asin sa probinsya dati. “Actually po kasi, wala po talaga kaming baseline data po ng sa asin,” dagdag ni Latigay.

Matagal na pasok ng pera
Isa pa sa mga dahilan kung bakit maraming mga mag-iiras ang umaalis sa ganitong trabaho ay dahil sa matagal na kitaan. Sa pag-aasin, hindi araw-araw may pera dahil iniipon muna nila ang mga ani bago ito ibenta. Mahabang proseso ang pinagdaraanan nila bago makarating ang produkto sa merkado.
“Wala po silang pang-araw-araw na pantustos so ‘yung mga laborer po natin ay mas pinipiling mag-construction [worker] since at least ‘yon daily po or one week ay sasahod na sila unlike dito sa irasan,” paliwanag ni Latigay.
Sa kabila ng ganitong sitwasyon, nagpapatuloy pa rin sina Tatay Ray dahil naniniwala siyang maganda ang magiging bunga ng kanilang pagtitiyaga at paghihintay. Bagama’t matagal bago matikman ang bunga ng kanilang pinagpaguran, aniya, malaki naman ang kita sa oras na maibenta na nila ang lahat ng kanilang naaning asin.
“Kung masipag ka, malaki ang kita,” wika ni Tatay Ray. “Kinukuha sa amin 200 piso kada sako niyan. Sa ngayon may 300 sako na, kuwentahin mo kung magkano… nasa 60,000. Ang parte ng may-ari [ng irasan] doon mga [20,000], ‘yung [40,000] maghahati-hati kami… ‘Yun nga lang, ‘yung pera namin, hindi araw-araw bigla.”
Sabi ni Tatay Ray, madalas silang nagkakaproblema sa panggastos at pambili ng pagkain sa araw-araw dahil nga hindi biglaan ang kita, ngunit aniya, “Sanay na kami sa ganitong buhay. Masaya na kami sa ganito.”
Sa mga panahong walang kita sa pag-iiras, matatagpuan si Tatay Ray na suma-sideline sa mga construction site. Para sa kaniya, hindi pwedeng tumigil sa pagkayod dahil kakalam ang sikmura ng kaniyang pamilya.

Butil ng pag-asa
Ang pagputok ng isyu noong 2023 ay nakakuha ng atensyon upang bigyang-pansin ang mga mag-iiras ng Cavite. Sa kasalukuyan, tinutulungan ng BFAR at PFO-Cavite ang mga mag-iiras sa Noveleta at Kawit. Simula ngayong taon, sinusubukan nilang bigyang-buhay muli ang mga irasang tumatabang na.
Ayon kay Latigay, mayroong Development of Salt Industry Project ang BFAR at National Fisheries Research and Development Institute (NFRDI). Ito ay tumututok sa produksyon, post-harvest, at mga polisiya ng pag-aasin sa bansa.
“Kami po sa BFAR, more on technical assistance po kami… under po noong production intervention ay ‘yung pagbibigay po namin ng inputs. So sa ngayon po mayroon na po kaming napamigay doon sa limang mag-aasin. Nakabigay na po kami ng 6.6 million [pesos] worth of production inputs,” paliwanag niya.
Kabilang sa mga ibinigay ng BFAR sa mga mag-iiras ang packaging materials, water pump, clay tiles, kahoy na pambakod sa mga banigan, at mga kagamitan sa paghahakot ng asin. Bukod pa rito, nagkakaroon din sila ng mga training at seminar para sa mga mag-aasin upang makasunod sa food safety requirements ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Latigay, nagsasagawa ng mga pag-aaral ang NFRDI para sa ikauunlad pa ng industriya ng pag-aasin. “Mas maganda nga po ‘yung revisiting po ng exisiting policies for possible ammendment po ng ASIN Law.”
Kasalukuyan ding tinitingnan ng PFO-Cavite kung maaari nilang dalhin sa probinsya ang paggamit ng high-density polyethylene plastic sa paggawa ng asin na ginagawa na rin sa ibang mga lugar sa bansa.
Para sa PFO-Cavite, mahalagang muling mabuhay ang industriya ng pag-iiras sa probinsya. “Kung mawawala po ‘tong mga nagsusuplay ng asin, magkakaroon po ito ng impact para sa ibang stakeholders po natin o sa ibang sector. Napaka-importante po na nandyan po sila,” wika ni Latigay.
Nitong ika-11 ng Marso, nilagdaan na ni Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 11985 o ang Philippine Salt Industry Development Act na nagpapawalang-bisa sa sapilitang iodization ng mga lokal na asin sa ilalim ng ASIN Law.
Sa panibagong batas, tanging “food-grade salt” lamang ang dapat i-iodize at hindi naman awtomatikong kabilang sa kategoryang ito ang asin na ginagawa ng mga lokal na mag-iiras kung kaya’t hindi sapilitan ang iodization sa kanila.
“Iodization of artisanal and non-food grade salt and salt intended for export is hereby rendered optional in the country. The use of artisanal salt by food manufacturers and food establishments shall be allowed,” saad sa batas.
Inaatasan din ng batas ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tukuyin ang mga pangunahing lugar para sa produksyon ng asin sa iba’t ibang mga lalawigan sa bansa upang palakasin ang lokal na industriya.
Kapag natukoy na ang mga napiling lugar para sa pag-aasin, ipapasa na ito ng DENR sa BFAR, na siya namang mamamahala sa paglalaan ng mga ito para sa mga kwalipikadong mag-iiras. Magbibigay naman ng teknikal at materyal na suporta ang Department of Agriculture sa mga benepisyaryo.
Bagama’t ang mga hakbanging ito ng pamahalaan ay tila huli na dahil maraming mga irasan na ang namatay sa Cavite, malaking tulong pa rin ang mga programang ito para sa mga nalalabing mag-iiras ng San Rafael III.
Malaki ang pasasalamat nina Tatay Ray sa mga inisyatiba ng PFO-Cavite sa muling pagbuhay sa kanilang irasan. Pinadapa man ng mga legal na hamon ang industriyang nagsisilbing kanilang kabuhayan, ngayo’y unti-unti nang nakikita muli ang pag-asa sa bawat butil na kanilang inaani.
Ang istoryang ito ay isinulat para sa kursong DEVC 20 ngayong Second Semester AY. 2023 – 2024 ni Jayvee Mhar Viloria sa patnubay ni Mr. Bonz Magsambol. Si Viloria ay isa rin sa mga reporter ng Tanglaw.




You must be logged in to post a comment.