DAPAT MONG MALAMAN

  • Makasaysayan ang naging Love Laban 2 Everyone Pride PH Festival, matapos daluhan ng 200,000 katao sa bansa.
  • Sentro sa pagdiriwang ang pagtatambol para sa pagpapasa ng pantay-pantay na karapatan para sa LGBTQIA+ Community
  • Dismayado naman ang ilan dahil sa naging siksikan at maagang pagtatapos ng nasabing programa.

QUEZON CITY, NCR — “Makibeki, Huwag Mashokot!” Ganito ang naging sigaw ng iba’t ibang sektor, ally, at miyembro ng LGBTQIA+ community na tumindig sa makasaysayang Love Laban 2 Everyone Pride PH Festival kahapon, Hunyo 22, na ginanap sa Quezon Memorial Circle, kabilang na ang estudyanteng si Yestin Shanley Zamora, 20.

Buhat pa mula sa kaniyang dormitoryo sa UPLB, 5:30 pa lamang ng umaga ay nakagayak na ang third year college student na excited para sa kaniyang unang pride event kung saan siya ay isang volunteer.

“Sobrang fulfilling din na makapagsilbi sa mga kapwa ko [sa LGBTQIA+ community]; na I can really say na I am proud of being part of this event, of this history, at bonus na lang din siguro ‘yung mga interaction with the performers,” aniya.

Isa lamang si Zamora sa mahigit 200,000 kataong dumalo sa pinakamalaking pride event sa Southeast Asia na sumentro sa pakikibaka sa mga panawagan para sa pantay na karapatan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community, kabilang na ang pagpapasa ng Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression and Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill sa Senado. Matatandaang ang nasabing panukalang batas, na dumaan na sa iba’t ibang pagrepaso, ay patuloy pa ring nakabinbin sa Kongreso sa loob ng higit 20 taon.

Kaya naman, para kay Zamora, ang pagsali sa mga pagdiriwang tulad ng Love Laban 2 Everyone ay isang paraan upang mas maipaunawa at maisulong sa mas nakararami ang kanilang mga panawagan.

“Bilang ito ay isang protesta para sa mga katulad kong parte ng komunidad ng LGTBQIA+, I think nararapat lang na magpakita ako; na sumama ako sa mga kapwa ko para sa pagpapalakas at pagtitibay ng aming mga panawagan ukol sa pantay-pantay na karapatan para sa sangkabaklaan,” panawagan niya. 

Sama-samang puwersa

Bukod sa mga ally at miyembro ng LGBTQIA+ community, iba’t ibang mga progresibong grupo rin ang nakibahagi sa nasabing Pride Event. Mula sa Love March na nagsimula sa Tomas Morato hanggang sa Laban March na nanggaling sa Matalino Street at parehong nagtapos sa QC Circle, ipinakita ng iba’t ibang mga samahan, organisasyon, empleyado, government embassy, at maging mga pulitiko ang kanilang suporta para sa ginanap na protesta.

Kaya naman sa panayam ng Tanglaw kay Charles Pacheco, 22, ibinahagi niya ang kaniyang naging kagalakan sa pagsanib-puwersang ito na itinuturing niya bilang isa sa mga highlight ng kaniyang unang pride experience.

“Seeing local representatives, such as Senator Risa Hontiveros, and ambassadors from other countries talk about the purpose of celebrating pride, sharing their stories, and explaining why we do it to support the queer community… proved [to me] that the fight for acceptance, love, and equality is still an ongoing battle in our country,” ani Pacheco. 

Dagdag pa niya, ang pakikibahaging ito ng mga sektor ay isang paraan din upang himukin ang iba na ipaglaban ang mga panawagang isinusulong ng LGBTQIA+ community. “Pride is both a celebration and a protest… This allows us to be seen and accepted, not just tolerated.”

Sa likod ng pagdiriwang

Bagama’t puno ng saya ang naturang pride event, may iilan ding nagpahayag ng kanilang pagkadismaya bunsod ng mga personal na karanasan. Isa na rito si Micaella Ventula, 20, na naabutan ng Tanglaw na hindi makapasok sa event grounds ng Quezon Memorial Circle.

Sa kwento ni Ventula, pahirapan ang pagpasok sa loob dahil sa makapal na hanay ng tao. “Crowded, as in siksikan, sa labas and ‘yung mga gate, closed and ayaw na nila magpapasok.

Bukod dito, binanggit din niya ang naging pag-ulan na dahilan ng maagang pagtatapos ng programa at sa mas lalong tuminding siksikan ng mga tao sa loob at labas ng mga gate. “Hassle din talaga [dahil] sa ulan kasi mas lalong naging masikip because of the payongs. Buti nalang napasama ako doon sa mga nag-e-excuse me kaya nakalabas ako doon sa crowded place.

Para naman kay Pacheco, nakalulungkot na tila nagmukha rin daw isang “free concert” ang pride event imbis na isang selebrasyon at protesta. “I am grateful for the performances and support of all the local stars and artists at the event; however, as a result, many individuals are losing sight of the purpose of such gatherings.

Samantala, umani rin ng batikos sa social media ang pagdalo ng mga kinatawan ng US at Canadian Embassy sa event. Kaugnay ito ng mga kinasangkutan nitong isyu sa bansa. Matatandaang noong 2014, dawit ang Amerikanong sundalong si Joseph Scott Pemberton sa kaso ng pagpatay sa transwoman na si Jennifer Laude samantalang ang Canada naman ay salarin sa pagtatapon ng tone-toneladang basura sa Pilipinas sa kaparehas na taon.

Tuloy ang Laban

Biglaan mang naudlot ang Love Laban 2 Everyone, hindi pa rin doon natatapos ang pagpapatambolsa mga panawagan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community. 

Para kay Zamora, hindi lamang pang-isang araw ang Pride sapagkat ito ay isang pang-araw-araw at tuloy-tuloy na laban. “Malayo-layo na ang ating naaabot kumpara sa mga nagdaang taon ng pang-aalipusta at pambabastos sa ating komunidad; [kaya] gamitin natin ang pride at ipaglaban ang karapatan na sa una pa lang naman ay dapat na nating natatamasa.”

Kaya naman, ipinangako rin ni Atty. Mimi Abasolo, tagapagsalita ng human rights organization na Mujer-LGBT Organization, na patuloy nilang isusulong ang pakikipaglaban para sa karapatan at pagpapasa ng SOGIESC Equality Bill sa bansa. “Sana mangyari man ulit ang gantong march, hindi na bilang isang protesta kundi isang manifestation na tayo ay nagwagi na,” saad ng abogada.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya