Kasama ang ulat nina Jayvee Mhar Viloria at Ellyzah Janelle Devilleres


DAPAT MONG MALAMAN

  • Dumagsa ang mga mag-aaral sa Copeland Gymnasium upang makapag-prerog sa HK courses.
  • Para sa mga mag-aaral, kakulangan sa budget, faculty, at komunikasyon sa student body ang ilan sa dahilan ng kakulangan sa units ngayong midyear.
  • Sa kabila ng konsiderasyon sa pagtanggap ng mga estudyante, may mga limitasyon ding kailangang sundin ang mga faculty.

Dinagsa ng mga mag-aaral na gustong umapela para sa teacher’s prerogative enrollment ang E.B. Copeland Gymnasium ngayong araw, Hunyo 25, para sa mga kurso sa ilalim ng Department of Human Kinetics (DHK) ngayong Midyear 2024. Magtatagal ang prerogative period mula Hunyo 24 hanggang 27.

Ang teacher’s prerogative ay bahagi ng registration period kung saan maaaring makiusap ang mga mag-aaral sa mga propesor at instruktor na tanggapin sila sa mga klaseng ubos na ang slots. Bagaman walang kasiguraduhan, ito ang isa sa mga paraang sinusuong ng mga estudyante upang makakumpleto ng kinakailangang units sa curriculum na hindi dapat bababa ng 15 tuwing regular na semestre.

Ang midyear naman ay ginagamit ng mga mag-aaral upang kunin ang mga kursong hindi nila nakuha sa mga nagdaang semestre. Ito ay para maiwasan ang pagiging delayed o kaya’y makakuha ng prerequisite sa mga major subject.

Ayon kay Antonio Formacil III, isang Senior student mula sa BS Mathematics and Science Teaching, kinakailangan niyang makakuha ng kursong HK 12 at SOSC 3 ngayong midyear dahil sa unang semestre ng susunod na taong pang-akademiko ay kinakailangan niyang kumuha ng kurso sa practicum at special problem na aniya’y paglalaanan niya ng kalakhan ng kaniyang oras kasabay ng mga kursong hindi pa niya nakukuha.

“As a student from Batch 2020, I need to enlist this course since I am already delayed and cannot afford to be delayed any further,” paliwanag niya matapos matanggap sa dalawang kursong ito.

Para naman sa Junior student na si Allysa Pelicano ng BS Development Communication, delayed siya bilang shiftee at kinakailangan niyang maghabol ng mga natitirang units. “Dahil nga hindi ako nakakuha ng units noong gen reg [general registration], wala namang choice kundi mag-prerog para mabawasan ‘yung load ko sa mga susunod na sems.”

Umugong din ang sitwasyon sa Copeland online matapos ibahagi ng ilang mga mag-aaral ang kanilang saloobin sa iba’t ibang social media platforms. Ayon kay Julian Bonza sa kaniyang tweet sa X [dating Twitter], “This was so traumatizing. We were there for approximately 5 hours, begging, proving why we need HK, pero sa huli, majority pa rin ang ‘di nabigyan ng units.”

Kuha ni Jayvee Mhar Viloria, Tanglaw Reporter

Kakulangan sa komunikasyon

Kakulangan sa budget, facilities, at hindi maayos na proseso ng registration ang ilan sa mga dahilang nakikita ni Formacil na nakaaapekto sa problema sa kakulangan ng units. Aniya, hindi nagkaroon ng maayos na komunikasyon sa pagitan ng mga departamento at mag-aaral at hindi maayos ang pagtantsa sa course demand na nagdulot ng kakulangan sa mga nagbukas na klase ngayong midyear. 

“Dinadagsa ng students ang mga profs hoping to be enlisted out of pity, kung nagbababa sila ng notice or any reassurance man lang to appease the students ay hindi gan’to ka-frantic ‘yung students,” dagdag pa niya.

Para naman kay Assistant Professor Naomi Dee Mendoza ng DHK, hindi na bago sa kaniya ang pagdagsa ng mga mag-aaral tuwing magbubukas ang teacher’s prerogative, ngunit binigyang-diin niya ang limitasyon ng mga faculty sa pagtanggap ng mag-aaral sa isang kurso.

“Sa mga courses kasi, may tinatawag tayong maximum number of students. Sa PE [HK], ‘pag ganitong midyear, minsan umaabot ng 40 [students]. We have to abide, kasi ang gusto rin naman ng administration ay we have to follow the maximum number of students to maintain a good standard of teaching and learning,” aniya.

Para kay Mendoza, ang kaniyang konsiderasyon sa pagtanggap ng mga mag-aaral sa kurso ay kung mayroon pang bukas na slots. Kung magsara man ang kurso ngunit maaari pang tumanggap ng estudyante, aniya’y tinitingnan niya ang pagpupursigi ng mga ito.

“Isa pang kino-consider ko, ‘yung sincerity ng bata to attend. ‘Yung first day of classes nandiyan siya. Accepted or not, nandiyan lang siya, nakikinig siya kung ano ang dapat niyang matutunan sa first day of classes. Nakikita ko ‘yung eagerness niya to learn,” aniya.

Kuha ni Ellyzah Janelle Devilleres, Tanglaw Reporter

“Do better, UPLB”

Sa kabila ng kolektibong pag-apela ng mga mag-aaral upang matanggap sa mga klase ay nagpaskil ng karatula ang mga propesor sa labas ng kanilang pinto na nagsasabing “No more prerogs.”

“Pagod na pagod na ang mga estudyanteng makipag-agawan ng units kada semestre. Do better, UPLB,” ito ang sentimiyento ni Pelicano sa kaniyang karanasan sa nagdaang registration at teacher’s prerogative period. 

Ang problema sa kakapusan ng units ay hindi na bago sa UPLB, at ayon kay Mark Angelo Roma, University Student Council (USC) Chair, pananatilihin ng konseho ang pakikipag-dayalogo sa pamunuan ng UPLB upang hindi na maulit sa mga susunod na semestre ang problemang kinakaharap ngayong midyear.

“Patuloy na lumalala ‘yung registration concerns natin throughout the years dahil lumalala din kasi ‘yung situation ng mga students. One of the actions na ginagawa naman ng USC ay ang patuloy na pakikipag-coordinate with administrators and sectors involved with this,” saad ni Roma.

Nakikipag-ugnayan din ang USC sa All UP Academic Employees Union upang makuha rin nila ang panig ng mga faculty hinggil sa pagbubukas ng mas maraming slots at pagpapalawig ng change of matriculation period. 

“Hihingian na lang namin ng dialogue ang AMIS and OVCAA [Office of the Vice Chancellor for Academic Affairs] para mag-troubleshoot ng possible actions na gawin para hindi na maging ganito kagrabe ‘yung mangyari next registrations. One of the things na pwede i-explore ‘yung improvement ng prerog process through AMIS since ang goal naman sana ng AMIS ay mapadali ‘yung registration,” dagdag pa ni Roma.

Ayon kay Mendoza, madaling sabihing magdagdag ng mga kurso ngunit may mga limitasyon din ang pamunuan ng UPLB kaugnay nito. “Comes with it, dapat may additional faculty to handle.” 

Aniya, karamihan sa mga faculty ay ginagamit ang midyear bilang leave at upang makapaghanda para sa paparating na regular na semestre. 

“I think even the admin would wish for more courses to be offered; more faculty to handle the courses. Pero minsan, it’s beyond our control. Thankful pa rin tayo sa mga sitwasyon na may mga faculty na nandiyan pa rin,” dagdag pa niya.

Panawagan naman ni Formacil, “Sana ‘yung pride ng UP for its world ranking ay mai-translate sa pride nila sa pagtrato sa student body, especially when it comes to registration.”


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya