DAPAT MONG MALAMAN
- Nagkaroon ng pagtagas ng ammonia sa isang planta ng yelo sa Lopez Avenue, Barangay Batong Malake kaninang umaga, Hunyo 29.
- Nagdulot ito ng perwisyo at pangamba sa mga residente ng Batong Malake at ng mga karatig nitong barangay na inabot ng masangsang na amoy mula sa kemikal.
- Sa kasalukuyan ay kontrolado na ang sitwasyon ngunit patuloy pa ring pinag-iingat ng lokal na pamahalaan ang mga residente.
Nagdulot ng perwisyo at pangamba sa mga residente ng Los Baños ang tumagas na ammonia mula sa isang planta ng yelo sa Lopez Avenue, Barangay Batong Malake kaninang umaga, Hunyo 29.
Ayon kay Arvin Carandang, isang researcher mula sa Batong Malake, lumikas muna ang kanilang pamilya dahil sa masangsang na amoy na nagdulot ng pagkahilo at pananakit ng kanilang mata.
“‘Di ko masikmura ang amoy at muntik na ako masuka. Nahihilo din ako pero kinailangan namin magmadali na umalis. Pumunta kami sa mga Tita ko sa [Barangay] Maahas para sumandali. At du’n na kami nag-regroup,” ani Carandang. “Medyo naperwisyo kami kasi may mga sched kami sa umaga na ‘di natuloy dahil need namin lumikas.”
Hindi naman nakapasok si Juliana Margaret Alcanse, isang mag-aaral mula Devcom, sa kaniyang klase dahil kailangan niyang dumaan sa Lopez Avenue upang makapunta sa campus.
“Personally, I wasn’t able to go to school. Pero the good thing is nalaman namin agad before kami umalis sa bahay since super lala ng effect nito sa katawan natin including eyesore, vomiting, sakit sa tiyan, etc. Lahat kami including my friends and family are currently not allowed to go outside to be sure,” kuwento ni Alcanse.
Ayon sa ulat ng DZLB News, pansamantalang hindi pinadaan ang mga sasakyan sa bahagi ng Lopez Avenue na apektado ng ammonia leak.
Bukod naman sa Batong Malake ay umabot din ang nakahihilong amoy sa mga karatig na barangay nito, tulad ng Mayondon at San Antonio.
“Mula ako sa Purok 2 ng San Antonio at umabot sa‘min ang amoy ng tumagas na chemical. Lahat kami sa bahay ay nagising dahil sa mabahong amoy na nagdudulot ng paninikip ng paghinga, pagkahilo, at sakit sa mga mata,” saad ni Cindrel Lapitan, isang mag-aaral mula sa Devcom.
Ayon kay Lapitan, nagdulot ang pagtagas ng kemikal ng pangamba sa kanilang komunidad. “Nabulabog kaming mga taga Purok 2 lalo noong mas lumakas at tumapang ang amoy ng chemical. Ang mahirap na situation sa‘min ay may mga residente na may asthma. Marami sa’min ang hirap huminga, nanakit ang mata, at nakaramdam ng pagkahilo.”
Katulad nila Carandang, ang pamilya nila Lapitan ay lumikas din muna sa kanilang kamag-anak sa Barangay Maahas.
Kontrolado na
Batay sa Facebook post ni Ian Kalaw, barangay chairman ng Batong Malake, under control na ang sitwasyon sa lugar ng insidente ngunit patuloy pa ring pinag-iingat ang mga residente.
Nananatili ring bukas ang mga health center sa Los Baños para sa mga naapektuhan ng ammonia leak.
“Sa lahat po ng kababayan natin na na[-]ospital dala po ng leakage ng Ammonia sa BM [Batong Malake], paki[-]secure po [ang] mga ginastos natin at ang liable nmn [sic] po ay ang planta ng yelo sa mga pangyayare, [sic] Open din po [ang] lahat ng [Health] Centers po ng LB [Los Baños],” saad ni Kalaw sa kaniyang Facebook post.
Naglabas din ng abiso mula sa Departament of Health (DOH) ang Los Baños Municipal Health Office sa Facebook hinggil sa mga nararapat na gawin kapag mayroong ammonia leak.
Ayon so DOH, ang mga sintomas ng ammonia poisoning ay kahirapan sa paghinga, pagkahilo, pagsikip ng dibdib, pagsusuka, at pananakit ng tiyan. Maaari ding magdulot ang ammonia ng pagkairita, pagluluha, at pamumula ng mata at balat at paglabo ng paningin.



