DAPAT MONG MALAMAN
- Sa 19 na nominadong mag-aaral para sa 2024 UPLB Natatanging Iskolar ng Bayan (UNIK) Award, ginawaran ng Seal of Excellence in Public Service sina Leo Verdad at Jan Paolo Pasco na kapwa nagmula sa Devcom.
- Para kina Verdad at Pasco, hinubog sila ng Devcom upang makapaglingkod sa bayan.
“Naniniwala tayo bilang Iskolar ng Bayan, serbisyo ang ating patutunguhan.”
Iyan ang mensahe ni Leo Verdad, isa sa dalawang mag-aaral ng Devcom na ginawaran ng Seal of Excellence in Public Service sa 2024 UPLB Natatanging Iskolar ng Bayan (UNIK) Awards nitong Hunyo 28, bilang bahagi ng culminating activity ng Office of the Vice Chancellor for Student Affairs’ 64th Founding Anniversary. Kasama niyang nakakuha ng parangal ang isa pang mag-aaral ng Devcom na si Jan Paolo Pasco.
Ang UNIK Awards ay isang taunang parangal para sa mga mag-aaral na may natatanging kontribusyon sa komunidad. Sa 19 na nominadong iskolar ng bayan, apat ang pinarangalan ng Seal of Excellence at dalawa sa kanila ay kapwa nagmula sa Devcom. Katambal ng UNIK ang UPLB Natatanging Organisasyon (UNO) na iginagawad naman sa mga student organization sa unibersidad.
Para kina Verdad at Pasco, isang karangalan ang mapabilang sa hanay ng mga mag-aaral ng UPLB na nangunguna sa pagseserbisyo sa publiko.
“Hindi ko inexpect na isa ako sa mapipili sa pagkilalang ito, but I just felt very honored and grateful. It felt surreal, and I was overwhelmed with happiness and pride for being acknowledged as one of the UNIK awardees,” wika ni Pasco sa panayam ng Tanglaw.
Saad naman ni Verdad, “Siguro nung una excited ako pero habang lumilipas ang mga oras mas naglolook back ako sa mga naging kontribusyon ko sa kolehiyo at mga komunidad na nakakasama natin.”
Devcom para sa bayan
Hindi na bago kina Verdad at Pasco ang paglilingkod sa bayan. Bilang mga mag-aaral ng Devcom, lagi silang tumutungo sa mga komunidad upang maghatid ng mga programang nagsusulong ng kaunlaran.
Ayon kay Pasco, ang pagkilalang ito ay malaking karangalan para sa buong Devcom. “Ipinapakita nito ang mahalagang kontribusyon ng mga mag-aaral ng Devcom at pinapatibay ang kahalagahan ng paglilingkod sa masa, lalong-lalo na sa mga nasa laylayan.”
Umaasa naman si Verdad na magsisilbi itong isang inspirasyon para sa mga taga-Devcom na maging kabahagi sa mga inisyatibang pangkaunlaran para sa masa. “Naniniwala tayo na ang Devcom, lagi’t lagi, mula sa masa, para sa masa, at tutungo sa masa, kaakibat na nito ang serbisyo publiko bilang ating puso.”
Dagdag pa niya, lagi niyang bitbit ang mga prinsipyong natutuhan niya sa Devcom, tulad ng pagiging konsultatibo at demokratiko.
Ganito rin ang sabi ni Pasco. Aniya, “Malaking tulong ang Devcom dahil sa mga kasanayan sa komunikasyon at pakikisalamuha sa mga komunidad, lalong lalo na sa nasa laylayan, na nagpalakas sa epekto ng mga inisyatibang aking kinabilangan.”
Hamon sa paglilingkod
Bilang mga mag-aaral, aminado silang hindi madali ang paglilingkod kasabay ng kanilang pag-aaral. Anila, may kahirapan sa pagbalanse ng oras at paghahanap ng resources.
“Isa sa mga pangunahing hamon na aking hinarap ay ang pagkakaroon ng limitadong resources kasabay ng lumalaking pangangailangan ng mga komunidad. Dagdag pa rito ang pamamahala sa oras,” paliwanag ni Pasco.
Wika naman ni Verdad, “‘Yung mga pagsubok talaga ay pagbabalanse ng acads at pagtatrabaho sa mga programa… Sa totoo lang mas maraming oras ang nalalaan ko sa mga posisyon ko bilang exec at council.”
Sa kabila ng mga ito, hindi naging hadlang ang mga pagsubok na ito upang magpatuloy sina Verdad at Pasco sa paglilingkod. Anila, malaking tulong ang mga taong nakapaligid sa kanila upang mapagtagumpayan ang mga hamong kaakibat ng pagseserbisyo.
“Napagtagumpayan ko ang mga hamon na ito sa pamamagitan ng pakikiisa at pakikipagtulungan sa mga katulad ng pag-iisip, paghingi ng suporta mula sa iba’t ibang stakeholder, at patuloy na pagpapabuti ng aking kasanayan sa aking mga organisasyon,” ani Pasco.
“Hindi ko na ganoon naging malaking hadlang itong mga pagsubok dahil naniniwala tayo na sasamahan tayo ng sangkaestudyantehan sa mga kampaniya at programa,” saad naman ni Verdad.
Serbisyo publiko
Kapwa kasapi ang mga kinilalang mag-aaral ng Devcom ng mga organisasyon sa loob at labas ng UPLB na naging katuwang nila sa paglilingkod para sa bayan.
Nanilbihan sa CDC Student Council si Verdad bilang Vice Chair noong nakaraang pang-akademikong taon. Kasalukuyan din siyang miyembro ng UP Community Broadcasters’ Society (UP ComBroadSoc), UPLB Pre-Law Society, at UP Model United Nations.
Si Pasco naman ay ang kasalukuyang Associate Producer ng UP ComBroadSoc at kasapi ng mga samahan tulad ng Sports Writing Elite Enthusiasts of the Philippines, UP Alpha Phi Beta Fraternity, at Explained PH. Siya rin ang kasalukuyang Sports Editor ng Tanglaw, ang kauna-unahang student publication na mayroong Sports Section sa UPLB.
Ibinahagi rin nina Verdad at Pasco na nakikita nila ang kanilang mga sarili sa hinaharap na nagpapatuloy pa rin sa paglilingkod sa bayan.
“Nakikita ko na ang sarili ko bilang isang Public Servant, hindi pulitiko ngunit bilang bahagi ng mga ahensiya na naka-angkla sa pangkaunlarang naratibo at kasama ang masa mula man sa mga purok, barangay, o mga komunidad,” ani Verdad.“Inaasahan kong magpatuloy na maglingkod sa mas malawak na saklaw. Layunin kong ipagpatuloy ang aking edukasyon at palawakin ang aking network upang mas maipakilala ang public service sa ating komunidad bilang katalista sa pag-unlad ng lipunan,” saad ni Pasco.



