DAPAT MONG MALAMAN
- Sentro sa FGD sa Earthquake Exhibit ang mga safety protocol para sa mga PWD at go bags na maaaring makatulong sa paglikas tuwing sakuna.
- Nanawagan ang UPLB-SSO para sa mga modernong kagamitan na maaaring magamit sa pagresponde sa kasagsagan ng sakuna.
Nagsagawa ng focus group discussion (FGD) para sa mga may apparent disability sa ginanap na Earthquake Exhibit sa Sunken Lobby ng Student Union Building ngayong araw, Hulyo 5.
Ayon kay Security Officer II Grizelda Penales-Marza ng UPLB Security and Safety Office (SSO), isang miyembro ng first response team ng unibersidad, layunin ng FGD na “makapag-craft ng mga evacuation procedure na sa kanila talaga ang patungkol.” Layon nitong maging evidence-based ang paghahanda ng protocol para sa persons with disabilities (PWDs) sa unibersidad at ang sakop nito ay mga “apparent disability” pa lamang.
“Lahat inaral namin, ni-research namin, nakipag-coordinate kami sa NCDA [National Council for Disability Affairs]. Nagpunta talaga kami doon para magtanong kung may policy ba tayo with regards to PWD during disasters and unfortunately wala talaga,” diin ni SO II Penales-Marza.

Bukod dito, itinampok din sa kaganapan ang ‘go bag’ para sa sakuna na naglalaman ng mga kagamitan at pagkain na umaabot ng dekada bago ang mag-expire, mga kagamitan ng first response team ng unibersidad, at mga modelo ng iba’t ibang uri ng pagguho ng gusali. Mayroon ding interactive na estasyon kung saan bida ang Earthquake Preparedness and Landslide Search And Rescue Orientation Course boardgame na maaaring laruin ng mga bibisita.
Ibinahagi din ni SO II Penales-Marza na “isa sa mga kahalagahan nito ay mabigyan ng kaukulang awareness ang mga nagpa-participate sa exhibit.”
Sa huli, nanawagan din sila para sa modernisasyon ng kagamitan ng first response team upang makahabol sa standard na ginagamit ng mga bumbero. “Ganun din ang kahalagahan na magkaroon tayo dito ng training facility dito sa loob ng campus kasi napaka-importante na well-equipped tayo, well-knowledgeable tayo, at well-trained ang mga kawani natin.”
Bukas ang nasabing exhibit mula Hulyo 1 hanggang Hulyo 5 bilang bahagi ng paggunita ng National Disaster Resilience Month ngayong 2024.





You must be logged in to post a comment.