Kasama ang ulat nina Ellyzah Janelle Devilleres at Princess Leah Sagaad
DAPAT MONG MALAMAN
- Idinaos ang SOEA 2024 sa Institute of Biological Sciences Lecture Hall Main, UPLB, kaninang hapon, Hulyo 13.
- Nagkaroon ng environmental situationer at documentary film showing upang ilahad ang kasalukuyang kalagayan ng kalikasan sa rehiyon.
- Ayon kay Tiffany Ruth Aceña, spokesperson ng Kalikasan TK, kitang-kita ang pandarambong ng kasalukuyang administrasyon at mga dayuhan sa kalikasan.
Tampok ang mga panawagan laban sa pagkasira ng kalikasan sa rehiyon sa naganap na Southern Tagalog State of the Environment Address (SOEA) sa Institute of Biological Sciences Lecture Hall Main, UPLB, kaninang hapon, Hulyo 13.
Tangan ang temang “Balintataw: Pandarambong at Pagkawasak ng Kalikasan sa Timog Katagalugan,” bahagi ng programang inorganisa ng Kalikasan Timog Katagalugan (Kalikasan TK) ang environmental situationer at documentary film showing hinggil sa mga isyung pangkalikasan sa rehiyon.

Laman ng environmental situationer ang kasalukuyang kalagayan ng kalikasan sa rehiyon sa harap ng mga proyektong tulad ng land conversion, quarrying, mining, at reclamation.
Kabilang sa mga dokumentaryong ipinalabas sa programa ang “Bayang Isinumpa” na likhang mga mag-aaral mula sa DEVC 136 D-1L (Multi-media Materials Production and Management) noong nakaraang semestre. Tampok sa dokumentaryo ang mga karanasan ng mga residente ng Brgy. San Antonio, Bay, Laguna sa pagbaha sa kanilang lugar at ang plano ng pamahalaan na floodgate upang mapigilan ito.
Ibinahagi naman sa “Tubig Niyo, Sugat Ko: Ang Luha ni Sierra” ng Psych Centro at “Ground Zero” ng Bulatlat at International Indigenous Peoples Movement for Self Determination and Liberation ang karanasan ng mga komunidad sa Sierra Madre at ang nakaambang panganib na dulot ng Kaliwa Dam. Samantala, tinalakay ng “Bulahaw sa Banahaw” ng 2minDig ang malawakang quarrying sa bundok at ang pagkabahala rito ng ilang mga residente.

Kaakibat naman ng mga dokumentaryo ang mga open forum at pahayag mula sa ilang grupong pangkalikasan tulad ng Save Laguna Lake Movement at Save Bundok Banahaw Network.
Ayon kay Tiffany Ruth Aceña, spokesperson ng Kalikasan TK, mahalaga ang pagkakaroon ng SOEA upang maibahagi at malaman ang kasalukuyang kalagayan ng kalikasan sa rehiyon na dumaranas umano ng pandarambong.
“Sa kasalukuyan naman ng administrasyon na US-Marcos at Duterte ay kitang-kita talaga natin ‘yung tahasang pandarambong ng mga dayuhan at maging mismo ng sarili nating administrasyon sa ating kalikasan,” saad ni Aceña.
Ibinahagi rin niya ang kasalukuyang kalagayan ng mga environmental activist sa rehiyon. Matatandaang isang taon nang nakakulong ang mga environmental defender mula sa Timog Katagalugan na sina Rowena Dasig at Miguela Peniero.

“Ayon din sa datos ng Global Witness na ang Pilipinas ang may pinakamaraming pagpatay [sa mga environmental defenders] sa buong Asya at hanggang sa ngayon, ayun pa rin ang datos. At dito natin makikita talaga na ang mga environmental defenders ay napakalaki ng risk na magsalita lamang at magbigay ng pake sa kalikasan…” paliwanag ni Aceña.
Hamon naman ni Aceña sa mga kapuwa niya kabataan ang patuloy na pakikialam sa mga isyung pangkalikasang nakaaapekto sa rehiyon.
“Sa mga estudyante at sa mga kabataan na gaya ko ay hinihimok ko sila na patuloy tayong magsalita at patuloy tayong tumindig laban sa mga ginagawa ng gobyerno dahil hindi naman talaga tama na hayaan lamang natin sila na patuloy sirain ang kalikasan natin at patuloy na pairalin ang sistemang sa tingin nila ay sila lang ang magbebenipisyo,” giit ng Kalikasan TK spokesperson.

Sa darating na ikalawang State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr., bibitbitin ng Kalikasan TK ang panawagan na “Sa Bagong Pilipinas, Lumuluha ang Inang Kalikasan sa Pandarambong ng Ating Likas Yaman!”
Ang Tanglaw ay media partner ng Southern Tagalog State of the Environment Address (SOEA) 2024.



You must be logged in to post a comment.