Kasama ang ulat ni Princess Leah Sagaad


DAPAT MONG MALAMAN

  • Nagsagawa ng isang benefit gig ang Free Owen and Ella Network sa CHR, Quezon City nitong Hulyo 6 para sa mga political prisoner na sina Rowena Dasig at Miguela Peniero.
  • Layunin ng programa na magbigay-liwanag sa kasalukuyang sitwasyon ng dalawa sa piitan at lumikom ng tulong-pinansiyal para sa kanilang mga pangangailangan.
  • Nagpahayag naman ng suporta ang mga kasamahan at kakilala nina Dasig at Peniero na dumalo rin sa nasabing programa.

QUEZON CITY — Kalayaan para sa mga isang taon nang nakakulong na environmental activists na sina Rowena “Owen” Dasig at Miguela “Ella” Peniero ang panawagan ng mga nakilahok sa inilunsad na “Indayog ng Alon Tungo sa Kalayaan” Benefit Gig ng Free Owen and Ella Network nitong Hulyo 6 sa Commission on Human Rights (CHR), Quezon City.

Sina Dasig at Peniero ay mga political prisoner na ilegal na hinuli ng mga miyembro ng 85th Infantry Battalion ng Philippine Army noong Hulyo 12, 2023 habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga epekto ng power plants na layong itayo ng Atimonan One Energy Inc. sa Atimonan, Quezon. Kinasuhan ang dalawa ng illegal possession of firearms at explosives kalakip ng mga paratang bilang mga kasapi ng New People’s Army.

Para kay Lep Balbarona, tagapangulo ng Free Owen and Ella Network, mahalaga ang pagkakaroon ng ganitong inisyatibo upang ipaalam sa publiko ang kaso ng dalawa na kasalukuyan pa ring nakapiit sa Lucena City District Jail. 

“Kailangan nating mapataas ang mga kampanya sa ating mga political prisoners, sila Owen at sila Tita Ella, na mapalaya na talaga at [para] maging aware ang mga tao na may mga taong katulad nila na ilegal na inaaresto ng estado,” giit niya. 

Kahirapan sa piitan

Bukod sa pagpapatambol sa kalagayan ng kaso ng dalawang aktibista, isa pa sa layunin ng nasabing network ang magbigay-liwanag sa mga kasalukuyang lagay nina Dasig at Peniero sa loob ng selda. Maliban sa psoriasis na dinaranas ni Dasig at sa back pain, salivary gland cancer, at hyperthyroidism naman ni Peniero, nakararanas din sila ng mga panggigipit sa mga pagbisita sa kanila, ayon sa pahayag ni Paul Tagle, tagapagsalita mula sa human rights organization na Tanggol Quezon, sa Tanglaw.

“Pinipigilan ‘yung pagbisita ng kanilang mga paralegal, para mabigyan sila ng mga legal services na kanilang kailangan saka pagbibigay din ng kanilang mga kailangan sa loob ng piitan,” aniya.

Dagdag pa ni Tagle, maging ang mga kamag-anak din ng dalawa ay hirap silang makapiling dahil sa labis na paghihigpit ng mga awtoridad. “Sobrang paghihigpit din talaga, halos hindi talaga sila pinapayagan na madalaw o makausap man lang maging ng kanilang pamilya mismo.”

Naunang ikinulong si Dasig sa bilangguan sa Municipal Police Station sa Atimonan samantalang si Peniero naman ay sa Bureau of Jail Management and Penology sa Lucena. Bagaman parehong nalipat na ngayon ang dalawa sa magkaibang bilangguan, patuloy pa ring nadaragdagan ang problemang kanilang dinaranas.

Kwento ni Ida Palo, isa sa paralegal ng dalawa at spokesperson ng  Youth Movement Against Tyranny Southern Tagalog (YMAT-ST), nakararanas na rin ngayon ng isolation si Dasig sa loob ng selda. “Hindi siya nakakasama sa mga aktibidad. Hindi [rin] siya pinapayagang makihalubilo sa mga kapwa niya.”

Samantala, si Peniero naman ay patuloy na minamatyagan ng mga kapulisan sa bawat kilos niya. “Hindi siya nabibisita nang walang nakikinig o walang bantay sa kanya, kahit pamilya ay pilit na dinidikitan ng mga pulis at militar sa loob ng piitan.”

Suporta ng mga kasama

Bagaman nakakulong sa malayo sina Dasig at Peniero, nananatiling malapit sa kanila ang puso ng kaniya-kaniyang mga kasamahan. Sa panayam ng Southern Tagalog Exposure kay Nimfa Lanzanas, paralegal ng Karapatan Southern Tagalog, inihayag niya ang pakikisimpatya sa sitwasyon ni Peniero lalo pa’t  siya rin ay dating naging isang political prisoner.

“Napakahirap sa loob ng kulungan kasi, lalo ‘yung sa medical na pangangailangan, kasi kapag mga senior, ang hirap. Umaabot ng isang buwan bago maka[rating] ‘yung medical support so kailangan pa talagang andaming dadaanang proseso,” pagdedetalye ni Lanzanas.

Para naman kay Palo, inspirasyon ang sigasig ni Dasig para sa pagtatanggol ng mga iba pang environmental activist na ilegal na inaresto. “Nagkakilala kami unang beses para sa isang QRT [quick response team] para sa isang illegal arrest ni Tita Daisy Macapanpan… kaya kay Owen ko siguro, masasabi nating unang-una kong makikita kung papaano ba tumindig ang isang paralegal… siya ay very masinsin, masipag, at talagang kahanga-hanga.”

Kaya naman, siniguro ni Palo na ganito rin ang ibibigay nilang suporta para sa mga nabilanggong kasamahan. “Ngayon, bilang paralegal naman niya [Dasig] ay talagang pinagbubutihan natin at pinagsusumikapan natin na maitaguyod din ang kaniyang mga pangangailangan.” 

Pag-atake sa paralegal

Samantala, kasabay ng paggulong ng kaso ng dalawa ay ang pagsasampa rin ng iba pang gawa-gawang kaso sa kanilang mga kasamahan. Isa na rito si Tagle na sinampahan ng kaso dahil sa paglabag umano sa RA 10168 o ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012, matapos itong magbigay ng P500, pagkain, at tubig noon sa dalawa sa dating piitan sa Atimonan. 

Kaya naman, binahagi din ni Tagle ang kanyang pagkadismaya sa nangyari. “Talagang galit ‘yung naramdaman ko na maging ‘yung pagiging paralegal, ‘yung pagiging human rights worker ko eh gagamitin… at gagawin pang pagsasampa ng gawa-gawang kaso na wala naman talagang materyal na ebidensya dahil hindi naman tunay na terorista sina Owen at Tita Ella.”

Dahil dito, nanawagan naman si Lanzanas na buwagin na ang mga aniya’y banta sa buhay ng mga aktibista tulad ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at Anti-Terror Law na nagsisilbing daan upang magkaroon ng kaliwa’t kanang red-tagging. 

“Hindi dapat sila [NTF-ELCAC] bigyan ng pagkakataon na mamuno dahil sila pa ‘yung nagiging dahilan kung bakit ‘yung mga aktibista ay ni-re-red tag. Dapat ‘yon [red-tagging] ay hindi talaga mangyari dahil banta sa buhay ‘yung kanilang mga ginagawa,” aniya.

‘Laban lang’

Sa kasalukuyan, patuloy pa ring gumugulong ang kaso nina Dasig at Peniero sa Regional Trial Court ng Quezon. Kaya naman, nananatiling positibo si Palo na makakamit din ng dalawa ang kalayaan.

“Ako, buo pa rin ang paniniwala na darating ang panahon na sasalubungin ko kayo nang with open arms and the warmest hug. Hinding-hindi ko maaantay pa ‘yung pagkakataon na ‘yun,” aniya.

Dito rin umikot ang pabaong mensahe ni Lanzanas na hinikayat ang dalawa na pakatatagan ang loob sa mga pagsubok na kasalukuyan nilang hinaharap sa piitan. “Laban lang, pangibabawan kung ano man ‘yung dumarating sa buhay. Talagang ganyan lang ang buhay, kung hindi ka lalaban, wala. Kung hindi mo ipaglalaban ang karapatan ng mga mamamayan, walang mangyayari. Kaya, dapat lang na maging matatag, matibay, at laban lang.”


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya