Kasama ang mga ulat ni Princess Leah Sagaad

DAPAT MONG MALAMAN

  • Ginanap ang SORA 2024 ngayong araw bago ang ikatlong SONA ni Ferdinand Marcos Jr. 
  • Inilatag ang mga problemang panrehiyon sa naturang protesta at binigyang-diin ang mga isyung kinahaharap ng iba’t-ibang sektor. 
  • Dumugtong ang Regional Protest sa National SONA Protest March matapos ang programa upang palakasin ang pagpapatambol ng mga isyung pambansa.

Matapos ang limang araw na pakikibaka ng delegasyon ng Timog Katagalugan para ipatambol ang kanilang mga panawagan sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr., nagwakas ang LAGABLAB Caravan 2024 sa ginanap na State of the Region Address (SORA) ngayong araw, Hulyo 22, sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Ang limang araw na caravan na ito, na nakasentro sa National Capital Region, ay isang inisyatibo ng mga progresibong grupo ng rehiyon upang isiwalat ang mga tunay na danas ng mga mamamayan sa pamumuno ni Marcos Jr. Nagsimula ito noong Hulyo 18, sa Crossing Calamba na dumiretso sa U.S. Embassy sa parehong araw. 

Binuksan ng Katipunan ng mga Samahang Mambubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) ang diskurso ng agrikultura sa pagbibigay-diin sa kawalan ng lupang sakahan ng mga residente ng Tartaria, Silang, Cavite at Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite. Kasama pa rito ang patuloy na pamamasista at kakulangan sa reporma sa lupa dulot ng ugnayang Marcos-US maging sa mga nagdaang rehimen. 

Dagdag pa ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Cavite, problema rin ang pag-atake sa mga lider-magsasaka sa kanilang lalawigan at ang nararanasang reklamasyon at paninira ng ilang lungsod para sa iba’t-ibang layunin. Kaya naman, anila’y “patuloy kaming tutungo, at laksa-laksang tutungo sa kahabaan [ng lansangan] at Kamaynilaan upang irehistro ang tunay na kalagayan ng Cavite at ng buong Timog Katagalugan.”

Samantala, tinampok naman ng BAYAN Laguna ang patuloy na pagpapasakit sa mga lokal na mamamayan at urban poor community sa lalawigan. Kabilang na rito ang pangamba ng mga mangingisda ng Laguna de Bay sa floating solar panels ng Baybay Lawa Solar Project at ang paglipat sa mga residente ng San Pedro, Biñan, Santa Rosa, Cabuyao, at Calamba sa napipintong Laguna Lakeshore Project at North-South Railway Project. 

Binigyang-pansin naman ng Kalikasan Timog Katagalugan ang pagkondena sa lahat ng mga proyektong nakasisira sa kalikasan gaya ng mga megadam, pagmimina, at quarrying. Ayon sa Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan (BALATIK), apektado ang mga Dumagat na pinapalayas sa Sierra Madre sa mga pang aabusong ito.

Tinalakay rin ng ibang mga progresibong grupo ang lumalakas na militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao sa Rizal, pag-atake sa mga magsasaka at katutubo sa Batangas, pagpapataw ng mga gawa-gawang kaso sa mga lider-kabataan at manggagawa sa Quezon, mga karahasan at diskriminasyon sa mga kababaihan at karapatan ng LGBTQIA+ community, at ang patuloy na mga problemang kinahaharap ng mga tsuper hindi lamang sa rehiyon kundi pati sa buong bansa. 

Malakas na panawagan naman ang bitbit ng Bayan Muna Partylist Southern Tagalog laban sa Charter Change, girian sa West Philippine Sea, palpak na sistema ng edukasyon sa bansa, pagpapatupad ng Mandatory ROTC, at iba pang maka-imperyalistang adhikain. 

Kinondena rin nila ang mga puwersa ng estado na nagpapahirap sa mga lider-estudyante, unyon, at bilanggong pulitikal at ang patuloy na militarisasyon sa buong rehiyon.

Pagkatapos ng programa, isang effigy na may wangis nina Marcos, Sara Duterte, US President Joe Biden, at Chinese President Xi Jinping ang sinunog upang ipamalas ang pagkundena sa mga nasabing isyung panrehiyon at pambansa bago ang pagdugtong ng mga nagkilos-protesta sa National SONA Protest March sa Commonwealth Avenue. 

“Ang dapat gawin sa imaheng ito ay dapat puksain na rin habang itinataguyod ang isang lipunang malaya sa pang-aapi at pansasamantala. Dahil ang pinanggalingan [ng] militanteng tradisyong ito ng pagpoprotesta taon-taon sa araw ng SONA ng mga pangulo ay hindi kailanman… ipinagkakait, lalo pa nating iginigiit ang ating pagpoprotesta,” ani Kyle Salgado, tagapagsalita ng BAYAN Timog Katagalugan.■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya