Kasama ang mga ulat nina Neil Gabrielle Calanog, Mervin Delos Reyes, at Jayvee Mhar Viloria


DAPAT MONG MALAMAN

  • Naramdaman ng mga mag-aaral ng UPLB ngayong midyear ang hagupit na dulot ng Super Typhoon ‘Carina’.
  • Pawala-walang internet connection sa dorms, aberya sa mga mag-aaral na nagtatapos ng midyear requirements.
  • Kawalan ng access sa mga tindahan ng personal na pangangailangan, iniinda ng mga UP dormer.

Sa kalagitnaan ng mga klase ngayong midyear, nadama rin ng mga mag-aaral ng UPLB na nananatili sa Laguna ang hagupit na dulot ng Super Typhoon ‘Carina’ ngayong linggo.

Ayon sa pinakahuling tropical cyclone bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration kaninang 5 p.m., idineklara na bilang Super Typhoon ang Carina na huling namataan ang sentro sa hilaga ng Itbayat, Batanes na nagtala ng maximum speed na 185 kilometro kada oras (km/h) malapit sa gitna at may pabugso-bugsong hanging may bilis na aabot sa 230 km/h, habang kumikilos ito nang pahilagang-kanluran.

Sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng yellow warning level ang probinsya ng Laguna na nangangahulugang dapat maging alerto ang mga mamamayan sa posibleng pagbaha sa mga flood-prone area.

Matatandaang sinuspinde ni Gov. Ramil Hernandez ang klase sa lahat ng antas ng pribado at pampublikong paaralan sa buong Laguna dahil sa banta ng bagyo. Ayon kay Mark Angelo Roma, UPLB University Student Council (USC) chair, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga opisina at kagawaran ng UPLB para maipaabot ang kasalukuyang kondisyon ng mga mag-aaral.

“Kumonekta din ang UPLB USC through STRAW Committee sa All UP Academic Employees Union – LB (AUPAEU – UPLB) para malaman ‘yung perspektiba nila sa pag-request ng USC for academic leniency dahil nasa huling bahagi naman ng midyear,” aniya. Dagdag pa niya’y sinuportahan ito ng AUPAEU – UPLB kaya’t nakapagpadala sila ng liham sa Office of the Vice Chancellor for Academic Affairs para sa academic leniency ngayong midyear.

Kaugnay nito ay ang gumugulong na enrollment process ng mga papasok na Batch 2024 sa unibersidad na ayon kay Roma ay ipinapaalam din ang kalagayan sa Office of the University Registrar.

Kuha ni Neil Gabrielle Calanog, Tanglaw Reporter

Epekto sa midyear classes

Ngayong kasagsagan ng midyear classes, pahirapan sa mga mag-aaral ang epektong dulot ng Super Typhoon Carina. Nitong mga nakaraang araw ay nadama na rin ang hagupit nito na naging suliranin ng mga estudyanteng nais umuwi sa kanilang mga tinutuluyang dormitoryo o ‘di kaya’y pumasok sa kanilang mga klase.

Ayon kay Dio Andre Centinaje, isang sophomore student mula sa College of Engineering and Agroindustrial Technology na nanunuluyan sa Men’s Residence Hall, isang kahirapan ang pawala-walang Wi-Fi connection sa mga UP dorm lalo’t siya ay may mga gawain at exam na kailangang asikasuhin.

“Nauusog nang nauusog mga kailangan kong gawin kasi pawala-wala ang net. Hirap din lumabas pag kakain na kasi ang lakas ng hangin tsaka ulan tapos madalang ang jeep right now kaya napipilitan suungin yung ulan,” kuwento niya. 

Ito rin ang naging kalagayan ni Mary Cristel Tan, isang freshman na naninirahan sa Makiling Residence Hall at kasalukuyang nakikilahok sa bridging program para sa mga freshman student. “Hindi rin naman po maasahan ang data dahil mahina ang signal dito sa taas.” 

Dulot nito, nangangamba ngayon ang mga mag-aaral sa paghahabol sa mga araling maaaring mahuli dahil sa pagsususpinde sa mga klase ngayong nalalapit na ang final examination period. “Ima-maximize na sana namin talaga yung week na ‘to para habulin lahat ng naiwanan naming gawain and missed lectures tapos nag suspend pa,” dagdag ni Centinaje.

Kuha ni Neil Gabrielle Calanog, Tanglaw Reporter

Kawalan ng access

Naging suliranin din sa mga mag-aaral na nananatili sa UP dorms ang pagpunta sa mga tindahan kung saan maaaring makabili ng personal na pangangailangan. Ayon kay Matt Andrei Miclat, Vice Chairperson ng College of Arts and Sciences Student Council, bagaman may suplay pa sila ng pagkain ay hindi pa rin sila makalabas ng dormitoryo dala ng bagyo.

“Sa kasalukuyan ay hindi rin makalabas ng dorm upang bumili ng mga personal na pangangailangan gaya ng pagkain dahil hindi ligtas ang mga kalsada ng campus ngayon dulot ng mga punong nagbabagsakan at pabugso bugsong lakas ng hangin at ng ulan,” kwento niya.

Kaugnay nito, nanawagan din ang ibang mag-aaral na magkaroon ng pantry sa Student Union Building para sa mga hindi makalabas ng campus upang bumili ng pagkain, lalo sa mga naninirahan sa UP dorms. “Kahit sa kaniya-kaniyang UP dorms mismo para ‘di na need lumabas para sa pagkain. Though may mga binebenta naman ‘yung mga guard, minsan kasi walang rice meals do’n ganon tapos wala ring mga gamot,” ani Centinaje.

Pinapanawagan din ni Miclat na tugunan ng pamunuan ng unibersidad ang ipinadalang liham ng USC ukol sa pagkakaroon ng academic leniency. Dagdag pa niya, hindi naging biro ang epekto ng Super Typhoon Carina sa UPLB kaya’t inaasahan niya ang maximum implementation nito. ⬛


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya