“No comment.” ‘Yan ang mga katagang sumasagi sa aking isipan kung iisipin ko ang mga naidulot ni Bise Presidente Sara Duterte sa kaniyang dalawang taong termino bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Mapapanganga ka na lang talaga sa mga naganap sa kaniyang termino; binalot ng kontrobersiya ang halos dalawang taong pamamahala ni Duterte sa kagawaran. Mula sa nakapagtatakang PHP 150M confidential funds na kaniyang hinihingi para sa DepEd, hanggang sa lantarang red-tagging labansa grupong Alliance of Concerned Teachers, malinaw na hindi para sa mga estudyante at guro ang kaniyang mga prayoridad, bagkus ay para sa pagtataguyod ng propaganda. Kaya naman, isang tinik na naalis kung maituturing ang kaniyang pagbibitaw sa puwesto, sapagkat ang kaniyang termino ay isa lamang patunay sa kaniyang kawalan ng kuwalipikasyon upang panghawakan ang kagawaran.
Ngunit siyempre, hindi dapat ito mabakante sapagkat mahalaga ang edukasyon para sa bawat Pilipinong nangangarap. Ito ang primaryang tagapagtaguyod ng masa upang maiahon ang sarili’t pamilya mula sa kahirapan.
Bilang tugon, hinirang ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. si Sen. Sonny Angara bilang panibagong kalihim ng kagawaran, na siyang nanumpa nitong nakaraang Hulyo 19. Kung tutuusin, malaking pagbabago kung maituturing ang pagpalit na ito. Matatandaan na isa siya sa mga nagsulong at sumulat ng panukalang batas ukol sa libreng matrikula para sa mga kindergarten at kolehiyong estudyante na siyang malaking tulong para sa bawat mag-aaral at mga pamilya. Bukod pa rito, kabahagi rin ang senador ng The Second Congressional Commission on Education.
Mabango man ang resumé ni Angara, mariin pa rin ang aking paniniwala na mas karapat-dapat na isang guro ang humawak sa sektor ng edukasyon. Sa Pilipinas kung saan talamak ang isyu sa sektor, mas maigi kung panghahawakan ito ng taong mas nakatatanaw sa mga isyu sa loob at labas ng isang klasrum tulad ng ating sangkaguruan, sapagkat nasa sentro sila mismo ng isyung kinahaharap ng sektor.
Matatandaan na nito lamang nakaraang tao’y inanunsyo ang nakadidismayang ranggo ng bansa sa Programme for International Student Assessment, kung saan pang-77 sa 81 na bansang kabilang sa pag-aaral ang Pilipinas. Hudyat ito ng samu’t sari at sistematikong krisis na kinahaharap ng edukasyon. Batay sa ulat ng Philippine Business for Education nitong 2023, kabilang sa mga isyung kinahaharap natin ay ang kawalan ng akses dulot ng sistematikong kahirapan, kakulangan sa imprastruktura’t kagamitan, kakulangan sa suporta sa mga guro, at ang pagsasagawa ng mass promotions kahit na hindi sapat ang kasanayang naabot ng isang estudyante.
Ang ranggong ito’y patunay lamang na hindi sapat ang mga kasalukuyang aksyon upang tugunan ang krisis (gaya na lamang ng mga pagrerebisa ng kurikulum tulad ng MATATAG), bagaman kinakailangan din ng mas komprehensibong solusyon laban dito. Marapat lang nating tingnan ang estado ng mga pasilidad, materyales, at ng parehong estudyante’t guro, pati na rin ang mga sahod ng ating kaguruan. Gayundin, isa itong panawagan para sa ibang mga sektor sapagkat ang matiwasay na pag-aaral ng mga estudyante ay makakamit lamang kung ang lahat ay may akses sa mga pribilehiyong lahat tayo’y nararapat na mayroon.
Lahat ng ito’y batid ng bawat guro sa Pilipinas—mula sa mga kuwento ng bawat estudyante niya hanggang sa hirap na kaniyang danas pagdating sa mababang sahod at kakulangan ng kagamitan sa silid. Kaya naman, ang pagkakaroon ng isang lider na siyang malalim na nakatatanaw sa mga isyu sa sektor ay isang patunay ng kredibilidad; masisiguro na ang bawat hinaing ng mga estudyante’t guro’y mabibigyang-pansin, sapagkat mismong danas nila ito.
Gayunpaman, hindi guro ang nakaupo, subalit isang abogado’t senador. Sa mga darating na panahon, isa itong pagkalampag kay Angara na talagang pagbutihin ang kaniyang sinumpaang posisyon, sapagkat patong-patong na suliranin ang siyang kinahaharap ng sektor. Nawa’y masigurado niya na ang bawat patakaran at hakbang na tatahaki’y nakasentro sa parehong estudyante’t kaguruan. Sana’y magarantiya rin niya na ang lahat ng mga ito’y dadaan sa masusing konsultasyon kasama ang mga guro’t estudyante, at talagang may paglubog ang kagawaran sa tunay na reyalidad ng bawat mamamayan. Higit sa lahat, huwag sanang mabigo ang mga Pilipino sa piniling italaga sa posisyong mahalaga sa pagpapanday ng pangarap ng bawat batang Pilipino.■



