Ang istoryang ito ay isinulat ni Marco Rapsing, kasama ang mga ulat nina Jayvee Mhar Viloria, Mervin Delos Reyes, Jian Martin Tenorio, Dianne Barquilla, Denylle Francine Almendras, at Paolo Miguel Alpay.
DAPAT MONG MALAMAN
- Nangibabaw ang kakulangan sa pondo at tao bilang mga pangunahing problema ng iba’t ibang mga pahayagan sa buong UP System.
- Kaakibat ang iba pang mga isyu, patuloy pa rin ang pagsulong ng ilang mga publikasyon para sa kanilang recognition.
- Sa kabila ng mga problema, tinatanaw na pag-asa ang pagbabalik ng Ang Mangingisda at Philippine Law Register sa lupon ng mga pahayagan sa UP System.
Kakulangan sa pondo at tao ang lumitaw na pangunahing mga pagsubok sa operasyon ng mga student publication sa UP System, batay sa naging talakayan ng publication reports sa unang araw ng UP Solidaridad Congress 2024 sa UP Tacloban ngayong araw, Agosto 12.
Tampok sa ulat ng The Cursor, Tug-ani, Medikritiko, Himati, Tanglaw, Philippine Collegian, UPLB Perspective, Tinig ng Plaridel, Lanog, Manila Collegian, The Accounts, at Vital Signs ang problema sa hindi sapat o tutal na kawalan ng pondong nagbubunga sa kakulangan ng ipinadadalang mamamayahag sa mga off-campus activity gaya ng mga regional at national coverage.
Base sa naging diskusyon ng Medikritiko, ang ganitong mga problema ang nagtutulak sa pahayagan na pakiusapan ang sangkaestudyantehan ng UP Manila School of Health Sciences upang mangolekta ng P100 bawat mag-aaral para matustusan ang kanilang pangangailangang-pinansyal. Ganitong suliranin din ang nagtulak sa The Cursor upang magsulong ng isang income-generating project ngayong Agosto 15-16 sa UP Diliman.
Ganito rin ang danas ng Tanglaw upang makapaglathala ng kanilang print issue noong nagdaang Devcom Halalan—nangalap sila ng donasyon mula sa mga kapwa mag-aaral, mga propesor sa kolehiyo, at maging sa mismong mga miyembro ng pahayagan.
Burukrasya sa pagkuha ng pondo
Bagama’t malaki ang pondo ng Sinag, Himati, The Accounts, at UPLB Perspective, pinababagal ng kawalan ng direktang access sa pera ang kanilang operasyon, dahilan upang malimitahan ang mobilisasyon ng mga pahayagan.
Sa paglalarawan ng UPLB Perspective, pahirapan ang pagkuha sa mga pondong kailangang gamitin dahil sa burukratikong prosesong nagpapatagal dito. Kapareho ito ng sentimyento ng Editor in Chief (EIC) ng Sinag na si Johannes Hong, na sinabing hindi pa rin ibinibigay ng Office of Student Activities (OSA) ng ang kanilang trust fund.
Ganito rin ang kasalukuyang danas ng Lanog na kumakapit din sa pondong inilaan sa kanila ng OSA ng UP Cebu para makadalo lamang sa UP Solidaridad Congress at General Assembly of Student Councils (GASC) sa UP Tacloban ngayong Agosto, batay sa ulat ni EIC Cris Bayaga.
Pagkaantala naman sa liquidation process ang itinuturong sanhi ng hindi pa naibibigay na pondo ng Manila Collegian sa darating na academic year, paglalahad ni EIC Angelo Abcede. Tila kahawig ito ng dinaranas ng Philippine Collegian, kung saan ay iniipit ang kanilang kabuuang pondo mula sa naipangakong halaga ng kanilang trust fund sa nagdaang termino, na siya namang nagreresulta sa pagkadiskaril ng normal na operasyon at target na print issues ng pahayagan.
Samantala, kawalan ng suporta mula sa administrasyon ng UP Tacloban naman ang patuloy na daing ng UP Vista. Pagdedetalye ni Mary Armada ng UP Vista, ilan sa kanilang mga online release ay ipinatanggal ng kanilang administrasyon at wala pa ring pag-uusap sa pagitan ng dalawang panig tungkol sa pondo ng nasabing dyaryo.
Usad ng recognition process
Ang kawalan ng pondo ng ilang pahayagan ay bunsod ng naaantalang proseso ng recognition mula sa administrasyon ng kani-kanilang kolehiyo.
Bagaman matagal na itong nauunsyami, naniniwala si OIC EIC Mar Jhun Daniel na makatatanggap na ng opisyal na pagkilala mula sa administrasyon ng College of Development Communication ang Tanglaw ngayong unang semestre.
Ipinabatid din ng Tinig ng Plaridel na nasa pamunuan na ng College of Mass Communication ang kanilang Saligang Batas at kamakailan lamang ay inaprubahan ng mayorya ng student body ng kanilang kolehiyo sa isang referendum ang pagkilala sa pahayagan.
Sa kabilang banda, nagkakaroon pa rin ng problema sa pag-cover sa ilang mga university event ang Tanglaw. Isa sa mga binigyang-punto ni Daniel ang metikulosong prosesong pinagdaanan ng pahayagan upang mai-cover ang graduation rites ng UPLB nitong Agosto.
Bumababang bilang ng mga miyembro
Sa kabilang dako, maituturing din na malaking pagsubok ang mababang bilang ng mga miyembro ng iba’t ibang mga pahayagan na siyang nakaaapekto sa kapasidad ng operasyon nito.
Batid ng UP Vista ang problemang ito nang kamakailan ay nanamlay ang kanilang seksyon ng balita. Kaugnay pa nito ang pagkakadawit ng isa sa mga photojournalist ng pahayagan sa pagdinig sa kaso ng Mayo Uno 6.
Ganito rin ang suliraning kinahaharap ng Himati at UPLB Perspective na parehong nahihirapan sa pagpaparami ng kanilang mga staff dulot ng mataas na porsyento ng gustong mag-file ng inactivity. Humaharap din sa kakulangan sa mga potensyal na editor ang Sinag, Manila Collegian, at Philippine Collegian.
Isyu ng red-tagging
Bukod sa pagnipis ng hanay ng ilang mga pahayagan, nakaranas din ang ilang mga student-journalist ng paniniktik at pang-aatake mula sa mga elemento ng estado.
Humarap ang UP Vista at Lanog sa mga akusasyon sa comment section ng kanilang mga balitang inilalathala na minsa’y umaabot na rin sa mga personal account ng mga staff, kabilang ang kanilang pamilya. Bunsod nito, napilitang gumamit ng alyas ang ilang mga mamamahayag ng Lanog upang protektahan ang kanilang pribasiya at identidad.
Ang ganitong mga insidente ang naging rason upang bumaba ang bilang ng mga aktibong staff ng Sinag, na ayon kay Hong ay “nade-demoralize” ang ilan sa kanilang mga miyembro lalo pa noong malakas ang pag-atake ng mga elemento ng estado sa kanilang Mayo Uno coverage.
Pag-asa sa gitna ng mga hamon
Sa kabila ng mga pagsubok, nagsisilbing pag-asa sa estado ng campus journalism sa UP System ang muling pagbuhay ng Ang Mangingisda ng College of Fisheries and Ocean Sciences ng UP Visayas at Philippine Law Register ng UP College of Law ng UP Diliman.
Nabuo noong 1980, sa kapanahunan ng Martial Law, muling binuhay ang Ang Mangingisda upang bigyang-pansin ang mga isyung politikal at bigyang plataporma ang mga estudyante upang makiisa sa mga panawagan para sa sektor ng pangisdaan.
Muli ring nagbabalik ang Philippine Law Register na nabuo noong 2015, matapos ang pagiging inaktibo noong 2019. Layon ng bagong 30 na miyembro nito na mapanatili ang “highest standard of integrity and excellence in legal research and journalism” ng kolehiyo.
Ang muling pagkabuhay ng dalawang pahayagan ang inaasahang magiging simula sa pagdami ng mga mamamahayag sa unibersidad na tutugon sa tawag ng tungkulin. Para kay Justin Felip Daduya, Executive Vice Chairperson ng UP Solidaridad National Executive Committee, mabigat ang tungkuling ito ngunit maituturing na isang tagumpay ang pagtugon dito.
“Napakabigat ng tungkulin ng mga mamamahayag pang-campus sa kasalukuyan. Nakikita natin sa papalapit na budget season, tayo na naman ang tututok sa mga numero ng Kongreso. We are already at the frontline of those things and it’s again and again a victory that we are still writing,” wika ni Daduya.■



