Kasama ang mga ulat nina Jian Martin Tenorio, Jayvee Mhar Viloria, Lourain Anne Suarez, Princess Leah Sagaad, Mervin Delos Reyes, Paolo Miguel Alpay, at Jan Paolo Pasco


DAPAT MONG MALAMAN

  • Sumentro sa naipasang resolusyon sa UP Solidaridad Congress 2024 ang gampanin ng miyembro ng UP Solidaridad at Office of the Student Regent sa pagsusulong ng recognition process ng ilang college publication sa Unibersidad.
  • Tinalakay sa nasabing resolusyon ang kahalagahan ng pagkilala sa mga college publications sa buong UP System upang ganap na maging bahagi ang mga ito sa alokasyon ng pondo kaakibat ng mandato sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act ng Commision on Higher Education.

Inaprubahan sa ikalawang araw ng UP Solidaridad Congress 2024 ang resolusyong nagsusulong na puliduhin ang recognition process ng mga college publication bilang mga student institution sa Unibersidad sa pamamagitan ng direktang pagdulog sa UP Board of Regents (BOR).

Ang Resolution No. Soli-2024-009 na pinamagatang “Resolution Urging the UP Board of Regents to Streamline the Recognition Process of College Publications as Student Institutions with Sustainable Funding from Development Fees” ay magkasamang iniakda ng Tanglaw, Tinig ng Plaridel (TNP) ng UP Diliman College of Mass Communication (CMC), at Lanog ng UP Cebu College of Communication, Art, and Design (CCAD), mga publikasyon na kapwa hindi pa nabibigyang-pagkilala ng administrasyon ng kani-kanilang kolehiyo.

Binibigyang-diin sa resolusyon ang kahalagahan ng suporta ng Office of the Student Regent, ang tanging represante ng mga mag-aaral sa BOR, at student councils sa mabilisang paggulong ng recognition process ng mga college publication bilang isang student institution sa pamamagitan ng pagdokumento sa consensual decision ng sangkaestudyantehan.  

“That the UP Solidaridad and all its member publications, with the help of their respective student councils and the Office of the Student Regent, shall propose a streamlined institutionalization process of college-level publications to the Board of Regents with adequate funding from development fees,” saad ng isang sugnay nito.

Iminumungkahi rin ng resolusyon na magkaroon ng “systemwide campaign to pressure the UP administration to officially recognize and adequately fund college publications.”

Institusyon, hindi organisasyon

Ayon sa resolusyon, “college-level publications shall be recognized as an institution, subject to the rules and mandate of student institutions, and not an organization…”

Sa kasalukuyan, ang Lanog ay kinikilala ng UP Cebu Office of the Student Affairs (OSA) bilang isang organisasyon at hindi isang ganap na “institutional organization.” Ito ay sa kabila ng probisyon sa 2014 UP Cebu OSA Handbook na nagtatakda sa mga publikasyon bilang “institutional organizations” sa ilalim ng “special organizations” category.

Samantala, kasalukuyang sumasailalim sa metikulosong recognition ang TNP. Kamakailan lamang ay inaprubahan ng sangkaestudyantehan ng CMC ang referendum hinggil sa konstitusyon, publication fee, at ganap na pagkilala sa pahayagan bilang opisyal na publikasyon ng kolehiyo.

Sa kaso naman ng Tanglaw, nakasaad sa UPLB Student Handbook na walang separasyon ang klasipikasyon ng mga student institution at organisasyon. Nagbunga ito ng kalabuan sa pagproproseso ng institusyonalisasyon ng Tanglaw na inirekomenda ng administrasyon ng College of Development Communication (CDC) na dumaan sa pagkilala ng Office of the Vice Chancellor for Student Affairs.

Pagpopondo sa college publications

Kaakibat ng problema sa institusyonalisasyon ang suliranin sa pagkukuhanan ng pondo ng mga pahayagang pangkampus na hindi pa nabibigyan ng pagkilala. Kasalukuyang hindi saklaw ang tatlong publikasyon sa alokasyon ng “development fees” na nakalaan lamang sa university-wide publications at student councils.

Ang alokasyon ng development fees ay isang karapatan ng mga student publication sa ilalim ng mandato ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act ng Commission on Higher Education.

Sa kaso ng Lanog, nakatakda sa UP Cebu OSA Handbook na ang mga organisasyong kabilang sa kategoryang “special organization” lamang ang makatatanggap ng pondo mula sa development fees na nalikom mula sa sangkaestudyantehan. Kabilang dito ang university-wide publication na Tug-ani at ang UP Cebu University Student Council. 

Para naman sa TNP, walang nakatakdang hiwalay na college publication fee sa UP Computerized Registration System. Ganito rin ang kaso sa Form 5 ng mga mag-aaral ng CDC. Ang college publication fee sa ilalim ng development fees sa UPLB ay nakatalaga lamang para sa UPLB Perspective.

Kaya naman, saklaw rin sa nasabing resolusyon ang mga probisyon sa pamamahala ng pondo ng mga pahayagang pangkampus sa pamamagitan ng “sustainable funding” gamit ang development fees at ang paghihiwalay ng pondo ng university-wide at college publications.

Kaakibat nito, tinalakay sa resolusyong isinulat ng Philippine Collegian, Himati, at UP Baguio Outcrop, opisyal na publikasyon ng UP Diliman, UP Mindanao, at UP Baguio, na nakaugat sa kakulangan ng uniform guidelines, diseminasyon ng impormasyon, at pondo ang kahirapan sa pagsulong ng mga pampublikasyong aktibidad. 

Mga naipasang resolusyon sa SoliCon 2024

Naipasa rin sa pagtitipon ang mga resolusyon hinggil sa pagpapaigting ng mga kampanya tungo sa mabilisang pagpasa ng Campus Press Freedom Bill, paghimok sa mga publikasyon na bigyang-tuon ang mga balitang pangkalikasan at ang epekto nito sa komunidad, at paghahayag ng komprehensibong ulat na tatalakay sa karapatang pantao sa pamamagitan ng journalism skills training, paralegal education, at psychosocial support.

Layon ding tugunan ng ilang resolusyon ang mga umuusbong na suliranin sa larangan ng pahayagang pangkampus kabilang ang resolusyon sa pagpapaigting ng administrative support sa pamamagitan ng pagbibigay ng access sa school premises at events at resolusyon na magpapatibay sa Media Safety Guidelines Handbook ng UP Solidaridad.

Tampok din sa naging pagtatasa ang gampanin ng mga publikasyon sa pagsisiwalat ng lumalalang kaso ng militarisasyon sa buong UP System at ang pagmomobilisa ng mga publikasyon ng UP Solidaridad na magpasinaya ng isang media campaign upang ipanawagan ang immediate dismissal ng mga gawa-gawang kaso ng Tacloban 5.

Sa kabila ng magkakaibang kalagayan ng mga miyembrong publikasyon ng UP Solidaridad, layunin ng mga inaprubahang resolusyon ngayong araw na bigyang solusyon ang mga suliraning kinahaharap at maaari pang harapin ng mga pahayagan. Binibigyang diin rin nito ang praktikang isinasagawa sa bawat publikasyon upang lalong mapaigting ang kaligtasan at kalayaang mamahayag.■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya