Kasama ang mga ulat nina Mar Jhun Daniel, Neil Andrew Tallayo, Beaula Frances Buena, Neil Gabrielle Calanog, Jayvee Mhar Viloria, Princess Leah Sagaad, Mervin Delos Reyes, Jerome de Jesus, Ellyzah Janelle Devilleres, Karl David Encelan, Angelo Del Prado, Marco Rapsing, Dianne Barquilla, Denyll Francine Almendras, at Karylle Payas.
DAPAT MONG MALAMAN
- Inilatag ng mga konseho mula sa mga constituent unit ng UP System ang mga nailunsad nilang kampanya hinggil sa mga multisektoral na isyu sa unang araw ng 57th General Assembly of Student Councils sa UP Tacloban.
- Kasabay ng responsibilidad sa pagpapatambol sa iba’t ibang kampanyang ito ay ang kakulangan sa student representation sa ilang mga konseho sa Unibersidad.
Tinalakay ng mga konseho ng iba’t ibang constituent units sa UP System ang kanilang mga hakbangin sa mga pangunahing isyung nakaaapekto sa sangkaestudyantehan at mga sektor ng lipunan sa unang araw ng 57th Convention of the General Assembly of Student Councils (GASC) sa UP Tacloban, ika-15 ng Agosto.
Gaya noong nakaraang taon, lumutang sa mga unit report ng mga konseho ang mga kampanya sa isyu ng kakulangan ng student spaces sa Unibersidad.
Sa sitwasyon ng UP Manila (UPM) na kasalukuyang sumasailalim sa samu’t saring mga renobasyon at konstruksyon, bitbit ng UPM University Student Council (USC) ang panawagan na “We Demand Space!”
Kabilang sa kampanyang ito ang panawagan para sa pagkakaroon ng mga espasyo para sa mga konseho at student publication, kasama ng pagkakaroon ng database para sa mga espasyong maaaring magamit ng mga mag-aaral.
Bahagi naman ng Comprehensive University Agenda ng UP Baguio USC ang kahalagahan ng pagkakaroon ng “student hubs,” physical spaces na accesible para sa mga person with disabilities, at safe spaces para sa mga kababaihan at mga bahagi ng LGBTQIA+ community.
Samantala, ibinida ng UP Los Baños (UPLB) USC ang #AtinAngSU campaign o ang 24/7 na pagbubukas ng Student Union (SU) Building tuwing “hell week” ng semestre.
Ibinahagi rin nila ang pagbubukas ng basement ng SU Building upang punan ang kakulangan ng espasyo para sa mga cultural organization sa UPLB.
“…’Yung SU namin ay may basement. Itong basement na ‘to ay napagtagumpayan natin na maging practice area ng mga cultural organizations natin at matagal na rin itong laban ng mga cultural orgs natin kaya maganda ito na napagtagumpayan, ngunit makikita natin na hindi pa rin sapat ‘yung student spaces sa UPLB kaya kailangan pa rin natin na mag-assert pa ng more spaces,” saad ni UPLB USC Councilor Lep Balbarona.
Kaakibat naman ng kakulangan ng espasyo para sa mga mag-aaral ay ang patuloy na umiigting na komersyalisasyon sa unibersidad. Itinampok ng UP Diliman (UPD) USC ang pagkakatatag ng UP Not for Sale Network upang labanan ang komersyalisasyon sa unibersidad, gaya ng pagbukas sa kontrobersyal na DiliMall at ang paghawan ng mga awtoridad sa mga tindahan sa Area 2.
Kampanya laban sa militarisasyon
Hindi lamang pagpasok ng mga private enterprise ang bantang kinahaharap ng mga espasyong nakalaan para sa mga mag-aaral sa unibersidad. Inisa-isa rin ng mga konseho ang mga kampanya laban sa patuloy na pagpasok ng mga elemento ng estado sa iba’t ibang campus pati na ang kalakip na banta ng mga ito sa academic freedom ng mga mag-aaral.
Bilang parte ng kampanyang “Defend UP,” ibinahagi ng UPD USC ang pagkakatatag ng Committee on the Protection of Freedoms and Rights laban sa panghihimasok ng mga pulisya sa campus.
Nagpahayag naman ng pagkundena ang mga konseho sa naganap na public hearing sa Senado noong ika-6 ng Agosto, kung saan tahasang ni-redtag ang iba’t ibang mga miyembro ng komunidad ng UP.
Pagtugon sa iba’t ibang isyung panlipunan
Bukod sa mga isyung pang-Unibersidad, tumatagos din sa mga isyung panlipunan ang mga kampanyang itinampok ng mga konseho sa GASC.
Sa kampanya kontra pyudalismo, ibinahagi ng UPLB USC ang adbokasyang “Lupa ay Buhay” na kinapapalooban ng mga educational discussion tungkol sa kalagayan ng mga magsasaka at ang #DefendLupangTartaria.
Tampok din sa mga unit report ang mga kampanya ng mga konseho laban sa Charter Change, jeepney phaseout, at pang-aabuso sa kalikasan, kababaihan, at LGBTQIA+ community.
Kakulangan sa student representation
Kaalinsabay ng mga naisagawang kampanya, lumutang din ang isyu sa kakulangan sa student representation sa ilang konseho sa UP System.
Sa kasalukuyan, mayroon pang anim na bakanteng puwesto sa UPM USC samantalang 56 na puwesto naman ang hindi pa napupunan sa mga student council sa UPLB.
Isa sa mga konsehong marami pang bakanteng puwesto ay ang UPLB College of Development Communication SC (CDC SC).
Para kay CDC SC Chair Gean Magbuo, malaking tulong ang pagsasagawa ng Students’ Agenda and List of General Demands (SAGD) at Students’ Legislative Chamber (SLC) upang higit na mailapit ang mga kampanyang bitbit ng mga konseho sa mga estudyante.
“Malaki ‘yung papel na ginampanan ng SAGD at SLC para maidala sa mga estudyante ‘yung kung paano ba tayo makakapagkonsolida sa kung ano ‘yung kagustuhan sa pag-oorganisa at ano ‘yung mga pangmasang kampanya na binibitbit natin,” giit ni Magbuo.
Ang SAGD ay naglalaman ng mga pangunahing kahilingan ng mga mag-aaral ng UPLB na inihahain sa Chancellor nito. Samantala, ang SLC naman ang pinakamataas na policy-making body ng mga konseho sa UPLB.◼️



