Kasama ang mga ulat nina Mervin Delos Reyes, Jan Paolo Pasco, at Dianne Barquilla.


DAPAT MONG MALAMAN

  • Iginiit ni Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel na tadtad ng panlilinlang ang inilatag na alokasyon para sa 6.35 trilyon 2025 national budget.
  • Malaki ang inilaang pondo para sa imprastraktura ngunit kulang ang napupunta para sa bagong pasilidad ng DepEd at pinapatawan ng budget cuts ang SUCs.
  • Pinag-aagawan ng traditional politicians ang mga big-ticket project ng DPWH para pagkakitaan.

Binutbot ni Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel ang alokasyon ng ipinasang ₱6.35 trilyon na 2025 national budget ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. Ang naturang halaga ay 10% na mas mataas kumpara sa 5.77 trilyon na badyet ngayong taon. 

Sa naging diskusyon niya sa 57th Convention of the General Assembly of Student Councils (GASC) sa UP Tacloban kahapon, Agosto 16, pinuna ni Manuel ang butas sa proseso ng alokasyon, kung saan makalulusot ang mga badyet para sa pork barrel at korapsyon. Bukod dito, posible rin daw na malaking halaga ang iikot sa imperyalistang giyera, pasismo, at sistemang padrino.

Ipinanawagan din ng kongresista ang sapat na badyet para sa agrikultura at serbisyong pampubliko, pagwakas sa kontraktwalisasyon, tuluyang pagbasura sa pork barrel, at paglaban sa imperyalistang giyera, pasismo, at korapsyon.

Korapsyon sa mga proyektong imprastraktura

Binatikos ni Manuel ang ilan sa mga proyektong iniaalok ng kasalukuyang administrasyon. Ayon sa kaniya, ang “Bawas-Dagdag-Habol” na mekanismo ni Marcos Jr. ay isang bagong modus na aabusuhin ang alokasyon para sa unprogrammed appropriations na “standby authority” para bigyang karagdagang obligasyon ang mga priority program ng bawat ahensya. Ibabawas kasi nila sa programmed appropriations ang serbisyo-publiko at big-ticket projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para idagdag sa unprogrammed appropriations kung saan mawawalan ito ng tiyak na pondo. 

“So anong effect no’n sa social services, sa pagtaas ng sahod? Ibig sabihin, hindi tiyak ‘yung pang-source nila kasi nga nilagay sila dun sa unprogrammed appropriations. After nung bawas, dahil may space na, dun na nila maipapasok ‘yung gusto nilang fly-over, ‘yung gusto nilang kung ano pang mga mapagkakakitaan nila na mga proyekto,” giit niya.

Bukod dito, sa kabila ng malaking badyet ng gobyerno para sa malawakang infrastructure projects, tila kapos pa rin daw lagi ang perang para sa mga bagong pasilidad ng Department of Education, pati na sa mga budget cuts sa state universities and colleges (SUCs). “Isa sa mga pinagkukuhanan ng mga pinag-aagawan ng mga traditional politicians [ay] ‘yung mga budget for big-ticket infrastructure projects kung kaya, ‘yung budget para sa mga bagong classroom ng Department of Education tapos ‘yung capital outlay ng SUCs natin, binabarat.”

Iginiit din ng kongresista na ang umano’y pang-aabuso sa unprogrammed appropriations ay nagbibigay ng butas upang dagdagan ang kapangyarihan ng presidente. “Naba-bypass ‘yung power ng Kongreso do’n sa budget process kapag may gano’ng seal na pagkatapos aprubahan ‘yung national budget na dapat itemized lahat, nabibigyan pa ng power ‘yung iisang tao, ‘yung presidente, na magtakda [kung] saan mapupunta ‘yung mga pera na p’wedeng panggastos sana for social services.”

Lumalalang pagkiling sa imperyalistang giyera at pasismo

Sa kabilang dako, umabot sa 50.7% ang itinaas ng pondo para sa defense habang 0.2% lamang sa kabuuang serbisyo-publiko na binubuo ng kalusugan, edukasyon, agrikultura, pabahay, transportasyon, at iba pa. Sa kabila ng pahayag ng administrasyon na paubos na ang mga New People’s Army (NPA) guerilla front sa bansa, lumobo nang apat na beses ang pondo para sa Barangay Development Fund ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict papuntang ₱7.8 bilyon mula sa dating ₱2.1 bilyon.

Sa sektor naman ng agrikultura, ₱211 bilyon ang inilaan para sa Department of Agriculture at Department of Agrarian Reform. Gayunpaman, walang napunta para sa production subsidy ng mga magsasaka at kompensasyon sa mga apektado ng El Niño at La Niña, at patuloy pa rin ang pribatisasyon at komersyalisasyon ng mga serbisyo-publiko sa bansa.

Dahil dito, nanindigan si Manuel na kailangang malaman at maunawaan ng sambayanan ang prosesong dinaraanan ng kaban ng bayan. “Kung hindi natin mamumulat ang ating mga kababayan sa [kung] paano nagbabadyet ang kasalukuyang administrasyon, sayang ‘yung mga datos na mayroon tayo, so kailangan pa nating ipakalat siya sa mas marami.■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya