Kasama ang mga ulat nina Mar Jhun Daniel, Neil Andrew Tallayo, Beaula Frances Buena, Neil Gabrielle Calanog, Jian Martin Tenorio, Princess Leah Sagaad, Mervin Delos Reyes, Lourain Anne Suarez, Jan Paolo Pasco, Jerome de Jesus, Ellyzah Janelle Devilleres, Karl David Encelan, Angelo Del Prado, Kyla Balatbat, Dianne Barquilla, Denyll Francine Almendras, at Karylle Payas.
DAPAT MONG MALAMAN
- Pabor ang mga student council ng UP System na hikayatin ang pamunuan ng Unibersidad na suportahan ang Campus Press Freedom Bill.
- Sa kabuuan, 18 mga resolusyon ang naipasa sa dalawang araw na resolution building.
- Hihimayin ang natitirang limang mga resolusyon sa isang online GASC na gaganapin bago matapos ang Agosto.
Lusot na sa 57th Convention of the General Assembly of Student Councils (GASC) ngayong ikatlo at huling araw, Agosto 17, ang resolusyong inihain ng CDC Student Council (CDC SC) na hihimok sa pamunuan ng Unibersidad na suportahan ang pagsasabatas sa House Bill No. 1155 o ang Campus Press Freedom Bill (CPFB).
Matapos ang ilang mga manipestasyon at rekomendasyon mula sa ibang mga konseho sa GASC, inaprubahan ang Resolution No. 2024-033 o “A Resolution Calling on the General Assembly of Student Councils to Urge the UP Administration to Support the Passing of House Bill No. 1155 also known as the Campus Press Freedom Bill.”
Ang CPFB ay ipinapanukala na pagtibayin at isulong ang campus journalism at campus press freedom sa bansa sa gitna ng mga kaso ng campus press freedom violations. Tangan din nito ang pagdiriin na hindi sapat ang proteksyong nakakamit ng mga student publication sa ilalim ng kasalukuyang Campus Journalism Act of 1991.
Binuksan ni CDC SC Chair Gean Magbuo ang paghimay sa nasabing resolusyon. Aniya, mahalagang maipasa ang resolusyon upang mas mapaigting ang kampanya para sa karapatang mamahayag sa loob ng Unibersidad, lalo pa’t maraming mga pahayagan ang nakararanas ng supresyon.
“Sa lumalalang krisis sa edukasyon, kinakailangan natin ang puwersa ng student publications upang palakasin pa ang student participation gamit ang kanilang talas sa pagpapahayag, at magagampanan lamang nila ito nang buong husay kung garantisado ang kanilang mga karapatan at kaligtasan,” giit ni Magbuo.
Naging positibo naman ang pagtanggap ng mga konseho sa resolusyon sapagkat batid din nila ang mga hamong kinahaharap ng student publications sa kani-kanilang constituent unit.
Mga hamon sa student publications
Ibinahagi ng UP Visayas University Student Council (UPV USC) na sila lamang ang constituent unit sa UP System na walang university-wide student publication. Kalakip nito ang pagkilala sa UP Solidaridad, ang alyansa ng mga publikasyon at writers’ organization sa buong UP System, dahil sa pagtulong nito sa gumugulong na pagtatatag ng The Visayan Current, ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng UPV.
Kasamang idinadaing dito ng UPV USC ang kahirapan sa pag-akses sa pondo ng kanilang mga college publication, Ang Mangingisda at Pagbutlak, dulot ng burukratikong proseso sa kanilang pamunuan.
Binigyang-diin naman ng UP Diliman (UPD) College of Mass Communication Student Council ang pag-aaral ng Union of Journalists of the Philippines-UP na 12 sa 17 campus publications sa UPD ang inactive dahil sa kakulangan sa pondo at kagamitan.
Hindi rin pinalampas sa diskusyon ang problema ng mga college publication, tulad ng Tinig ng Plaridel, na dumaranas ng kahirapan sa kani-kanilang recognition process. Ibinahagi rin ng UPLB College of Economics and Management Student Council ang sitwasyon ng kolehiyo sa pagkakaroon ng sariling college publication na humaharap din sa burukratikong proseso.
Kaya naman, sa pagpasa ng resolusyong ito, inaasahang bubuo ang GASC ng koalisyong binubuo ng UP Solidaridad, mga student organization at publikasyon, faculty at personnel, at stakeholders na isulong ang campus press freedom at ibasura ang Campus Journalism Act of 1991.
Kabilang din sa probisyon ang pagbuo ng pormal na petisyon sa Kongreso para sa pagratsada ng CPFB upang masiguro ang mas maigting na proteksyon para sa mga campus journalist.
Pagkakaisa ng mga pahayagan
Bukod sa resolusyong ipinasa sa GASC, aprubado rin ng mga miyembrong publikasyon ng UP Solidaridad sa sarili nitong pagtitipon ang Resolution No. Soli-2024-010 o “A Resolution Calling on UP Solidaridad and its Member Publications to Intensify the Campaigns for the Urgent Passage of the Campus Press Freedom Bill.”
Sa resolusyong ito, inaatasan ang mga miyembrong pahayagan na gamitin ang kanilang mga plataporma upang magpalawak ng kamalayan tungkol sa CPFB sa labas ng mga campus publication.
Kinakailangan ding mag-ulat ang mga pahayagan sa alyansa tungkol sa mga nararanasan nilang campus press freedom violations.
Sa pamamagitan ng dalawang resolusyong naipasa sa GASC at UP Solidaridad Congress, umaasa ang mga student publication na mapapabilis ang pagkakapasa ng CPFB.
Sa privilege speech ni outgoing UP Solidaridad Vice Chairperson for Mindanao Jay Lozano, sinabi niyang kailangan ang batas na ito upang manaig ang katotohanan.
“Paano nga ba magagawang magsulat, maglingkod, at magpalaya ng ating mga publikasyon kung hindi namin natatamasa ang genuine na campus press freedom? Ang kailangan namin ay isang batas na may pangil na kayang kumagat at pumalag sa kung sinuman ang magtangkang hamunin ang aming kalayaang magpahayag,” ani Lozano.
Iba pang mga resolusyon sa GASC
Bukod sa resolusyong nakasentro sa campus press freedom, may 17 pang mga resolusyon ang naipasa bago tuluyang suspendihin ang resolution building ngayong huling araw ng GASC.
Ilan sa mga ito ay nakapokus sa students rights and welfare at good governance and public accountability.
Kabilang na rito ang isa sa mga resolusyong hinimay at naaprubahan kahapon, “A Resolution Urging the General Assembly of Student Councils to Campaign for the Passage of Students’ Rights Bill or House Bill No. 257,” na isinulat ng UPV USC at UPV College of Arts and Sciences Student Council (UPV CAS SC).
Kasama sa resolusyon ang patuloy na pagkampanya ng GASC para sa pagkakapasa ng panukalang batas at pagpapakalat ng impormasyon tungkol dito sa pamamagitan ng educational discussions, porum, at iba pang uri ng talakayang isususulong sa loob ng Unibersidad at maging sa ibang academic institution.
Aprubado rin ng mga konseho ang “A Resolution to Institutionalize and Uphold Genuine Academic Break Across All UP Units” na sinulat ng UP Cebu USC at UPV CAS SC.
“The GASC push[es] for comprehensive student, staff, and faculty consultations [which] shall be conducted from different administrative campus units regarding the academic calendar, recognizing students as the primary stakeholders affected by its implementation,” base sa nasabing resolusyon.
Samantala, aprubado rin ang resolusyong inihain ng UP Baguio USC at UPV USC na pinamagatang “A Resolution Urging the 57th General Assembly of Student Councils to Encourage All UP Student Formations to Institutionalize and Strengthen the Roles of Gender Officers.”
Binibigyang-diin ng resolusyon ang paghikayat sa lahat ng mga UP student formation na gawing institusyonal ang pagtatalaga at palakasin ang mga tungkulin ng kanilang mga gender officer.
Maging ang “A Resolution to Initiate Voters’ Education Campaign for the Youth Sector and Launch Voter Registration Drives in Preparation for the Upcoming Midterm Election” na isinulat ng UPD College of Social Sciences and Philosophy Student Council at UPD National College of Public Administration and Governance Student Council (NCPAG SC) ay aprudo ng lupon.
Kasama sa mga probisyon nito ang pagbuo ng pinakamalawak na koalisyon para sa pakikilahok ng mga kabataan sa electoral processes, kabilang ang aktibong pakikibahagi sa Sangguniang Kabataan elections at mga inisyatiba para sa youth representation.
Tinalakay rin ang “A Resolution Urging the General Assembly of Student Councils to Campaign for the Passage of an Anti-Political Dynasty Law” na isinulat ng UPD NCPAG SC at UP Tacloban Student Council.
Bukod dito, naipasa rin ang resolusyong mangangalampag sa administrasyong Marcos Jr. na arestuhin si Apollo Quibolloy—”A Resolution Urging the Marcos Jr Administration to Expedite and Exert All Means for the Arrest of Apollo Quiboloy” na inihain ng UP Mindanao USC.
May mga aprubadong resolusyon ding kumukondena sa pang-aangkin ng China sa West Philippine Sea at tumatalakay sa mga isyung pangkalikasan.
Inihabol din ngayong araw ang “A Resolution Urging All UP Student Councils to Launch a System-Wide Bolster and Sustain Campaigns to Support the Tacloban 5 and Expose Systemic Ills in the Eastern Visayas Region.”
Ito ay matapos ang insidente ng panghaharang ng halos 50 miyembro ng pulis ng Tacloban City sa humigit-kumulang 160 estudyanteng delegado ng GASC sa ikinasa nilang lightning rally kahapon.
“The GASC shall conduct paralegal trainings to equip the UP Student Councils of the legal procedures and possible legal remedies as part of the proactive solution for the campaign against state fascism,” saad sa isa sa mga probisyon ng resolusyon.
Samantala, mayroon pang natitirang limang resolusyong ipinagpaliban ang GASC. Itutuloy ang paghimay sa mga ito sa e-GASC, isang online resolution building na gaganapin bago matapos ang buwan.
Ang mga naipasang resolusyon ngayong GASC ang magsisilbing gabay ng susunod na UP Student Regent sa kaniyang termino. Ito ang mga panawagang isusulong niya bilang nag-iisang kinatawan ng sangkaestudyantehan ng Unibersidad sa UP Board of Regents.■



