DAPAT MONG MALAMAN
- Si Francesca Duran, nominado ng UP Diliman at UP Mindanao ang iniluklok na 41st Student Regent sa nagdaang GASC 57 sa UP Tacloban.
- Karamihan sa mga konseho na pumili kay Duran ay inirason ang pagkakaroon niya ng kagyat na konsultasyon sa mga konseho ng Unibersidad.
- Pumangalawa si Carla Ac-Ac ng UP Los Baños bilang SR Nominee at pangatlo naman si Paul Lachica ng UP Tacloban.
Hinirang ang nominado ng UP Diliman at UP Mindanao na si Francesca Duran bilang ika-41 na UP Student Regent (SR) sa katatapos lamang na 57th Convention of the General Assembly of Student Councils (GASC) nitong Agosto 15-17 sa UP Tacloban.
Sumentro sa kaniyang naging plataporma ang pagkokonsolida at pagpapatambol ng mga panawagan ng iba’t ibang constituent at regional units sa UP Board of Regents (BOR), kasabay ng pagpapalakas ng Office of the Student Regent para sa representasyon ng mga mag-aaral.
“Wala na pong ibang hamon para sa atin ngayon, wala na po tayong iba pang responsibilidad kung ’di lumaban, kung ’di makibaka at balikan natin ang national significance at militanteng kasaysayan ng ating Unibersidad,” giit ni Duran sa kaniyang pagtanggap ng katungkulan bilang kaisa-isang kinatawan ng sangkaestudyantehan ng UP System sa BOR.
Gayunpaman, hindi naging madali para sa ibang konseho ang pagpili kay Duran at sa iba pang mga kandidatong sina Carla Ac-ac na nominado ng UP Los Baños at Paul Lachica na nominado ng UP Tacloban. Kabilang na rito ang UP Mindanao University Student Council (USC) na sinabing saksi sila sa “individual competencies ng bawat isa.”
Sa huli, nangibabaw ang pasya na iluklok si Ac-ac bilang pangalawang SR nominee, kasunod si Lachica para sa ikatlong puwesto, matapos maghain ang UP Tacloban Student Council ng mosyon para sa isang consensus sa pagkakasunud-sunod ng mga hihiranging nominado.
Isang konsultatibong lider
Malaking bahagi ng naging pagpili ng mga konseho kay Duran ay ang anila’y kaniyang pagiging konsultatibo na nagpalitaw ng kaniyang simpatya at pakikiramay sa mga constituent nito. Para sa UP Baguio USC, mahalaga para sa kanila ang nasabing prinsipyo na siyang magiging mitya raw ng interpersonal relationship at malinaw na pagtataas ng mga suliranin ng mga constituent units sa BOR.
“Going into GASC, blank slate talaga [kami] pero, malinaw ang aming batayan… si Chesca po ang tanging SR nominee na lumapit sa aming konseho para makipag-usap tungkol sa karanasan namin bilang small regional constituent unit,” saad ng kanilang tagapagsalita.
Sinuportahan naman ito ng UP Cebu USC na sinabing ang naging paglapit din sa kanila ni Duran ang nagpakita ng kaniyang “willingness at interests” sa mga kaganapan sa kanilang rehiyon.
“Dito bilang OSR, nakita namin [siya] na magiging madiin sa pagiging consultative and alliance worker… [kaya] mas may taglay na kakayahan si SR Nominee Duran,” dagdag pa nila.
Tampok sa mga plano ni Duran ang pagpapalakas sa alyansa ng KASAMA sa UP at UP Solidaridad, ang dalawang alyansa ng pangkalahatang konseho at mga publikasyon sa buong UP System, kasama ng malalim na pag-iimbestiga at pangangampanya laban sa iba pang suliranin sa Unibersidad.
Bukod dito, ninanais din niyang maghain ng mga alternatibong development policy laban sa banta ng komersyalisasyon sa mga constituent unit, busisiin ang paggamit ng lupa at planong pang-imprastraktura ng Unibersidad, at pagpapalawig sa mga alyansa tulad ng UP Not for Sale Network.
Sinusugan din ng UP Mindanao USC ang mga naunang sentimyento ng mga konseho at sinabing malaki ang magagawa ni Duran sa pagpapanalo ng iba’t ibang mga panawagan.
“Yung pagkakaroon ng commitment to connect sa SHS (School of Health Sciences), sa budget cuts… sa institutional experiences namin, sa pagkakaroon ng experience sa institutional work at kung papaano makikihalubilo sa mga may hawak na katungkulan sa UP bilang siya rin ang uupo sa highest policy-making body… hindi lang tayo magkakaroon ng tactical gains but magkakaroon [din] ng technical victories,” giit nila.
Sa pag-upo ni Duran bilang pinakabagong rehente, haharapin niya ang mga isyu ng sangkaestudyantehan ng UP System sa patnubay ng 18 resolusyong pinino ng mga konseho sa nagdaang GASC 57. Ang natitirang mga resolusyong naudlot dahil sa kakulangan sa oras ay bubutbutin naman sa isang emergency GASC (e-GASC) ngayong Agosto. “Tayo ang magpapatuloy upang patuloy nating mapagtagumpayan ang ating inaasam na pambansang demokrasya, ang national, scientific at mass-oriented education para patuloy nating maipaglaban ang ating mga karapatan bilang mamamayang Pilipino,” panata ni Duran.



