
“Para kanino ang campus press?”
Isa ito sa mga katanungan ni Neil Eco ng AlterMidya sa kaniyang naging educational discussion kasama ang mga miyembrong pahayagan sa nagdaang UP Solidaridad Congress 2024 nitong ika-12 at 13 ng Agosto. Sa aking pagninilay, napagtanto ko na marahil isa na rin talaga itong paraan upang mas makilala rin ang aking sarili’t rason kung bakit nga ba ako sumali sa Tanglaw—mga tanong tulad ng “bakit ba ako nag-aaral upang maging manunulat” at “para saan ba ang pagsusulat ko ng opinyon?” ay siyang bumagabag sa aking isipan.
Sentro sa UP SoliCon 2024 ang mabusising proseso ng pagkilala sa mga publikasyon, gaya na lamang sa kasalukuyang lagay ng Tanglaw, Tinig ng Plaridel, at Lanog na patuloy pa ring nakabinbin ang proseso. Kaakibat din ng mga diskusyong ito ay ang kakulangan ng pondo para sa mga publikasyon sa UP System na siyang nagdudulot ng kahirapan sa pagtataguyod ng mga aktibidad ng pahayagan.
Sa katunayan, nakapanlulumong marinig ang iba’t ibang kuwento ng paghihirap na dinaranas ng bawat publikasyon sa UP. Tila mga “second-class citizen” tayo sa sarili nating pamantasan—bukod sa pondo, pahirapan pa tayo minsan makakuha ng permiso upang makapasok sa iba’t ibang kaganapang inilulunsad mismo ng Unibersidad. At sa pagtugon natin sa mas pinaigting na tawag para sa katotohanan, kaakibat ng responsibilidad nating mga student-journalist ang banta ng panganib dulot ng peligrosong pulitikal na klima para sa mga manunulat.
Gayunpaman, may isa akong napagtanto ukol sa aking mga katanungan habang kabilang sa mga reporter para sa ulat ng Tanglaw ukol sa UP SoliCon 2024: sa kasalukuyang klima ng pamamahayag, mas mahalaga ang ating papel sapagkat isa tayo sa mga kritikal na daluyan ng impormasyong naglalayong magpalaya.
Hindi lingid sa ating kaalaman ang nagpapatuloy na militarisasyon, red-tagging, at pandarahas na nangyayari sa loob at labas ng pamantasan tungo sa parehong mga aktibista’t manunulat, mapa estudyante man o propesyunal. Kabilang sa maraming biktima nito ay si Frenchie Mae Cumpio, ang tumatayong editor in chief ng Eastern Vista, at isa sa mga inarestong kabilang sa Tacloban 5 na hanggang ngayo’y nakakulong pa. Sa naging ulat ng Rappler, kilala si Cumpio para sa kaniyang mga ulat ukol sa mga naging paglabag sa karapatang pantaongmga magsasaka’t sa pagdami ng militar sa mga ‘di umanong “rebel hotbeds” sa Visayas. Ang pagtatapos ng 2019 ay siyang naging hudyat ng pagsisimula ng panggigiit ng mga hindi kilalang tao sa kaniya. Sa ngayon ay kinahaharap ni Cumpio at ng kaniyang mga kasama ang patong-patong na gawa-gawang kaso laban sa grupo.
Ngunit, hindi naman nito napigilan at hindi dapat tumigil ang mga publikasyon sa patuloy na pagsulong ng malayang pamamahayag, bagkus ay nagbibigay-tibay lamang ito sa rason kung bakit natin kailangang pagbutihin pa. Kung titingnan, ang mga bagay na inuulat ng campus press ay karaniwang hindi inilalathala ng malalaking corporate newsrooms. Bukod sa mga kaganapan sa loob ng pamantasan, ang pahayagang pang-uniberdad ay nag-uulat din ng mga pangyayari sa kanilang mga komunidad na kinabibilangan at sa mga pang-rehiyong isyu.
Kaya naman marapat lang na talagang maisulong ang mga resolusyong naitaguyod sa UP SoliCon 2024. Kabilang na dito ang mga resolusyon ukol sa pagkilala ng Unibersidad sa mga pang-kolehiyong publikasyon, paglalaan ng pondo, at pagsasapasa ng Campus Press Freedom Bill na siyang naglalayong patibayin at palaguin ang saklaw na batas na siyang pumoprotekta sa malayang pamamahayag ng mga kapwa ko student-journalist sa likod ng mapaniil na klima ng pagbabalita. Mahalaga ang mga ito sapagkat ang campus press ay para sa masa—ito’y mapangmulat sa parehong estudyante’t komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng plataporma upang mas dinggin ang kanilang mga panawagan.
“Knowledge is power,” ika nga, at tungkulin nating mga manunulat ang gisingin ang diwang makabayan sa pamamagitan ng pagpapanday ng ating sining; kahit takot ay ating susuungin. Isulong ang malayang pamamahayag, at isang taas-kamao at mapagpalayang National Press Freedom Day sa ating lahat!




You must be logged in to post a comment.