DAPAT MONG MALAMAN

  • Tinalakay ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation Chairperson ng Bay, Laguna na si Alfred Reyes ang mga naging hakbanginng kanilang samahan sa preparasyon para sa Kundayan sa Kalye. 
  • Ibinahagi ni SK Chairperson Ryan Jeff Nuevo ng Barangay Masaya ang mga hamong kinaharap ng kanilang barangay sa paghahanda at pag-oorganisa ng maraming kabataan para sa taunang kompetisyon na ito. 
  • Nagbahagi ng mensahe sina Nuevo at Reyes para sa mga kabataan at sa kung paano nila nakikita at itataguyod pa ang sining at kultura para sa mga kabataan ng Bay.

Ano ang una mong naiisip sa salitang  “fiesta”? Maaaring unang pumasok sa isip mo ay ang mga makikintab na banderitas, makukulay na kasuotan ng mga mananayaw, malalakas na tugtugin, mahahabang parada ng mga santo’t santa, at syempre, iyong masasarap na pagkain. Hindi na lalayo ang paglalarawang ito sa Fiesta Bayeña sa bayan ng Bay, Laguna.

Mula ika-23 hanggang 27 ng Agosto taon-taon, isang buong linggong ipinagdiriwang ng Bay ang kanilang pistang bayan. Marami ang mga programang nailatag dito ngunit higit na pinakahihintay ng taumbayan ang “Kundayan sa Kalye”—ang kumpetisyon ng mga masisikhay na mananayaw ng kanilang bayan. Isinasarado ang kahabaan ng kalye patungong sentro ng bayan upang paglaanan ng espasyo hindi lamang ang mga mananayaw kundi pati na rin ang mga taumbayan na higit nais na matunghayan ang pagtatanghal ng bawat kalahok. 

Bawat barangay ay may sari-sariling tema ng sayaw—madalas ay hango ito sa kasaysayan ng pagkakabuo o pagkakadiskubre ng kanilang pamayanan. Tampok nito ang mga mahuhusay na mga kabataan pagdating sa indakan at kasama na rin ang mga nagsisitingkaran at naglalakihang mga kasuotan at props. 

Kung susumahin, “bongga” ang pinakaswak na salita para ilarawan ang Kundayan sa Kalye. Maganda mang tignan at damdamin ang humahalimuyak na sining at kultura sa pista, naririyan pa rin ang mga hamon upang maitaguyod ito lalo na’t mga kabataan ang nag-oorganisa nito at sila ring mga kalahok ng kumpetisyon. 

Para sa mga kabataan ng Bay, ano kaya ang mga hamon na ito? 

Yaman sa talento, kulang sa pondo

Sa katunayan, mayaman ang Bay sa mga talento, kultura, tradisyon at higit lalong mayabong sa usaping sining o paglikha. Ngunit, kadalasa’y hindi nagiging sapat ang suporta para dito. 

Sa usaping suporta, nangunguna na rito ang hamong pampinansiyal gaya na lamang ng naranasan ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Bay sa pag-oorganisa ng Kundayan sa Kalye.

Bagaman ang mga miyembro ng SK ang pangunahing nagmamayor ng makulay na kaganapang ito, hindi raw nila maikakaila na kung anong laki ng pagdiriwang at kumpetisyon na ito, gayon naman ang liit ng pondo na nailaan para sa pag-oorganisa nito. Higit pa rito ang kahirapan sa paghahatak, pagtanggap, at pagsuporta sa mga boluntaryong kabataang mananayaw. 

Ibinahagi ni Bay SK Federation President Alfred Reyes na hindi na nagbawas ang kanilang pederasyon sa pondo na mayroon sila sapagkat inilaan na nila ito sa mga nakaraang programang pang-isports at iba pang mga pambarangay na pagdiriwang. Malaking balakid daw ang pagbabalanse at pagdedesisyon sa kung saan at kanino kukuha ng pondo para sa Kundayan sa Kalye. 

“Sa kabutihang loob ni Gobernador Ramil Hernandez, binigyan niya kami ng grant na Php100,000 [bawat] SK [barangay] dito sa bayan ng Bay… Iba’t-iba talaga ‘yung paggagamitan ng [mga] SK. Pinagbotohan na lang ng pederasyon na dito na sa Fiesta Bayeña ‘yung kalahati at ‘yung natitira ay para sa susunod na mga proyekto nila sa kabataan,” kuwento ni Reyes. 

Dagdag pa niya na bagaman mayroon silang ibinigay na pondo, nahirapan daw silang ibadyet o gawing sapat ang pera para sa pagkain, tubig, damit, props ng mga kabataang mananayaw, at bayad sa mga tagaturo ng sayaw sa loob ng isang buwan ng pag-eensayo at paghahanda.

“Sa [halos] 50 [na] dancers kada barangay, kada gabi ay kailangan silang pakainin, bigyan ng inumin…hahanap pa kami ng sponsors, ng mga magbibigay ng donations para nga maitaguyod itong kultura na ito. Hindi sila bayad, ‘yung pagod nila sa pag-eensayo at pagrepresenta sa kanilang mga barangay ay napakalaking gampanin na nito,” dagdag pa ni Reyes. 

Ibinahagi rin ng Reyes ang kanilang pagpapahalaga sa pagtutulungan para makabuo ng desisyon sa paghahati-hati ng badyet sa iba’t ibang programa o kaganapan para sa mga kabataan sa barangay. Higit na kinakailangan nilang maging masidhi sa paglalaan ng kaperahan bunga na rin sa maliit na porsyentong nakalaan para sa kanila na ayon sa datos mula sa Department of Budget and Management (DBM) nakasaad sa Joint Memorandum Circular (JMC) No. 1, s. 2019 na halos 10 porsyento lamang ng kabuuang pondo ng Sangguniang Barangay ang nakukuhang sahod at pondo ng SK. 

Wika rin niya na kadalasa’y hindi rin nagiging sapat ang naibibigay na badyet para sa mga SK, o mismo ang nasyunal na badyet para sa mga kabataan. Sa lagay ng SK ay mahirap para pagsabay-sabayin ang mga programa para sa maraming sektor na kanilang hawak higit lalo sa mga kabataan. Bagaman ganito ang mga hamon na kanilang kinahaharap sa usaping pananalapi at pagsasaayos ng mga kabataan, inilahad niya na tinitiyak pa rin ng kanilang pederasyon na ilitaw muli at palaguin pa lalo ang sining para sa mga kabataan ng Bay—na siyang hudyat ng patuloyna pagpupursigi upang maitaguyod ang Kundayan sa Kalye. 

Tawag ng sining 

Inihayag ni SK Chairperson Ryan Jeff Nuevo ng Barangay Masaya ng Bay na pinag-iigihan ng kanilang samahan na suportahan ang mga kabataan sa ganitong aspeto ng pag-unlad — sa sining at kultura. Dagdag pa niya na ang mismong pagboboluntaryo pa lamang ng mga kabataan upang itaguyod itong tradisyon na ito ay wari niya’y “tawag ng pagpapaunlad” at “hudyat ng mas malawak at inklusibong serbisyo.” 

“Volunteer sila, kailangan mabigay din namin ‘yung best naming SK to embrace them na hindi lang sila basta volunteer, and we’re here to support you. Ayaw ko na sumasayaw kayo para sa amin o para sa premyo. Sumayaw kayo dahil gusto niyo, at i-e-enhance natin iyon nang sama-sama,” wika ni Nuevo. 

Sinundan ng kabataang lider ang kaniyang mungkahi na bukod sa pagtutulungan ng SK ay kinakailangan din ang mas malakas at malawak na suporta mula sa Sangguniang Barangay upang mas higit na maitaguyod at masuportahan ang mga kabataan sa sining at bigyan ng pantay-pantay na pokus ang lahat ng mga sektor ng barangay, kaugnayna rin ang lahat ng aspeto ng pagpapaunlad ng kanilang komunidad pagdating man sa trabaho, agraryo’t industriya o ultimo sa sining.

“Hindi tayo basta kabataan lang. Naniniwala ako na may patutunguhan lahat [ang] mga talento at kakayahan na ginagawa natin. Kahit na ngayon ay hirap tayo sa badyet, itutuloy pa rin natin ang mga sustainable projects o mga programang katulad nito para sa pagpapaunlad ng ating mga sarili,” dagdag pa ni Nuevo. 

Gaya ng mga isinalaysay ng mga SK, binigyang diin ng mga ito na hindi raw dapat nakukulong ang mga talento ng mga kabataan sapagkat ito ang natatangi rin nilang yaman. 

Bagaman marami ang mga balakid para suportahan ang tuloy-tuloy na mga gawaing pang kultura at sining, hindi nito mapipigilan ang mataas na diwa at kapasidad ng mga kabataan na isulong ang makukulay na mga tradisyon at mahuhusay nilang mga talento. Hudyat na rin nito ang panawagan upang bigyan ng mas malaking suporta o pondo ang mga kabataan at ang industriya ng sining at paglikha. Gaya ng naisin ng mga SK, hindi dapat naiipit ang pondo ng bayan sa iilang mga programa lamang, kundi dapat ay imaksima ito sa higit na ikauunlad ng mga kapasidad ng taumbayan, lalong lalo na para sa mga kabataan. 

Gaya ng mga kabataan ng Bay, nawa’y magtuloy-tuloy ang talentadong pag-indak ng mga kabataan sa ritmo ng sining at kultura. Nang sa gayon, hindi lamang tayo simpleng sasayaw sa ating kabahayan o mga mga paaralan—sama-sama at sabay-sabay tayong magkukundayan sa kalye!


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya