DAPAT MONG MALAMAN
- Inaprubahan sa naganap na Council of Student Leaders kahapon ang resolusyong nagtatakda ng mga gampanin ng mga batch representative bilang mga ex-officio councilor ng CDC Student Council (CDC SC) para sa kasalukuyang pang-akademikong taon.
- Samantala, inalis ng lupon sa resolusyon ang naunang mungkahi na magkaroon ng mga organization representative sa konseho matapos magbahagi ng kanilang mga hinaing ang mga kinatawan ng tatlong organisasyon sa Devcom.
- Ang mga hakbanging ito ng CDC SC ay tugon sa kasalukuyang kakulangan ng mga nakaupong lider-estudyante sa konseho.
Pinagtibay ang resolusyong nagtatakda ng mga gampanin ng mga batch representative bilang mga ex-officio councilor ng CDC Student Council (CDC SC) para sa taong pang-akademiko 2024-2025 sa naganap na Council of Student Leaders (CSL) kahapon, ika-14 ng Setyembre.
Base sa Resolution No. 01 of A.Y. 2024 – 2025 ng CDC SC, ang mga batch representative ay bubuuin ng mga mag-aaral na may dalawa pang natitirang semestre sa kolehiyo at nagboluntaryo bilang kinatawan ng kanilang batch na tumutukoy sa taon na pumasok sila sa Unibersidad.
Magkakaroon ang mga kinatawan ng karapatang bumoto sa mga pagpupulong at deliberasyon at irepresenta ang interes ng kani-kanilang batch sa konseho.
Maaari ring maluklok ang mga batch representative sa hanggang dalawang komite sa konseho. Ang mga komite sa CDC SC ay binubuo ng Education and Research, Gender Rights and Welfare, Students Rights and Welfare, Finance and Logistics, Community Rights and Welfare, at Publicity and Documentation.
Pagtanggal sa mga organization representative
Samantala, hindi nakalusot sa CSL ang panukalang pagkakaroon ng mga organization representative bilang mga ex-officio councilor sa konseho.
Matatandaang nauna itong iminungkahi sa naganap na CSL noong ika-31 ng Agosto. Subalit, ipinagpaliban muna ang pagpapasa ng resolusyon upang muling pag-usapan sa isa pang CSL.
Bilang bahagi ng naganap na resolution-building kahapon kung saan hinimay ang dokumento at nagmungkahi ng mga pagbabago rito, nagpahayag ng mga hinaing hinggil sa panukalang pagkakaroon ng mga organization representative ang tatlong organisasyon ng CDC.
Ibinahagi ni Marius Cristan Pader, Chief Anchor ng UP Community Broadcasters’ Society, na maaaring hindi maging “genuine student representation” ang pagkakaluklok ng mga organization representative sa konseho. Maaari rin umanong maapektuhan ang awtonomiya ng mga organisasyon at ng CDC SC.
Inilahad din ni Beatrix Zaira Daysor, Executive Secretary ng UP Alliance of Development Communication Students, ang kanilang “reservations” hinggil sa panukala, partikular sa magiging epekto nito sa estruktura ng kanilang organisasyon at ang pagkakaiba sa mga gampanin ng mga organization representative at konsehal.
Ipinunto naman ni Juthea Anne Gonzales, Secondary Source ng UPLB Development Communicators’ Society, ang magiging “welfare” ng mga maipapadalang organization representative at ang kakailanganing “monitoring” para rito.
Buhat ng mga nailatag na isyu, naghain ng mosyon si Pader upang alisin ang mga organization representative sa resolusyon na inaprubahan naman ng lupon.
Isyu sa student representation
Ang hakbangin hinggil sa pagkakaroon ng mga batch at organization representative ay buhat sa kasalukuyang kakulangan ng mga nakaluklok sa konseho.
Sa ngayon, apat lamang ang nakaupo sa CDC SC kabilang na ang chair, vice chair, at college representative to the University Student Council. Mayroon ding isang konsehal ang konseho, malayo sa 10 posisyong nakatakda para sa CDC.
Ayon sa resolusyon, “…with numbers not reaching half of the supposedly proponents of the executive committee, the need for manpower arises to ensure an effective and genuine student representation in the local college.”
Dagdag pa nito, “the UPLB CDC Student Council shall adapt a mechanism to ensure student representation in the highest student-governing body of the local college through the appointment of Batch Representatives.”
Matatandaang sa naganap na College Miting de Avance para sa CDC SC noong ika-16 ng Mayo ay lumutang na rin ang isyu ng kakulangan ng tao sa konseho, ang pakikipagtulungan sa mga organisasyon hinggil dito, at ang pagkakaroon ng mga batch representative.
Hindi na rin bago sa CDC SC ang usapin ng manpower sa konseho. Noong nakaraang termino ay apat na konsehal lamang ang naluklok sa CDC SC.



