DAPAT MONG MALAMAN
- Inaprubahan sa ginanap na eGASC 2024 ang resolusyong nagsusulong ng mas mataas na alokasyon ng budget para sa mga maka-estudyanteng serbisyo at espasyo sa Unibersidad.
- Aprubado rin ng konseho ang resolusyong nag-uusad ng isang makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon sa pamamagitan ng pagbasura sa Senate Bill No. 2457.
- Huling tinasa sa pulong ang resolusyong nag-eendorso sa Fossil Fuel Non-Proliferation Treaty na naglalayong protektahan ang bawat komunidad sa mga banta ng fossil fuels.
Ilang linggo matapos ang naunang pagtitipon ng mga konseho sa UP Tacloban noong ika-15 hanggang 17 ng Agosto, inaprubahan sa ginanap na online na emergency convention ng General Assembly of Student Councils (eGASC) 2024 nitong ika-14 ng Setyembre ang tatlo sa apat na resolusyong hindi natalakay noong nagdaang pulong.
Matatandaang napagkasunduan sa 57th GASC noong ika-17 ng Agosto ang paglulunsad ng eGASC upang himayin ang mga resolusyong hindi natalakay bunsod ng kakulangan sa oras at mga lohistikal na limitasyon.
Ayon sa Memorandum No. OSR-FMMD 2024-001 ng UP Office of the Student Regent (OSR), mahalaga ang agarang pagtalakay sa mga nabinbin na resolusyon upang magsilbing gabay sa mga kampanyang bibitbitin ng mga student institution sa kasalukuyang pang-akademikong taon.
Ang naunang resolusyong inihain sa eGASC hinggil sa pagtutol sa Enhanced Defence Cooperation Agreement sa Pampanga ay napagkasunduan munang ipagpaliban sa susunod na regular na GASC upang higit na mapalawak ang saklaw nito, partikular sa iba’t-ibang rehiyon sa Pilipinas na mayroon ding military bases.
Panawagan sa serbisyo at espasyong pang-akademiko
Unang naaprubahan sa pagpupulong ang Resolution No. 2024-039 o “A Resolution Urging the GASC to Criticize PAAJ’S [UP President Angelo A. Jimenez] R2-5K [Road to 5K Program] and Demand Adequate and Accessible Student Services Across All UP Constituent Units” na nagbibigay-diin sa mandato ng UP alinsunod sa Republic Act No. 9500 o “University of the Philippines Charter of 2008” na makapagbigay ng “accessible quality education” sa sangkaestudyantehan.
Binutbot sa nasabing resolusyon ang patuloy na pagtutulak ni Jimenez sa R2-5K na naglalayong makamit ang student population na 5,000 para sa UP Mindanao pagtungtong ng taong 2029.
Naalarma ang mga konseho sa nasabing programa dahil sa patuloy na nararanasang kakulangan sa student services at pagkitid ng sapat, aksesable, at demokratikong espasyo para sa sangkaestudyantehan at mga organisasyon bunsod ng patuloy na budget cuts sa Unibersidad.
Kaakibat nito, naging matunog ang usapin sa kakulangan sa sapat na budget upang tugunan ang kinakailangang specimens ng mga mag-aaral sa UPLB College of Veterinary Medicine (CVM), na kamakailan lamang ay nakaranas ng intimidasyon mula sa administrasyon ng kolehiyo.
Ayon sa UPLB University Student Council, mahigit 50 estudyante ang hindi makakakuha ng sapat na major courses sa CVM na siyang magdudulot ng pasa-pasang epekto ng pagka-delay ng mga mag-aaral sa pagbubukas ng panibagong taong pang-akademiko.
Tungo sa makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon
Aprubado rin ng mga konseho ang Resolution No. 2024-040 o “A Resolution Maximizing The General Assembly Of Student Councils To Strongly Forward A Nationalist, Scientific, and Mass-Oriented Education System By Campaigning To Junk Senate Bill No. 2457.”
Binibigyang-diin sa nasabing resolusyon ang kahalagahan ng pagkamit sa isang sistema ng edukasyong makabayan, siyentipiko, at makamasa—kakabit ng pagsulong sa pagbabasura ng Senate Bill No. 2457 na nagmamandatong itigil ang paggamit ng mother tongue bilang wikang panturo o medium of instruction mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Nakasaad sa resolusyon na ang paglimita sa medium of instruction ay isang manipestasyon ng komersiyalisado, malakolonyal, at represibong porma ng edukasyon sa bansa.
Bilang pagtugon dito, hinihikayat ng resolusyon ang mga konseho na paigtingin ang mga kampanya sa pagsulong ng makabayang edukasyon.
Pagtugon sa krisis pangklima
Huling nakalusot sa ginanap na eGASC ang Resolution No. 2024-041 o “A Resolution Urging the General Assembly Of Student Councils to Endorse the Fossil Fuel Non-Proliferation Treaty and Create System-Wide Efforts to Call for a Just Transition to Safe, Renewable, and Affordable Energy For All.”
Ang huling resolusyon ay tumalakay sa kagyat na pagtugon sa sunod-sunod na kalamidad na nararanasan sa iba’t ibang dako ng bansa sa pamamagitan ng pag-eendorso sa Fossil Fuel Non-Proliferation Treaty.
Ang nasabing kasunduan ay naglalayong protektahan ang bawat komunidad mula sa banta ng fossil fuels sa kalagayang pangklima at pangkalusugan. Layon din nitong makapaglaan ng global roadmap na kinakailangan upang mapahinto ang malawakang paggamit ng fossil fuels at makamit ang sustenableng enerhiya sa mga komunidad.
Bitbit ng nasabing resolusyon ang pagbabalangkas ng malawakang inisyatibo upang masiguro ang “safe, renewable, and affordable energy for all” sa pamamagitan ng kolaborasyon sa mga National Democratic Mass Organizations, non-government organizations, at iba pang grupo.
Hinihimok din ng resolusyon ang mga konseho na maglunsad ng mga kampanya, diskusyon, at pagsusuri tungo sa makatarungang transisyon sa malinis, abot-kaya, at sustenableng enerhiya.



