DAPAT MONG MALAMAN
- Minulat ng Devcom sina Andy at Maan sa mga isyung panlipunan at sa mga sariling karanasang bahagi lamang ng mas malaking larawan ng mga sistematikong problema sa bansa.
- Malaki ang papel na ginagampanan ng kababaihan ng Devcom, bilang mga may danas sa marhinalisadong sektor sa ilalim ng patriyarkal na lipunan.
- Hinuhubog tayo ng Devcom sa komunikasyong may layunin at malasakit para maging handa sa mas matinding kahaharapin natin dala ang ating mga adbokasiya sa labas ng Unibersidad.
Alam na alam na natin ang pakahulugan ni Dr. Nora C. Quebral sa Komunikasyong Pangkaunlaran bilang agham ng komunikasyong pantao na naglalayong bigyan ng plataporma ang mga komunidad upang mapaunlad at matamo ang pantay-pantay na paglago ng potensyal ng bawat indibidwal.
Sa prinsipyong ito ng Devcom iniangkla ng mga kamakailan lamang na nagsipagtapos na summa cum laude ng kolehiyo ang kanilang tinahak na paglalakbay sa Devcom. Kung ihahambing sa masusing proseso ng pre-production, production, at post-production ng mga likhang pangkaunlaran, mistulang sumailalim din sina Maria Andrea “Andy” Bodaño at Ma. Princess Anne “Maan” Curioso sa mapanghamong proseso ng paghubog ng tatak-Devcom na karakter at pananaw.
Paghahanda: Pagkilala sa daigdig ng Devcom
Hindi na bago sa atin na salubungin ng blangkong ekspresyon kapag binabanggit ang programang ating inaaral. Dahil maituturing na bago pa lamang ang Devcom kumpara sa ibang larangan, marami ang hindi pa lubos na nakauunawa sa esensya ng kursong ito. Sa katunayan, karamihan sa mga mag-aaral ng kurso ay nagsimula rin sa ganito. Para kina Andy at Maan, ang pagkilala nila sa Devcom ay isang mapagpalayang proseso ng pagkamulat sa iba’t ibang sakit ng lipunan at pagkatanto sa kani-kanilang kapasidad kasama ang iba’t ibang komunidad upang bigyang lunas ang mga ito.
“[Devcom] made me realize how small my existence is amidst the many many problems of the world yet how much power actually an individual holds to create a difference … While my main goal as a student was to graduate on time, a bigger part of me strived to do well for I knew what’s at stake kapag hindi ko ginawa nang maayos ‘yung pag-aaral sa course natin kasi nga we are doing this for our community,” kuwento ni Andy.
Aniya, ang pagtugon sa responsabilidad ng isang mag-aaral ng Devcom ay nangangailangan ng tiyaga upang matuto sa bawat karanasan at makagawa ng disenteng likha na kapaki-pakinabang para sa komunidad. Hindi lamang ito para simpleng makapagpasa ng kung anumang kahingian para sa disiplina kundi pagtugon ito sa layuning lagi’t laging maglingkod sa bayan.
“Mula noong nag-enroll ako sa Devcom, parang lahat ng ginagawa ko, it comes with a purpose, with passion, with something that really dwells on having change in any community na pinupuntahan natin,” dagdag ni Maan.
Produksyon: Pagbuo ng mga adbokasiya at pananaw
Kalaunan, ang kanilang mga adbokasiya at mga karanasan ay lalo pang pinaigting ng kanilang apat na taon sa Devcom. Natutunan nilang ang mga sariling karanasan ay bahagi lamang ng mas malaking larawan ng sistematikong problema ng lipunan—naging hudyat ito sa kanila upang subukang tanawin at tugunan ang suliranin ng komunidad sa labas ng kanilang mga personal na buhay.
Mula sa loob
Sa isyu ng hindi pagkakapantay-pantay nag-ugat ang pangunahing adbokasiya ni Maan: ang panawagan para sa inklusibong edukasyon at oportunidad para sa mga person with disability (PWD). Malapit daw ito sa puso niya dahil mismong ang kanyang ina ay isang PWD. Kaya naman, hindi na raw bago sa kaniya ang mga problemang kinahaharap ng sektor na ito.
“Biruin mo ‘yon, wala pang 5% ng pondo ‘yung ina-allot para sa mga PWD. Hindi lang ‘to dito sa Gumaca, [Quezon] pero in every place that I go. May project kami sa Los Baños, same sentiment. Pag ini-thematic analysis mo ‘yung problems from different communities, iisa lang ‘yung lumalabas: lack of support, lack of funding,” pagdidiin ni Maan.
Binigyan ng Devcom ng bagong pokus ang mga personal niyang danas. Kung dati ay nasasaksihan lamang niya sa loob ng kanilang tahanan ang mga suliranin, ngayon ay nabaling ang kaniyang atensyon sa paghahanap ng solusyon hindi lamang para sa mga PWD sa kanilang bayan, kundi para sa buong marhinalisadong sektor.
Sa personal na karanasan din nag-ugat ang adbokasiya ni Andy para ipaglaban ang karapatan ng kababaihan. Bilang bunsong anak na babae sa pamilya, danas niya ang mga tila baliwala lamang na karanasan subalit manipestasyon na pala ng patriyarkang sistema na namumutawi sa lipunan.
“I was restricted from doing a lot of things and at the same time, I was expected to do and become a lot of things. It is that cyclical justice and fatigue in the many little things na nakaapekto sa akin … I didn’t want to live my life being dictated by the interest of others. More so, I don’t want any woman to feel inferior dahil mapagsamantala ang iba,” wika ni Andy.
Tungo sa labas
Gaya kung paano ipinaglalaban ni Andy ang karapatan ng kababaihan na magsalita at mapakinggan sa lahat ng espasyo, gayon na lamang din ang kaniyang hangaring gamitin ang kaniyang boses at plataporma sa Devcom upang maitaguyod ang kapakanan ng mga hayop at ng kalikasan na aniya’y hindi kayang umimik para sa kanilang sarili sa panahon ng pang-aabuso.
Para kay Andy, biniyayaan tayo ng mga likas na yaman, ngunit maraming pagkakataon na ginagamit ito ng mga tao nang walang pakundangan. Dala ng gawaing ito ang samu’t saring problemang pangkalikasan na nararanasan sa kasalukuyan.
Ang mga naturang problemang ito naman ang nais lutasin ng isa pang adbokasiya ni Maan — ang Climate Change Adaptation and Disaster Risk Reduction (CCA-DRR). Nagsimula lamang ito sa pagkapukaw ng kaniyang interes sa diskusyon sa kursong HUME 123: Climate Change Adaptation and Disaster Risk Reduction in Human Ecosystems.
“We were asked na ‘Do you believe in climate change?’ Tapos sabi ko, yes pero a lot of people still see it as a social construct but it’s not. It’s really happening everywhere,” kuwento ni Maan, habang ipinupuntong lalong danas ng marami ang epekto ng pabago-bagong klima sa kasalukuyan.
Pagpapalawak niya, ang mga pambansang minorya ang higit na naaagrabyado dahil patuloy na danas ng mga ito ang kahirapan sa pagkakaroon ng mga batayang pangangailangan at pananggalang sa maaaring maging epekto ng pabago-bagong klima. Dagdag pa rito ang bihirang suportang natatanggap ng mga ito mula sa lokal na pamahalaan o pambansang gobyerno mismo. Sa isip niya, lalong nagiging malinaw ang gampanin ng Devcom sa mga ganitong pagkakataon.
“Devcom really helps us na hindi lang tayo basta tagapagbalita. [Here] we are taught na we can help in the project-making, in the decision-making. We can help influence the three [types] of stakeholders: the primary, secondary, and tertiary stakeholders,” pagpupunto ni Maan.
Sumibol sa mga adbokasiya nina Maan at Andy ang adhikaing gumawa ng mga paraan upang unti-unting malunasan ang mga sakit ng lipunan. Makalipas ang apat na taon, natagpuan nila ang kanilang sarili na may mataas na karangalan at malalim na mithiing tugunan ang tawag ng bayan at tuluyan nang ilabas ang sarili sa konteksto ng apat na sulok ng silid-aralan.
“Hinubog tayo na maging handa talaga sa labas after graduation. Hinubog tayo na hindi lang tayo makulong sa classroom. Hinubog tayo na maging handa na tumulong. There’s a life beyond the classroom. There’s a life after graduation. There’s a life beyond that honors,” banggit ni Maan.
Pagkatapos: Paglalapat sa reyalidad
Bagaman pareho nilang batid na malayo pa ang lalakbayin upang ganap na magkaroon ng mas malaking kontribusyon sa mga naturang sektor, hindi rin maisasantabi ang kanilang mga nasimulan na at plano pang gawin ngayong nasa labas na sila ng Unibersidad.
Si Maan ay patuloy ang pakikipagkomunikasyon sa Persons with Disability Affairs Office sa kaniyang bayan upang higit na mapalapit sa komunidad at maipakita na maaari silang magtiwala sa kaniyang hangaring makatulong sa abot ng kaniyang makakaya. Kung babalikan, sa kursong DEVC 126: Participatory Development Journalism, nakapag-organisa na sila kasama ang kaniyang mga kaklase ng isang seminar para sa mga PWD ng Los Baños.
Sa kasalukuyan naman, nasa proseso siya ng kaniyang aplikasyon bilang ambassador ng Mapa Kalamidad — isang plataporma na nangongolekta, nag-oorganisa, at nagbabahagi ng impormasyon tungkol sa mga nagbabadyang panganib sa panahon ng sakuna.
Bilang binibigyan niya ng matinding importansya ang “pagsisimula sa sarili bago makagawa ng pagbabago sa labas,” matiyaga siyang nangangalap ng mga sertipikasyon upang mapalawak ang kaniyang kamalayan sa iba’t ibang isyung pang kalamidad. Kamakailan lamang ay dumalo siya sa online Youth Summit sa Kuala Lumpur kung saan tinalakay ang iba’t ibang mga kasanayan ng mga bansa sa climate change adaptation at kung paano ito maayos na naipalalaganap sa pamamagitan ng komunikasyon. Kung kakayanin din ng sirkumstansya, plano niyang mag-enroll sa isang resilience course sa UP Open University.
Sa mga simpleng usapan naman pangunahing sinasanay ni Andy ang kaniyang mga adbokasiya dahil natutunan niya na isa ito sa pinakamainam na paraan upang matugunan ang mga isyung panlipunan — sa pagtulong na imulat ang iba sa mga suliraning kaniyang kinamulatan. Dagdag pa ni Andy, hindi man siya mapunta sa trabahong direktang tumutugon sa mga adbokasiyang pinanghahawakan niya, pangako niyang parating ilalakip sa kaniyang mga gawain ang perspektibang dala ng kaniyang mga ipinaglalaban.
Kung tutuusin, hindi mahirap ilapat ang mga prinsipyo ng Devcom at ang mga adbokasiyang dala nito sa anumang pagkakataon. Nailalarawan ito ng kasalukuyang karanasan ni Maan sa kaniyang trabaho bilang Senior Project Manager sa Office of the Chancellor at Institute of Cooperatives and Bio-Enterprise Development ng College of Economics and Management sa UPLB.
“Una ko ngang na-realize, parang ang layo nito sa na-foresee ko noon [na career] but when I go there, sabi ko I felt like I’m really doing Devcom … Ando’n talaga ‘yung paggamot muna doon sa structure, sa system ng cooperatives. And then, eventually, when the roadmap is in place, when the institutions are fixed, edi doon tayo mas makakatulong nang mas madali sa mga marginalized communities. And that’s what I want about my job right now,” pagbabahagi niya.
Bilang babae sa mabigat na responsibilidad ng Devcom
Madalas sabihin ng mga propesor at alumni ng Devcom na layunin ng propesyon ang maging irrelevant, sapagkat hangad nito ang ideyal na lipunan kung saan wala nang naghihirap. Subalit hindi biro ang misyong ito. Tangan ang mabigat na responsibilidad, batid nina Andy at Maan ang pangangailangang mag-doble kayod upang matugunan ang pangangailangan ng iba habang pinatutunayan ang kakayanang gawin ito bilang isang babae.
“‘Pag nakarating ka na sa mga workplace, nandoon pa rin, hindi pa rin maitatanggi na may reservations pa rin na ‘pag babae ka, baka hindi ka kayang bigyan ng mas mabigat na trabaho but we can … It’s about breaking barriers. We must prove that we can lead,” ani Maan.
Itinuturing ni Andy ang pagiging babae sa larangan bilang pagsubok na mapatunayan ang tatak nitong heartful communication. “Embracing my womanhood and femininity actually led me here … [Women] know how to use these qualities (intelligence, analytical ability, empathy) to achieve Devcom’s goals of being inclusive and progressive in forwarding meaningful change kasi, of course, women come from a marginalized population who experience multiple forms of oppression and discrimination. If anything, alam nating mga babae ang feeling na hindi makita or mapag-iwanan.”
Sa huli, ang pagtangan sa layunin ng Devcom ang nagsisilbing kompas ni Maan upang mapangatawanan ang kanyang batsilyer sa kabila ng mga pagsubok dito.
“Hindi lang tayo nag-de-deliver, popularize ng materials but we are ensuring that it serves a higher purpose whether it’s advocating for the environment, social justice for PWDs, empowering communities. This mindset has guided me through the challenges and will continue to do so as I am navigating my career and future endeavors.”
Bitbit naman ang karangalan mula sa pagkatatag ng Devcom sa pamamagitan ng pagsusumikap ng isang babae na si Nora Quebral, natutunan ni Andy na magtiwala sa kaniyang sarili, at iyon din ang nais niyang iparating sa iba.
“Trust in yourself and the process no matter how difficult it gets while remembering who all these efforts are for. So in a sense, maging stubborn ka … Nakapasok ka ng UP, nakapasok ka ng Devcom, and Devcom believes in everyone’s potential to control their lives and lead toward meaningful change favorable to them and so should you sa sarili mong buhay. Whether para sa’yo, para sa komunidad, para sa pamilya, sa bayan, remember them and trust yourself,” ani Andy.
Marami pang susuungin ang mga nagsipagtapos gaya ng kung gaano pa kalayo ang tatahakin ng Devcom bago makamit ang pangunahing layunin nito. Subalit, marami rin ang magagawa at malayo ang maaabot ng bawat hakbang na buhat sa mataas na tunguhin at malalim na paglubog sa masa.



