Ang mga pangalang nakasaad sa artikulong ito ay hindi mga tunay na pangalan.


“Gising na beeehhh.” 

Pagsapit ng ala una ng umaga, nakatanggap na ako ng tawag mula kay Ate Julia. Dali-dali naman akong bumangon sapagkat ayaw ko namang mahuli at saling-kitkit lamang ako sa mga kaganapan ng kanilang mass org para sa komemorasyon ng Batas Militar sa Mendiola. 

Kahit na nuknukan pa ng antok dulot ng kakarampot na tulog mula sa mga kaganapan ng kahapon, ang bugso na lamang nang malamig na tubig mula sa shower ang aking naging pampagising. Minsan lamang ako humanay sa mga kilos-protesta, kaya go, go, go, na ito! 

Agaran kong napagtantong lahat ay walang tulog at inaantok nang makilala ko sina Kuya Johnny at iba pang miyembro ng organisasyon. Bukod sa prop materials, bitbit nila ay tanging dedikasyon lamang para sa mga adbokasiyang ipinapaglaban. Jusko, halatang kakaunti pa lamang talaga ang karanasan ko sa pakikihanay—naninibago pa ako sa mga bagay-bagay sapagkat may mga protocol kaming kailangang sundin upang masiguro na ligtas ang aming kilos-protesta. 

Habang nag-aantay ng masasakyan papuntang UP Diliman, minabuti muna ni Kuya Karl na ako’y i-orye sa mga mangyayari sa araw ng pag-alala bilang pambansang kilusan ito at na unang mob ko sa labas ng UP. Ngayon pa lamang na ino-orye pa lang ako’y batid na talaga kung gaano kalala ang pandarahas at pangre-red-tag sa mga manunulat at mga aktibista. Pansin ko ito bagaman ingat na ingat ang mga kasamahan—siniguro ng grupo na magkakakilala ang isa’t isa upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa. Kaakibat pa nito ay ang mga paalala na maaaring magkaroon ng mga gitgitan at kaguluhan sa pagitan ng mga kapulisan at mga kahanay. 

May kaunting takot, oo—’di na naman ata ‘yon maiiwasan kung alam mo kung gaano kalala ang pulitikal na klima sa Pilipinas—pero bilang isang student journalist, trabaho kong panatilihin ang kritikal na pagtingin ng publikasyon. Marapat lamang na kasama ako dito dahil anong saysay ng opinyon ko kung hindi ito nakaangkla sa kritika’t makamasang ideya? 

Pagdating ng UPD ay siyang aming nakasama ang iba pang mga mass org sa Timog Katagalugan. Aligaga sa pag-oorganisa at pag-oorye ng bawat miyembro ang mga tagapamuno ukol sa mga magaganap ngayong araw. 

Mga alas syete na nang kami’y umalis ng UPD upang pumunta sa Mendiola kung saan gaganapin ang pagkilos. Pagdating namin sa may Quezon Memorial Circle ay panandaliang huminto ang aming jeep sa kalapit na gasulinahan. Hindi ko rin alam kung bakit, at hindi ko na rin naitanong sapagkat inaantok na rin talaga ako. 

Inaasahan ko na naman ito, pero ‘di ko pa rin napigilang mabigla nang marinig ang mga katagang: “May mga pulis.” 

Ang aga-aga pa pero sandamakmak na pulis agad ang nakita namin habang papunta at habang nagsasagawa ng programa sa kalsada ng España. Biruin mo, may pa-drone pa talaga sila. Feeling Leni rally ang atake—akala mo naman libo-libo ang nakahanay sa kalsada. Ang dami nila, sa totoo lang. Mga tila naglalakihang mga lalaking naka asul na siyang malagkit ang titig. Minabuti ko nang magsuot ng face mask upang kahit papaano’y matakpan ang mukha ko kung sakali mang makuhanan ako ng larawan ng isa sa kanila. 

Ang hirap din pala kapag sa gitna kayo ng isang abalang kalsada nagsagawa ng programa. Medyo siksikan, at may panganib na baka mabundol ng sasakyan. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang mga sektor at mga progresibo—dumadagundong na tinig at damdamin ang siyang bumalandra sa kalsada ng España. Mga naglalakihang placard na ipinapanawagan ang iba’t ibang adbokasiya, mga caricature ng mga pulitiko, at mga tanghalan ang siyang mga naging paraan upang ipahiwatig ang mga hinaing ukol sa Batas Militar ng diktaduryang Marcos Sr. at sa ngayong administrasyong Marcos Jr. 

Mabilis pala ang sistema ng paghanay sa mga ganitong mob—matapos ang unang bahagi ng programa, dali-daling nagsisakayan ng jeep ang lahat upang tumungo sa susunod na espasyong kikilusan: sa makasaysayang Mendiola. Bago lumarga ang mga jeep ay sinisiguro muna na ang lahat ng miyembrong humanay ay kumpleto’t ligtas na nakasakay. Siniguro rin ni Kuya Karl ang kalagayan ng bawat isa bilang maraming pulis ang naroon. Muli niya kaming pinaalalahanan na maging mapagmasid sapagkat dagsa ang puwersa ng kapulisang nagbabantay sa amin. Nang makarating sa may Unibersidad ng Santo Tomas ay muli nanaman kaming napatigil, ngayon naman ay dahil hinarang na kami ng pulis. 

Akala naman ng mga pulis ay mapipigilan nila ang damdaming makabayan ng kabataan at ng iba pang kabilang na sektor—dali-daling nagsibabaan ang mga miyembro at napagdesisyunan na magkakasa ng kilos-protesta sa tapat ng UST habang nakikipagdiyalogo ang mga nakatakdang tauhan sa mga pulis na kami’y patuluyin sa aming paroroonan. Ang nakakatawa pa dito ay may mga intel na siyang sinusubukang makihanay para makakuha ng impormasyon, pero halatang-halata naman sila kaya madaling napapaalis. Alam n’yo nga, gusto ko rin sanang umakyat sa kalapit na footbridge noon upang makakuha ng larawan na magpapakita kung gaano kalawak ang hanay ng mga sektor sa tapat ng unibersidad, ngunit pinagbawalan ako nina Ate Julia at Ate Althea. Magpasama raw muna ako sa iba pang mga photojournalist para sa aking kaligtasan.

Naging matagumpay naman ang negosasyon kabilang ang mga pulis at natuloy naman kami sa susunod na pagdadaluyan ng programa. Gayunpaman, hindi na natuloy ang pang-nasyonal na mob sa Mendiola sapagkat nagbarikada na ang mga pulis at militar sa kahabaan ng Recto. Muli, ginawan ito ng paraan ng mga grupo at imbis ay ikinasa na lamang ang kilos-protesta sa tapat ng University of the East. 

Dito, nagtipon-tipon ang mga grupo mula sa iba’t ibang sektor na danas ang panunupil at panggigipit sa kanilang karapatan. Kabilang sa mga ito ang hanay ng mga kabataan, kababaihan, magsasaka, mangingisda, tagapagtanggol ng karapatang pantao, tagapagtanggol ng kalikasan, at iba pa. Taas-kamao ang lahat sa pakikibaka, kahit na talagang nakakatakot ang eksena sa dami ng kapulisang nakabarikada sa dulo ng daan. 

Bilang pansamantalang entablado, sumakay sa likod ng isang truck ang mga tagapagpadaloy ng programa. Nagkalat ang iba’t ibang prop materials at streamers na ibinandera ng mga sektor. Akala ko nga noon na ang karaniwang kaganapan lang din sa mga mob ay ang magmartsa at patambulin ang mga panawagang isinusulong ng bawat sektor, pero isa rin pala itong selebrasyon ng sining sapagkat bukod sa mga nabanggit ay mayroon ding mga tanghalang bahagi ng protesta’t mga artistang gumawa ng mga pin at sticker na kanilang binebenta bilang parte ng pagsuporta. 

Kakaiba ang pakiramdam ko habang humahanay—oo, nagpunta ako dito upang tulungan si Ate Julia na i-cover ang mga kaganapang ito para sa Tanglaw. Ngunit, talagang nakapupukaw ng damdamin ang mga salita, gawain, at dedikasyon ng mga tao upang ipanawagan ang pagbabagong ating gustong matamasa. Nakalulungkot lang na talamak sa ating panahon ang red-tagging at ang pandarahas laban sa mga aktibista’t mamamahayag na siyang nais lamang palakasin ang boses ng mga komunidad at indibidwal na pilit pinipipi ng sistemang para sa nakatataas. 

Ganito ang itsura ng pakikibaka sa “Bagong Pilipinas” ni Marcos Jr. at Duterte—puno ng intimidasyon, pagpapatahimik sa mga kritikal, at pagsasawalang-bahala sa interes ng mga mamamayan sa pamamagitan ng maling paggastos sa kaban ng bayan. “Like father, like son,” ika nga. Ironic, oo, dahil kung iisipin, bukambibig natin kada taon ang mga salitang, “Never again, never forget,” ngunit isang Marcos ang nakaupo sa Palasyo ngayon. Gayunpaman, buhay na buhay ang diwang makabayan ng mga Pilipino—kung noon ay kinayang mapatalsik ng taumbayan ang isang diktador, kaya ito muling mapagtagumpayan ng masa. Ang pagbabalik ng isa na namang Marcos sa kapangyarihan ay nagbibigay-tibay lamang sa kung bakit natin mas kailangang humanay at suportahan ang layunin ng mga kilusan. 

Taas-kamao nating suungin ang puwersang mapanupil. Nakakatakot, oo, pero ang takot na ito’y isang patunay lamang sa kung bakit mas kinakailangan at mas mahalaga ang pagsasanib-puwersa natin. Tandaan natin na para sa iba, ang ganitong reyalidad ay pang araw-araw; hindi lamang ito natatapos sa takot, kundi tunay nila itong nararanasan at nadarama. 

“Gising na beeehhh.” Never again, never forget.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya