Kasama sa news analysis na ito ang mga ulat nina Neil Andrew Tallayo, Mar Jhun Daniel at Ellyzah Janelle Devilleres.
DAPAT MONG MALAMAN
- Nagdulot ang malubhang pinsala na iniwan ng Severe Tropical Storm ‘Kristine’ sa UPLB ng panawagan para sa academic leniency.
- Sa naganap na Emergency Council of Student Leaders noong ika-27 ng Oktubre, napagkasunduan ng mga mag-aaral na itaas sa pamunuan ng Unibersidad ang pagpapanatili ng kasalukuyang academic calendar sa kabila ng mga suspensyon sa klase.
- Ibinahagi rin ng mga mag-aaral ang kanilang mga naging karanasan sa pagtugon ng administrasyon ng UPLB noong kasagsagan ng bagyo, kasabay ang panawagan para sa higit na kahandaan sa mga sakuna.
Sa paghagupit ng Severe Tropical Storm (STS) ‘Kristine’ sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), tumambad sa mga mag-aaral, faculty, at staff hindi lamang ang pinsalang iniwan nito sa campus kundi pati samot-saring suliraning pang-akademiko at pangkaligtasan.
Martes, ika-22 ng Oktubre, ng tanghali nagsimulang suspendihin ang mga klase sa buong lalawigan ng Laguna bunsod ng banta ng STS Kristine. Kalaunan ay dalawang araw na hinagupit ng halos walang humpay na malakas na hangin at ulan ang campus.
Pagsapit ng Biyernes, ika-25 ng Oktubre, ay bumungad sa mga mag-aaral na karamihan ay isang araw o mahigit pang na-stranded at noong araw lamang na iyon nakalabas ang pinsalang iniwan ng bagyo sa campus.
Nagkalat ang mga nabuwal na puno at naputol na sanga sa iba’t ibang bahagi ng UPLB. Hindi rin madaanan ang ilang kalsada tulad ng kahabaan ng Jose R. Velasco Avenue sa rutang “Kanan” dahil sa natumbang poste ng kuryente sa tapat ng Church Among the Palms.
Ayon kay Vice Chancellor for Community Affairs Roberto Cereno sa panayam ng Tanglaw, milyones ang tinatayang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyo sa campus.

Pasakit sa mga taga-UP dorm
Bukod sa pisikal na pinsala ay nag-iwan din ang bagyo ng kalunos-lunos na karanasan sa mga mag-aaral, partikular sa mga naninirahan sa mga dormitoryo sa loob ng campus sa ilalim ng pangangasiwa ng Office of Student Housing (OSH).
Ibinahagi ng mga residente ng mga dormitoryo ang kanilang mga naging karanasan noong kasagsagan ng bagyo sa naganap na kumustahan sa Emergency Council of Student Leaders (eCSL) na inorganisa ng UPLB University Student Council (USC) noong ika-27 ng Oktubre.
Isa sa mga labis na napuruhan ay ang ATI-NTC Residence Hall. Ayon kay Francis Dominic Fajardo, pangulo ng ATI-NTC Residence Hall Association, inabot ng hanggang tuhod ang baha sa labas ng dormitoryo na nag-udyok sa mga residente upang harangan ang entrance nito.
Naging banta naman ang mga bumagsak na live wire sa VetMed Residence Hall, at naging mahirap ang pagkalap ng mga update para sa mga dormitoryo sa Upper Campus.
Hindi rin nakaligtas ang mga pribadong dormitoryo at apartment sa rutang “Kaliwa” at “Kanan” at maging sa labas ng campus na ang ilan ay naiulat pang nagliparan ang mga bubong.
Nakatanggap din ang Serve the People Brigade – UPLB (STPB-UPLB) ng mga ulat mula sa mga stranded na mag-aaral na humihiling ng rescue at pagkain.

Panawagan para sa academic leniency
Bunsod ng malubhang epekto ng bagyo sa mga mag-aaral, agad na nagkaroon ng petisyon para sa academic leniency sa pangunguna ng Rise for Education – UPLB.
Nilalaman ng petisyon ang mga mungkahing suspensyon ng klase at academic deadlines hanggang ika-31 ng Oktubre, pag-usod ng deadline ng submission ng grades ng faculty, at agarang suporta para sa mga naapektuhang mag-aaral. Umabot sa 2,850 pirma ang natanggap ng petisyon noong ika-26 ng Oktubre.
Samantala, ika-23 ng Oktubre pa lamang ay naghain na rin ang UPLB College of Development Communication Student Council (CDC SC) ng petisyon sa administrasyon ng kolehiyo para sa academic leniency, kabilang na ang pag-usod ng mga deadline at pagsusulit. Inaprubahan ito ng Dean’s Office noong ika-26 ng Oktubre.
Para kay Jedd Kristoffer Abordo, Vice Chair ng CDC SC, tagumpay na maituturing ang pagpayag ng administrasyon ng kolehiyo para sa parehong sangkaestudyantehan at faculty.
“Mahalaga ‘yun kasi we acknowledge na iba’t iba ang sitwasyon na kinakaharap ng mga mag-aaral ng CDC, at iba-iba rin ang recovery stage natin. Kahit papaano, ‘yung pag-approve nu’ng academic leniency natin ay makakapagbawas ng stress at isipin hindi lang ng mga mag-aaral, pati na rin syempre ang mga FICs [faculties-in-charge] natin,” ani Abordo.

Pagpapanatili sa kasalukuyang academic calendar
Nagdulot ang sunod-sunod na suspensyon ng klase ng paglutang ng mga usapan hinggil sa pagpapalawig ng kasalukuyang semestre hanggang Enero 2025.
Ito ang binutbot sa ikalawang bahagi ng eCSL kung saan lumutang ang magiging pinansyal na pasakit ng pagbabago ng academic calendar para sa mga mag-aaral na taga-Visayas at Mindanao na kailangan pang bumalik sa campus pagkatapos ng Christmas at New Year break.
Ayon kay Roana Caguliodo, isa sa mga dumalo sa eCSL na taga-Mindanao, pasakit ito sa mga katulad niyang galing sa mga lugar na malayo sa campus na noong mga nakalipas na taon ay napipilitang bumalik agad ng UPLB para sa finals sa Enero.
“Hindi po kami sang-ayon na ilipat sa January dahil pinaplano po naming maigi ang aming schedule bawat school year upang maiwasan ang mga mahal na tiket sa eroplano. So, kung lilipat po ng January ‘yung finals, ibig sabihin po nito ay gagastos po kaming muli para sa bagong tiket, at kapag first week kasi ng January, sobrang mahal ng tiket na ‘yon tapos most of us, I could say, na may mga tiket na pauwi kaya mapapagastos lang po kami,” pahayag ni Caguliodo.
Kaya naman, iminungkahi ng mga mag-aaral sa eCSL ang pag-adjust ng syllabus o requirements ng mga kurso upang hindi masiksik ang mga aralin at gawain sa dulong bahagi ng semestre.
Sa kabilang banda, pinunto naman ng ilang mga mag-aaral sa eCSL ang anila’y negatibong epekto ng leniency sa pagkatuto at ang magiging dagdag na trabahong idudulot ng pag-a-adjust ng gawain sa mga guro.
“…Mahirap kung ipipilit natin na ma-rush ‘yung mga naapektuhan nga nitong bagyo na makasabay doon sa ating calendar… Hindi naman ito strictly sa mga students lang kasi may faculty and may mga workers tayo na naapektuhan din. Kapag sinabi naman kasi natin na i-adjust ‘yung mga syllabus ay magiging taxing din ito kung hindi sa part natin, sa part naman ng faculty… Mas ipihit na lang din talaga na ma-implement talaga iyong academic leniency kung hindi talaga kakayanin na ma-push through ‘yung ating calendar,” pahayag ni Daxin Bartolome, councilor mula sa UP College of Agriculture and Food Science Student Council.
Sa huli ay napagkasunduan ng lupon na ang ipanawagan ng USC sa pagpupulong kasama ang UPLB Executive Committee and Management Committee noong ika-28 ng Oktubre ay ang hindi pagpapalawig ng semestre, koordinasyon sa pagitan ng mga mag-aaral at guro sa pag-a-adjust ng syllabus nang hindi nasasakripisyo ang kalidad ng pagkatuto, at ang pag-usad ng deadline ng ilang mga gawain, tulad ng thesis at special problem, at ng pagsusumite ng grades ng faculty.
Kalaunan, pinirmahan ni Chancellor Jose Camacho Jr. ang Office of the Chancellor Memorandum No. 168, Series of 2024 na nagsasaad na paiiralin pa rin ang kasalukuyang academic calendar na inilabas noon pang ika-25 ng Hunyo, 2024 at ang pag-adjust ng mga assessment tool ng mga kurso upang maisumite ang final grades sa ika-7 ng Enero, 2025.

Pagtugon ng administrasyon
Bukod sa diskusyon hinggil sa academic calendar, napag-usapan din sa eCSL ang naging karanasan ng mga mag-aaral sa administrasyon at ilang mga opisina ng UPLB sa kasagsagan at pagkatapos ng bagyo.
Isa sa mga idinaing ng mga mag-aaral ay ang anila’y kawalan ng aksyon mula sa OSH noong paghagupit ng STS Kristine.
“Sa Housing office naman po, may contact number sila ng lahat ng residents pero parang wala silang nagawang aksyon. Wala pong nangumusta sa amin galing sa Housing. Wala po kaming narinig sa kanila noong kasagsagan ng bagyo… Ipinakikita lang po nito ‘yung kawalan ng kahandaan pagdating po sa mga ganitong sakuna ng admin at ng Office of Student Housing,” ani Fajardo.
Ayon kay Asst. Prof. Marc Immanuel Isip, Director ng OSH, wala umano silang natanggap na ulat hinggil sa mga hinaing ng mga mag-aaral sa eCSL. Binanggit din niya na naabisuhan daw agad ang mga residente na maghanda sa paparating na sakuna.
“[A]ll OSH-managed dormitories have their own kitchen with gas stoves—ready in case of no electricity, they can still cook food. [A]ll student residents were already informed ahead of time to stock up on food, drinking water, and gas,” pahayag ni Isip.
Dagdag pa niya, mayroong mga personnel ang mga dormitoryo na aniya’y dumaan sa training, laging nakaalerto sa mga update, at handang tumugon sa mga kalamidad.
“[S]afety of student dormers are always ensured regardless of calamities. [E]ven if it is just a normal ordinary day, their safety is always ensured. That is why we have 24/7 security personnel in every dormitory. In addition, every residence hall has its own dormitory manager/head, own kitchen, dorm association, and their officers,” pahayag ni Isip.
Maliban sa OSH, ibinahagi rin ng mga mag-aaral ang kanilang naging karanasan sa UPLB Safety and Security Office (SSO) habang nanghihingi ng tulong noong kasagsagan ng bagyo.
“Tuesday night pa lang po, tumawag na kami sa SSO para manghingi po ng tulong doon sa live wire malapit sa Scholars’ Dorm pero ayon po, ang sagot po nila sa amin, hindi daw po prioriting ayusin ‘yung live wire since ang priority daw po nila is mag-road clearing,” bahagi ni Mikaela Rhinoa Delos Reyes mula UPLB Alliance of Dormitory Associations.
Ganito rin ang ibinahagi sa eCSL ng ilang mga mag-aaral na nagbakasakaling magpahatid sa SSO sa kanilang mga dormitoryo habang bumabagyo.
Sa panayam ng Tanglaw kay Cereno, pinunto niya na road clearing ang gampanin ng mga kawani ng SSO na walo lamang umano ang nakatao kada shift.
”’Pag kasagsagan, take cover. ‘Yon lang muna. Kasi, even ‘yung SSO natin, hindi pwedeng i-risk ‘yung mga buhay nila. At ang role ng SSO actually ay i-clear ang roads kasi ‘yun ‘yung ginawa nila nu’ng gabing ‘yon, mag-clear ng roads kasi ‘pag sarado, ‘pag blocked ang roads, walang mangyayari sa mga disaster natin,” paliwanag ni Cereno.
Para naman kay USC Chair Mark Angelo Roma, may iaayos pa ang pagtugon ng administrasyon ng UPLB noong kasagsagan ng STS Kristine ngunit kinikilala naman nila ang naging pagkilos nito para sa mga pangangailangan ng komunidad pagkatapos ng hagupit ng bagyo.
“Mas na-feel namin na walang plano kasi nu’ng chinat namin ‘yung mga administrators patungkol sa mga specific na tanong, for example, ‘yung generator set, saan pupunta ang students, paano sila mahahatiran ng relief, kumbaga, parang wala pang procedure na nakatakda,” pahayag ni Roma sa panayam ng Tanglaw.
Ibinahagi rin ni Joshua Vernon Atip mula STPB-UPLB na nagkaroon ng kahirapan sa komunikasyon sa administrasyon ng UPLB bunsod ng kahinaan ng telecommunication signal ngunit kalaunan ay nabuksan umano ang Baker Hall para sa mga mag-aaral at nakapag-abot din ito ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng Office of the Vice Chancellor for Community Affairs at Office of the Vice Chancellor for Student Affairs.
Nilinaw naman ni Cereno na handa ang administrasyon sa pagtugon sa mga kalamidad, katulad ng nagdaang bagyo. Ibinahagi niya na mayroong crisis management plan na nakalatag ang Unibersidad para sa iba’t ibang uri ng sakuna.
“Reading-ready naman tayo. And, ‘yun lang request namin, sa isang University, hindi lamang naman estudyante ‘yung ating stakeholder. Mayroon din kasi tayong inaasikaso na mga concerns, hindi lang sa students… And ang ating pakiusap din talaga ay magtulong-tulong tayo diyan,” pahayag ni Cereno.

Panawagan para sa disaster justice at preparedness
Kaakibat sa naging pagtingin ng mga mag-aaral sa pagtugon ng administrasyon ng UPLB ay ang panawagan para sa higit na kahandaan ng Unibersidad at pamahalaan sa mga sakuna na inaasahang lalala pa bunsod ng climate change.
Nabanggit sa eCSL ni UP College of Forestry and Natural Resources Student Council Chair Xyrelle Supremo na ang pagiging tatlong taon nang nangunguna ng Pilipinas sa World Risk Report ay nangangahulugan na dapat ay may kahandaan na ang mga awtoridad sa ganitong mga sakuna.
Ayon naman kay Roma, pitong punto ang inihain ng konseho sa naganap na pagpupulong ng UPLB Executive Committee and Management Committee batay na rin sa mga naging assessment ng mga mag-aaral noong naganap na eCSL.
Ang mga ito ay ang pagkakaroon ng “standard operating procedure” sa pagtugon sa sakuna, pagbuo ng komprehensibong plano bago ang isang kalamidad, paglalaan ng “emergency contingency funds,” pagiging malinaw ng mga pang-akademikong memorandum, pakikipag-ugnayan sa mga student organization at institution sa pagtugon sa kalamidad, pagtatalaga ng student representative sa Disaster Risk Reduction and Management Committee, at pag-agapay sa pagbangon ng mga karatig na komunidad ng UPLB.
“Magpapatuloy naman ‘yung USC sa pag-aayos, paggigiit ng disaster justice natin na panawagan para kumbaga ay maiwasan natin ‘yung ganoong trauma na naibibigay sa UPLB community,” pahayag ng USC Chair.
Disaster justice din ang panawagan ng ilang mga pangmasang organisasyon na kinukundena ang anila’y patuloy na pagpapahintulot ng gobyerno sa pandarambong ng kalikasan ng mga korporasyon at imperyalista.
Sa huli, sa gitna ng mga diskusyon at suliraning umusbong matapos ang paghagupit ng STS Kristine sa Unibersidad, malinaw na hindi ito ang huling kalamidad na mararanasan ng UPLB sa kasagsagan ng patuloy na pagkasira ng kalikasan at pagbabago ng klima.
Kaya naman, para kay Asst. Prof. Cris Lanzaderas, pangulo ng All UP Academic Employees Union – Los Baños, “…Dapat maging bahagi na rin ng tinatawag na ‘future-proofing’ ang epekto ng pagbabago ng klima sa uri at kalidad ng edukasyong nakukuha ng mga mag-aaral ng UPLB… Hindi lang dapat ito natatali sa biglang pagsi-shift sa online o remote learning dulot ng mga sakuna: paano ba mas magiging inclusive at accessible ang edukasyon?”
Layunin ng pormang news analysis na gamitin ang kaalaman ng mga Tanglaw reporters upang ipaliwanag ang mga balita sa pamamagitan ng pagbibigay-konteksto, pagpapakahulugan, at obserbasyon.




You must be logged in to post a comment.