Sa ikatlong taon ng Tanglaw, humarap ang pahayagan ng mga mag-aaral ng Devcom sa mga kritikal na hamon sa pagbabalita nito nang kumpleto at may konteksto. Mula sa numipis nitong hanay dahilan sa pag-Sablay ng karamihan sa mga founding editor namin hanggang sa mga burukratikong danas nito bilang isang student publication, buhat ng Tanglaw ang bigat ng mga pagsubok ng kawalan ng pormal na pagkilala rito bilang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng College of Development Communication (CDC). 

Sa kabila nito, batid namin ang matibay na suporta ng pamunuan, konseho, at buong sangkaestudyantehan ng CDC. Mula sa mga bunot-bulsang pinansyal na suporta galing sa iba’t ibang mga opisina, faculty, at mag-aaral upang mapondohan ang iba’t ibang aktibidad ng pahayagan hanggang sa pagpipino at pinal na ratipikasyon ng Saligang Batas nito noong Setyembre, dama namin sa Tanglaw na hindi kami nag-iisa sa pagharap ng mga hamong ito. 

Kaugnay rin nito ang patuloy na paggabay ng CDC Executive Committee sa amin upang mapatalas ang nalalabing mga hakbangin para sa “college-level endorsement” ng pahayagan. Noong Oktubre 4, muli akong nagtungo kasama ang iba pang mga kinatawan ng pahayagan sa komite upang iharap ang kasalukuyang tinatahak at mga plano para sa hinaharap ng Tanglaw. Dito nagpaabot ang mga kinatawan ng komite ng iba’t ibang suhestyon para sa mga susunod na hakbang ng publikasyon.

Pangunahin sa mga mungkahing ito ang pagbuo ng isang Tanglaw primer, isang  komprehensibong koleksyon ng mga dokumento na naglalahad ng hindi lamang ng pinagmulan ng pahayagan, kundi pati na rin ng mga layunin nito. Kaulam ng primer ang muling pagpapakilala sa Tanglaw sa lahat ng CDC constituents (undergraduate at graduate), partikular na sa bagong-saltang freshies, shiftees, at transferees ng BSDC at ASDC Batch 2024, sa isang public forum. Pormal ding ilulunsad sa hybrid forum na ito ang referendum ng Tanglaw, isang prosesong halaw sa sistemang ginawa ng Tinig ng Plaridel ng College of Mass Communication sa UP Diliman. 

Mahirap mang lunukin ito para sa amin ngunit minarapat ng pahayagan na pansamantalang itigil ang operasyon nito mula ngayong araw upang tutukan ang paggaod para sa opisyal na endorsement nito mula sa kolehiyo. 

Isa ito sa mga pinakamabigat na desisyong ginawa ng Tanglaw sapagkat nauunawaan ng bawat editor at reporter nito na sa sigasig ng pagbabalita naka-angkla ang tunguhin ng pahayagan. Ngunit naroroon din ang pagkilala ng grupo sa reyalidad na hindi nito kayang maibigay ang dekalibreng bersyon ng Tanglaw sa mga mambabasa kung mananatiling marupok ang pundasyong kinatatayuan ng pahayagan. 

Sa pansamantalang paghina ng ningas ng Tanglaw, masikhay nating tanganin ang hamon ng panahon na patuloy na magliwanag at magpalaya. Inaanyayahan ko ang lahat na makiisa sa pahayagan sa pagkamit nito ng inaasam na college-level endorsement mula sa pamunuan ng kolehiyo, bitbit ang paniniwalang patuloy at mananatili na ikaw ang Tanglaw. 

Magbabalik ang isang nagpupuyos na Tanglaw. Magbabalik tayo. 

Sabay-sabay tayong gumawa ng kasaysayan, Devcommunity!

Si Mar Jhun Daniel ang kasalukuyang OIC editor in chief ng Tanglaw.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya